HINDI TOTOO: Walang court conviction ang pamilya Marcos

0
736

Sa video na inilabas ng WOW Vlog Facebook page, sinabi ng self-proclaimed political analyst at tagapangulo ng grupong National Filipinos Against Foreign Intervention na si Ferdie Pasion, na walang hatol na “guilty” ang pamilyang Marcos sa mga kasong isinampa laban sa kanila sa mga korte sa loob at labas ng bansa. Ipinaliwanag din niya na ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ang asawa nitong si Imelda, ay naipanalo na ang mga kaso laban sa kanila, na isinampa sa panahon pa ng administrasyon ni Corazon Aquino.

Idiniin din ni Pasion na hindi dapat humingi ng tawad sa publiko ang mga Marcos dahil inosente naman sila.

ANG SABI-SABI:

Inosente ang pamilya Marcos dahil wala namang korteng naghatol ng ‘guilty’ sa kanila

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

May ilan nang korte sa loob at labas ng Pilipinas ang naglabas ng hatol na nagpapatunay na nangulimbat ng nakaw na yaman ang mga Marcos.

Sa inilabas na desisyon ng Swiss Supreme Court ang noong 1997, sinabi nitong may US$120 milyon na itinago sa iba’t ibang Swiss bank accounts ang mga Marcos na mula sa nakaw na yaman. Sinundan pa ang nasabing hatol ng kahalintulad na desisyon ng Korte Suprema noong 2003. Inihayag din ng rin ang Bureau of Internal Revenue na may hindi pa nababayarang P23.3 bilyon na estate tax ang pamilya Marcos, na konektado sa “final and executory” na desisyon ng Korte Suprema noong 1999. Convicted din si Imelda Marcos sa seven counts ng graft sa Sandiganbayan dahil sa nakaw na yamang idinaan sa pribadong foundations ng dating first lady sa Switzerland noong panahon ni Marcos.

May desisyon din ang US federal court tungkol sa paglabag sa karapatang pantao ng administrasyong Marcos, kung saan iniutos nito ang ipamahagi ang mahigit US$2 bilyon galing sa estate ng pamilyang Marcos sa US, sa 10,000 biktima ng karahasan at pagpatay sa panahon ng diktaduryang Marcos.

BAKIT KAILANGANG I-FACT CHECK:

Patuloy pa ring itinatanggi ng presidential candidate na si Ferdinand Marcos Jr. ang hatol ng mga korte sa kasong korapsyon at iba pang kasong napatunayang nagawa ng pamilya nila. Iginigiit pa nga ng kanyang kampo na “golden era” daw ng Pilipinas ang administrasyon ng kanyang ama. Ang nasabing video ay mayroon nang mahigit 66,000 views, 3,600 reactions, at 283 comments na karamihan ay nagpapakita ng suporta sa nasabing hindi totoong impormasyon. – Maez Estrada at Joseph Gloria

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.