HINDI TOTOO: Kinopya ng South Korea at Singapore ang ‘economic blueprint’ ni Ferdinand Marcos
April 21, 2022

Naglabas ang Youtuber na si John Anthony Jaboya o mas kilala sa tawag na Sangkay Janjan TV sa kanyang Tiktok account ng isang 3-part video na may titulong “Ang sikretong Blueprint ni Marcos,” na nagsabing may “engrandeng plano” daw para sa ekonomiya na ginawa si yumaong diktador Ferdinand Marcos na kaya raw sana gawing “global superpower” ang Pilipinas.

Sa bandang 00:39 na marka sa ikalawang video, iginiit ni Jaboya na ang tinatawag niyang “Marcos blueprint” ay sinimulang ipatupad ng dating pangulo kasabay ng paglulunsad ng “Kilusang Bagong Lipunan.” Ibinahagi pa daw ni Marcos sa mga pinuno ng South Korea at Singapore ang nasabing plano. Ginamit daw ng dalawang bansa ang “blueprint” para mapaunlad ang ekonomiya ng kanilang bansa, pero napag-iwanan daw ang Pilipinas dahil inabandona ng mga administrasyong sumunod kay Marcos ang nasabing plano.

ANG SABI-SABI:

Kinopya ng South Korea at Singapore ang ‘economic blueprint’ ni Ferdinand Marcos

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Kung babalikan ang opisyal na mga rekord ng pamahalaan, ang tanging matatawag na “Marcos economic blueprint” ay ang koleksyon ng 15 “short, midterm, at long-term development plan” na binuo at ipinatupad sa kanyang 20 taon sa kapangyarihan.

Sa isang pag-aaral na inilabas ng Philippine Institute for Development Studies na may titulong “Growth Models, Development Planning and Implementation in the Philippines” na isinulat ng ekonomistang si Gonzalo Jurado, sinabing ang mga development plan noong panahon ni Marcos “ay pareho ang tanaw at mithiin sa mga dati nang mga plano” ng naunang mga administrasyon, at ang tanging pagkakaiba ay ang pagdiin ng administrasyong Marcos sa pagpapatupad ng polisiya ng liberalisasyon.

Sinabi ng independent thinktank na IBON Foundation na ang sobrang pagsandal ng administrasyong Marcos sa trade liberalism, kalakip ng cronyism, ay nagresulta sa matagalang pinsala sa ekonomiya na humantong sa pagbansag sa Pilipinas bilang “sick man of Asia.” May iba pang pag-aaral na naglarawan pa sa economic model ni Marcos bilang “kontra-indistriyalisasyon” dahil ang batayang mga sektor ng ekonomiya ay “minopolisa ng mga crony.” Samantala, ang pagbibigay diin sa liberalisasyon ng merkado ay nagdulot naman ng pinsala sa mga lokal na industriya.

Maling sabihing sinunod ng South Korea at Singapore ang sinasabing Marcos “blueprint.” Ipinatupad ng South Korea ang pang-ekonomiyang estratehiya ng pagsuporta at pagpapalago sa lokal na industriya nito, samantalang binibigyang proteksyon ang mga lokal na negosyo mula sa kumpetisyon ng pandaigdigang merkado, na nagresulta sa pambansang industriyalisasyon na nagdulot ng tuloy-tuloy na paglago ng kanilang ekonomiya.

Samantala, ang Singapore – bago nito yakapin nang buo ang globalisasyon –ay nagbigay-diin din sa pagpapaunlad ng kanilang lokal na ekonomiya. Matapos iwan ng Singapore ang Federation of Malaysia noong 1965, ipinatupad ng Singapore ang dalawang estratehikong desisyon – una ay ang pagtalikod nito sa import-substitution patungo sa export-led na idustriyalisasyon, at ikalawa, ang paghikayat nito sa global multinational na mga korporasyon bilang behikulo sa pagkamit ng industriyal na paglago.

BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK:

Ilang mga fact-check na rin ang naisagawa sa Sangkay Janjan TV nitong nakaraan, pero patuloy pa rin ito sa paggawa at pagpapakalat ng disimpormasyon. Ang Tiktok post ng Sangkay Janjan TV na tinutukoy ay meron nang higit 78,000 na like at 901 na comment. – Vivian Vera

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This