KULANG SA KONTEKSTO: Marcos Jr., ibababa daw sa P20/kilo ang presyo ng bigas kapag nahalal
April 29, 2022

Nitong Abril 17, naglabas ng pahayag ang Partido Federal ng Pilipinas kung saan nakasaad ang plano ng standard-bearer nito na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibababa niya tungong P20 ang presyo bawat kilo ng bigas sakaling manalo siya sa eleksyon sa Mayo 9. 

Ayon sa pahayag, maglalaan ng subsidyo si Marcos Jr. para bumaba ang presyo ng bigas, at bibilhin ng gobyerno ang bigas na mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA). Plano niya rin daw na palakasin ang lokal na produksyon ng bigas, amyendahan ang Rice Tariffication Law, at limitahan ang pag-import ng bigas para matigil umano ang pang-aabuso ng mga “rice cartel” sa bansa. 

ANG SABI-SABI:  

Ibababa ni Marcos Jr. ang presyo ng bigas tungong P20 kada kilo 

ANG MARKA:  

KULANG SA KONTEKSTO 

ANG KATOTOHANAN: 

Ayon sa iba’t ibang sektor, ang pagbaba sa presyo ng bigas ay nangangahulugang pagbaba rin ng farmgate price o presyo ng palay na binibili mula sa mga magsasaka. Sa kasalukuyan, umaabot sa P10 hanggang P17.20 ang farmgate price ng bawat kilo ng palay. Bukod dito, dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, inihayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang-kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas na nakikiusap ang ilang magsasaka na itaas ang farmgate price ng palay sa P20 kada kilo. 

Sa paglalatag ng pangakong ibaba ang presyo ng bigas, kinakailangang ilatag din ang buong kontekstong kalakip ng isyung ito. Walang anumang ipinakitang komputasyon ang kampo ni Marcos Jr. para suportahan ang pangakong kanyang binitiwan. 

Maaalalang nagkaroon din ng katulad na plataporma ang dating diktator at ama ni Marcos Jr. na si Ferdinand Marcos Sr. na tinawag na Masagana 99. Isa itong programa ng gobyerno na layon daw na itaas ang produksyon ng mga magsasaka at pababain ang presyo ng pagkain. Sa pagtatapos ng programang ito, nabaon sa utang ang mga magsasaka at hindi naging sapat ang produksyon para mag-export ng bigas ang bansa. 

Ani Finance Secretary Carlos Dominguez III, na nagsilbing agriculture secretary pagkatapos ng diktaduryang Marcos, ang mga programang walang komprehensibong plano para pataasin at palakasin ang produksyon ng mga magsasaka ay magdudulot lamang ng mas matinding kahirapan para sa kanila. 

BAKIT KAILANGAN I-FACT-CHECK: 

Dahil sa lokal at pandaigdigang krisis, humaharap sa matinding pagtaas ng presyo ng bilihin ang mga Pilipino, kabilang na ang bigas. Kaya naman ang paggamit sa isyung ito sa panahon ng kampanya ay lumang taktika nang ginawa rin sa iba pang bansa. 

Sa kasalukuyan, may higit 40,000 reactions, 7,100 comments, and 27,000 shares ang naturang post. — Philip Mateo at Lyka Naranjo 

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph. 

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This