HINDI TOTOO: Joma Sison, inaming pinapayuhan si VP Leni
May 5, 2022

Noong Abril 21, inilathala ng Journal News ang isang balita sa panulat ng isang Lee Ann P. Ducusin na nagsasabing ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at kasalukuyang chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Prop. Jose Maria Sison ay umaming nagsisilbi daw siyang tagapayo kay Vice President Leni Robredo at sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Barry Gutierrez.

Ang artikulo ng Journal News ay naglalaman pa ng mga diumano’y sipi sa mga pahayag ni Sison at mga linya galing sa Ang Bayan, ang opisyal na pahayagan ng CPP, na umano’y nagpapatotoo sa impluwensya ng CPP sa kampanya ni Robredo.

Iginiit pa ng artikulo na ibinahagi ng “isang intelligence officer” ang isang “tactical intel report” sa Journal News na nagbababala na si Gutierrez ay sangkot sa lokal na makinarya ng CPP at may kinalaman sa pag-uusap nina Robredo at Sison.

Ang artikulo ay ibinahagi ni Sen. Panfilo Lacson, at itinanong sa isang tweet “Are they desperate to win? [Sila ba’y ganito nang kadesperadong manalo?]” Ipinalabas din sa free TV ang parehong isyu sa primetime news broadcast ng Net25 na “Mata ng Agila.”

ANG SABI-SABI:

Joma Sison, inaming pinapayuhan si VP Leni Robredo

MARKA:

HINDI TOTOO 

ANG KATOTOHANAN: 

Sa isang pahayag noong Abril 22, kinontra ni Prop. Sison ang artikulo ng Journal News at tinawag itong “fake news,” at ipinaliwanag na hindi siya kailanman nagbigay-payo o sumangguni kina Robredo at Gutierrez. Sinabi rin ni Sison na hindi siya kailanman kinapanayam ng sinumang mula sa Journal News.

Sa kabilang banda, ang CPP – sa pamamagitan ng chief information officer nito na si Marco Valbuena – ay nag-tweet at ipinaliwanag na ang artikulo ng Journal News ay “pure fiction posing as news [pawang kathang-isip na nagpapanggap bilang balita].” Sa pagkaklaro na hindi naglathala ang Ang Bayan ng anumang artikulo na nagsasaad ng suporta nito para kay Robredo, tinawag ni Valbuena ang artikulo ng Journal News na “basura.” Sa bahagi naman ni Gutierrez, tinawag niya ang artikulo na “absolute lie [lubos na kasinungalingan].”

Ang parehong laman ng balita ng Journal News at Net25 ay isa sa pinakabago sa serye ng disimpormasyon na nagtatangkang iugnay si Robredo at iba pang mga personalidad ng oposisyon sa CPP. Napatunayang nang hindi totoo ang gayong mga pag-uugnay sa nakaraang mga fact-check ng #FactsFirstPH.

Marapat lamang pansinin na ang artikulo ay hindi ang una sa mga kaduda-dudang istoryang sinulat ni Ducusin, na nagsulat na rin ng katulad na mga artikulo na nangre-redtag, nangpapakalat ng red scare, at nagbibigay ng hindi napatunayang mga pahayag na gumagamit ng kaduda-dudang sources.

Ang Journal News, kasama ang iba pang mga tabloid na People’s Journal, People’s Tonight, at Women’s Journal, ay pagmamay-ari ng Philippine Journalists Inc., isang kumpanya na pagmamay-ari naman ni Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez, na pinsang-buo ng katunggali ni Robredo sa karera sa pagkapangulo na si Marcos Jr.

BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK: 

Hindi ito ang unang beses na pilit inuugnay si VP Robredo sa mga komunistang grupo, sa pagtatangkang siraan ang kanyang kandidatura. Habang patuloy na itinatanggi ng kampo ni Robredo ang mga paratang, maraming ganitong klase ng disimpormasyon pa rin ang sumusulpot kahit walang basehan. – Vivian Vera

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This