Lider-estudyante, aktibista ‘ilegal’ na dinampot sa bicol

0
33

Dalawang liyder-estudyante at isang lider-aktibista sa rehiyon ng Bicol ang tinarget na hulihin at ikulong ng mga elemento ng pulisya sa magkahiwalay na reyd kaninang umaga, Mayo 2.

Alas-kuwatro ng umaga, pinasok ng humigit-kumulang 40 elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine National Police (PNP) ang bahay ni Justine Mesias, estudyante sa Bicol University (BU) at tagapagsalita ng Youth Act Now Against Tyranny (Yanat)-Bicol sa Daraga, Albay.

Ayon sa Anakbayan-BU, sinira ng mga nagreyd ang pinto ng tahanan ni Mesias at tinutukan ng baril ang kaanak bago naghalughog ng bahay. Nakakuha raw ang mga pulis ng .45 kalibreng baril at pampasabog, bagay na iginigiit ng Anakbayan-BU ay tinanim daw ng mga pulis.

Hindi nahuli si Mesias dahil wala umano siya sa bahay niya nang mangyari ang reyd.

Si Sasah Sta. Rosa, tagapagsalita ng Jovenes Anakbayan, sa PNP Naga Substation 2. Larawan mula sa Anakbayan-Naga

Samantala, inaresto naman, at diumano’y tinaniman ng baril sa kanyang bahay, si Sasah Sta. Rosa, tagapagsalita ng Jovenes Anakbayan, alas-tres ng umaga sa Villa Obiedo, Carrayan, Naga City.

Ayon din sa Anakbayan-BU, di-bababa sa 10 miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ng PNP, kasama ang limang unipormadong pulis at ilang sibilyan ang pumasok sa bahay ni Sta. Rosa, pinalabas at pinadapa ang kanyang pamilya bago binasahan ng search warrant.

“Inabot ng 40 minuto ang paghahanap at paghalughog sa kanilang tahanan. Paglabas ng mga ito ay may dala nang isang bag na naglalaman ng baril, granada at pulang bandera,” sabi pa ng Anakbayan-BU.

Nakadetine umano ngayon si Sta. Rosa sa PNP Naga Substation 2.

Samantala, nabalita ring inaresto si Pastor Dan Balucio, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Bicol sa kanyang bahay sa Sto. Domingo, Albay. (Priscilla Pamintuan/pinoyweekly.org)

Leave a reply