ICC muling bubuksan ang imbestigasyon sa drug war ni Duterte
June 29, 2022

Punong Himpilan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands

Inirekomenda ni International Criminal Court Chief Prosecutor Karim Khan na muling buksan ang imbestigasyon sa madugong kampanyang kontra-droga ng administrasyong Duterte na kumitil sa libu-libong buhay ng mamamayan.

Sa pamamagitan ng 53-page request na kaniyang ipinasa sa Pre-Trial Chamber I ng ICC, binanggit ni Khan na hindi nagpapakita ng hakbang ang gobyerno ng Pilipinas para imbestigahan ang mga patayan na naganap magmula 2011 habang alkalde pa ng Davao City si Rodrigo Duterte hanggang 2019 nang nasa ikatlong taon siya bilang pangulo ng bansa.

Nobyembre 2021 nang pansamantalang ihinto ng ICC ang imbestigasyon bilang tugon sa deferral request na ipinasa ng pamahalaan ng Pilipinas alinsunod sa Artikulo 18 (2) ng Rome Statute. Ipinunto ng gobyerno na may lehitimong imbestigasyon silang ginagawa sa mga kaso.

Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Authority, 6,248 ang namatay sa war on drugs o mas tanyag na Oplan Tokhang na pinapangunahan ng kapulisan. Ngunit, papalo sa 30,000 ang namatay ayon sa tala ng mga human rights groups kapag naisama sa bilang ang mga vigilante-style killings.

“Even then, the cases referenced by GovPH relate only to a small proportion of the criminal conduct that allegedly took place in the Philippines,” nakasaad sa request ni Khan.

Nagbukas ng Inter-Agency Review Panel ang Department of Justice upang tingnan ang mga patayan bunsod ng drug war. Sa talumpati ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa ika-49 sesyon ng United Nations Human Rights Council, sinabi niyang nakapagkondukta na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation sa 52 kaso sa ilalim ng drug war.

Sinang-ayunan naman ng National Union of People’s Lawyers ang pahayag ni Khan at sinabing ito’y napapanahon sa nalalapit na pagbaba ni Duterte sa puwesto.

Bagaman tinanggihan ni Duterte ang alok bilang maging Drug Czar ng rehimeng Marcos II at pagpayag sa ICC na mag-imbestiga sa bansa ayon sa magiging National Security Adviser Clarita Carlos, inaasahan ng NUPL na magpapatuloy pa rin ang patayan at karahasan sa tabing ng giyera-kontra-droga ng pamahalaan.

“Oplan Tokhang as a policy has been largely untouched, nor have police practices improved,” ayon sa kanilang pahayag.

Sa kabuuan, ang kaso lamang ng pagpatay ng mga pulis ng Caloocan City sa 17-anyos na si Kian Delos Santos ang nabigyan ng sentensya. Umaasa ang mga pamilya ng iba pang mga biktima na agarang makamtan ang hustisyang nararapat na makuha.

“At the soonest possible opportunity, victims will proceed with registration of participation in the ICC proceedings,” ayon sa NUPL.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This