Noong Marso 15, naglabas ng artikulo ang Philippine News Agency (PNA) – isang media outlet ng gobyerno – kung saan inakusahan nito ang Gabriela Women’s Party (GWP), na kasalukuyang may kinatawan sa Kongreso, na rekruter umano ang grupo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa paggunita ng International Women’s Day noong Marso 8, nagdaos ng ispesyal na press briefing ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kung saan inihayag ng isang nagngangalang Arian Jane Ramos na isa raw siyang dating miyembro ng NPA. Ayon kay Ramos, matagal na raw na nagrerekrut ang GWP ng mga miyembro para sa NPA.
ANG SABI-SABI:
Gabriela Women’s Party, rekruter daw ng CPP-NPA-NDF
MARKA:
HINDI TOTOO
ANG KATOTOHANAN:
Rehistrado ang GWP sa Commission on Elections, Securities and Exchange Commissions, at may kasalukuyang may representasyon sa House of Representatives bilang isang sektoral na organisasyong pampulitika na kumakatawan sa sektor ng kababaihan.
Sa kabila ng kakulangan ng matibay na ebidensyang maaaring mag-ugnay sa GWP sa CPP-NPA-NDF, madalas pa ring target ang GWP ng red-tagging, lalo na mula sa mga opisyal ng NTF-ELCAC.
Sa isang panayam ng Altermidya, pinabulaanan ni GWP Rep. Arlene Brosas ang artikulo ng PNA at nilinaw na si Ramos, na nagsalita sa press briefing ng NTF-ELCAC, ay hindi kailanman naging miyembro ng GWP at wala rin siyang kilalang sinumang nagngangalang “Arian Jane Ramos.”
Ipinaliwanag ni Brosas na kinakatawan ng GWP ang sektor ng kababaihan sa party-list system ng House of Representatives mula ika-13 Kongreso hanggang sa kasalukuyang ika-18 Kongreso. Binigyang-diin din ng mambabatas na sa gitna ng mga akusasyon laban sa GWP, walang korte sa bansa ang naglabas ng desisyon na nagsasabing ang kanyang grupo ay kasabwat o may kinalaman sa NPA.
Pinabulaanan din ni Brosas ang alegasyon na ginagamit ng GWP ang mga miyembro nito para mangalap ng pondo mula sa iba’t ibang organisasyon.
“Hindi po nagso-solicit ang Gabriela Partylist, in fact bawal po sa’min ‘yan sa panahon ng election. Hindi namin ‘yun ginagawa at hindi namin ‘yun gawain,” giit ni Brosas.
Ayon sa mambabatas, maaaring nagsasalita si Ramos dahil sa pamimilit, pananakot, at direktang utos ng mga opisyal ng NTF-ELCAC. “Alam natin na ginagamit sila para gipitin, i-vilify ang mga legitimate organizations na alam natin kaiba ang opinyon sa kasalukuyang administrasyon. In fact, we are in the opposition, therefore we are the target of those claims,” ani Brosas.
Ang pangre-red-tag laban sa GWP, at iba pang partidong at mga politikong nasa oposisyon ay maaaring bahagi ng estratehiya ng gobyerno para siraan ang oposisyon, dagdag ni Brosas. “Alam nila ang lawak na inaabot ng Gabriela. So that is why hindi lang naman tayo, even Leni Robredo, even Kiko Pangilinan, even mga artista ay nire-redtag. Because they would want na manahimik sa mga issues, crucial issues sa usapin ng gobyerno lalong-lalo na sa ekonomiya at lalong-lalo na sa karapatang pantao,” diin ng mambabatas.
BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK:
Sa nagdaang mga taon, paulit-ulit na naging target ang oposisyon ng walang tigil na pangre-redtag ng gobyerno at mga opisyal nito. Dahil sa pagiging talamak ng ganitong pag-atake, inihain ang isang panukalang batas sa Senado para tugunan ito — ang Senate Bill 2121 – na naglalayong gawing krimen ang “red-tagging ng mga ahente ng estado.”
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na naglabas ang PNA ng isang artikulong nagsasagawa ng red-tagging, isang aksyong umani na ng batikos mula sa iba’t ibang grupo dahil pinopondohan ng publiko ang nasabing ahensya. Para sa 2022, aabot sa P121.75 milyon ang badyet ng PNA.
Ang artikulong ibinahagi ng PNA sa kanilang Facebook page ay may aabot na sa 1,500 reactions, 398 shares, at 80 comments. – Rome Medina at Neil Dizon
Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.
Magbasa ng iba pang artikulo rito:










