Ni JHONA REYES VITOR at RENALYN RAMIREZ
Altermidya
Hinaras ng mga militar ang mga katutubong Dumagat-Remontado na lumahok sa protesta sa SONA noong Hulyo 28 sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakararanas ang mga katutubo ng paniniktik ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army, ayon sa Karapatan-Rizal. “Umikot ang mga sundalo sa ilang komunidad ng mga Dumagat sa Tanay, Rizal para ipagtanong ang mga pangalan ng mga katutubong sumali sa protesta, pati na rin ang pagkakakilanlan ng mga organisador na kanilang kasama,” ayon sa grupo.
“Malinaw na profiling at harassment ito na may layong takutin at patahimikin ang mga katutubo,” sabi pa ng naturang grupo. Matagal na rin umanong nakakaranas ng militarisasyon ang mga Dumagat sa kanilang mga komunidad.
Sinabi ni Roberto Torres, lider-Dumagat, na malaking sagabal sa kanilang buhay ang mga militar sa kabundukan ng Sierra Madre. Layunin umano ng mga ito na palayasin sila mula sa lupang ninuno para bigyang-daan ang mga proyektong tulad ng Kaliwa at Kanan Dams.
Matagal nang naiuugnay ang presensiya ng militar sa Sierra Madre sa mga proyektong tulad ng Kaliwa at Kanan Dams, na mariing tinututulan ng mga katutubo. Para sa kanila, paraan ang presensiya ng militar para takutin ang mga residente at patahimikin ang mga sektor na lumalaban sa pagkawala ng kanilang lupang ninuno at kabuhayan, at paglabag sa kanilang karapatang pantao.
“Pinagdududahan pa kami na may mga pinagdadalhan daw kami. Na ’yung supply namin [na] hinahati namin, dinadala daw sa mga katulad ng mga NPA. Ayun naman, habang nagtatrabaho kami, ‘yun lang ang pagkain namin,” ani Torres.
“Magtataka sila kung bakit marami ’yung bigas. Hindi alam na maraming grupo rin kami [na maghahati-hati] sa mga supply. Kaya marami, siyempre, ’yung pagkain,” dagdag niya.
Banta rin daw ang mga proyekto sa pagkakaisa ng kanilang komunidad, lalo’t ginagamit umano ng pamahalaan ang mga pekeng Free, Prior, and Informed Consents (FPIC) para palabasin na pumapayag ang ilan sa kanila na boluntaryong lumikas.
Sa State of the National Minority Address (SONMA) ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu), isa ang militarisasyon sa anim na pangunahing isyung kinakaharap ng pambansang minorya. Kabilang din dito ang mga pandurukot at pagpatay at pagbabansag sa mga katutubo na terorista o komunista tulad ng nangyari sa aktibistang Igorot na si Sarah Alikes ng Cordillera People’s Alliance; pangangamkam ng lupang ninuno; pagpapalayas sa mga komunidad; at pag-aresto batay sa gawa-gawang mga kaso, tulad ng pag-aresto kay Simon “Ka Filiw” Naogsan ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) noong Oktubre 21, 2024.
“May nakakulong din kami dito sa Bicutan. Napagbintangan lang na sila ang pumatay daw ng militar sa Quezon,” dagdag ni Torres.
Dahil dito, panawagan ni Torres at ang mga katutubo paalisin ang mga militar sa kanilang komunidad at ang palayain ang mga kasamahan nilang nakapiit.
“Paalisin na sila sa bundok para maging maluwag yung hanapbuhay namin,” giit niya. “At saka yung mga katulad ng mga nakakulong na bintang-bintang lang, ilabas na nila.”
Samantala, tulad ng nakaraang mga SONA, wala pa ring nabanggit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa kapakanan ng pambansang minorya ngayong taon.

![Ni JHONA REYES VITOR at RENALYN RAMIREZAltermidya Hinaras ng mga militar ang mga katutubong Dumagat-Remontado na lumahok sa protesta sa SONA noong Hulyo 28 sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Nakararanas ang mga katutubo ng paniniktik ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army, ayon sa Karapatan-Rizal. “Umikot ang mga sundalo sa ilang komunidad ng mga Dumagat […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2025/08/525946034_1217033143797165_4552093304428298989_n.jpg)







