Hustisya, panawagan sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni Baby River

0
46

“Hustisya para kay Baby River, Palayain si Reina Mae Nasino!”

Ito ang panawagan ng pamilya at ibang progresibong grupo sa paggunita sa unang taong pagkamatay ni Baby River.

Bumisita ang pamilya at mga tagasuporta sa Manila North Cemetery kung saan inilibing si River Emmanuelle o “Baby River” Nasino, anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae “Ina” Nasino.

Isang buwan pa lang mula nang ipanganak ay pinaghiwalay na agad si Baby River at Ina sa kabila ng apela niyang pagsamahin sila hanggang maka-anim na buwan man lang ito para mabigyan ng sapat na nutrisyon mula sa kaniyang gatas.

Ipinanganak si Baby River na kulang sa timbang at manilaw-nilaw ang balat, na sinasabing tanda ng hirap ng nanay nito sa pagbubuntis. Kulang ang naging pre-natal care para kay Nasino habang nasa bilangguan, kasabay na rin ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, at nakaisang check up lamang ito.

Pumanaw si Baby River nang nasa ikatlong buwan at isang linggo lamang at matapos ang ilang linggong pagkakaospital.

“Ang anak ko, kinulong sa gawa-gawang kaso, nagbuntis sa loob ng kulungan, nanganak at hindi binigyan ng karapatan para makasama at mapagkalooban ng sustansiya ang kaniyang anak, kaya nangyari ang lahat ng ito,” ani Marites Asis, ina ni Reina Mae Nasino.

Namatay sa kamay ng estado

Ayon sa mga tagasuporta ni Baby River at Ina, hindi sila makakalimot sa sadyang pagpapabaya at pagpapahirap ng estado sa mag-ina.

“Hindi basta acute respiratory distress syndrome ang kinamatay ni Baby River. Pagkapanganak niya pa lang ay maraming ng karapatan ang pinagkait sa kaniya– at ito ang pumatay sa kaniya,” ani Cha Campos ng Concerned Students for Justice and Peace.

Ayon kay Donald Navayra ng Kabataan Partylist NCR, si Baby River ang pinakabatang biktima ng pasismo ng rehimeng Duterte.

“Si Baby River ay isang mukha lamang sa libo-libong kinitil ng gobyernong ito, libu-libong biktima ng inhustisya at pasismo,” dagdag ni Navayra.

Hindi pa tapos ang laban

Naniniwala naman ang pamilya at tagasuporta ni Baby River at Ina na hindi pa tapos ang kanilang laban.

“Ipagpapatuloy ko ito, hindi po tayo titigil hanggang nando’n pa po ang anak ko sa kulungan,” pagdidiin ni Asis.

Nangako naman ang mga sumusuportang kabataan na hindi sila hihinto hangga’t hindi nakukuha ang katarungan hindi lamang para kay BAby River, kundi sa lahat ng naging biktima ng gobyerno at hanggang hindi napapalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal.

Tinangka namang pigilan ng mga miyembro ng Manila Police District na makapasok sa loob ng Manila North Cemetery ang mga kapamilya ni Baby River, ngunit sa paggigiit ay nakapasok at nakapag-alay ng bulaklak ang mga kamag-anak. Karen Serada/manilatoday.net

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.