‘Maglingkod sa sambayanan,’ hamon sa mga nagtapos sa Bicol U
June 29, 2026

Iglap-Protesta: Banner na "BUeños, Serve the People" hinilera sa graduation rites sa Bicol University . Larawan ng Cassipi publication

Ni Jayson Enebrad

LEGAZPI CITY, Albay – “BUeños, Serve the People!” 

Ito ang mensaheng bitbit ng mga nagsagawa ng iglap-protesta sa ika-56 na Commencement Exercises ng Bicol University (BU) noong Hunyo 15-16, 2026 sa Legazpi City. 

Pinangunahan ng mga mamamahayag at lider-estudyante mula sa mga kampus ng Daraga, Legazpi-East at West ang iglap-protesta na inilunsad sa BU – PGA Sports Complex. 

Sa kabila ito ng mga banta, paninira, at “red-tagging” sa mga nagsagawa ng iglap-protesta.

“Sa neoliberal na sistema, ang graduation ay tinitingnan bilang pagtatapos ng pag-aaral, pero sa atin, nakikita natin ito bilang panimula ng pagsisilbi sa bayan,” ani Jan Sander Aban, lider ng BUeños Kontra Korapsyon (BKK) at isa sa mga nag-organisa sa aktibidad. 

Hinamon niya ang mga kapwa-BUeño na ipagpatuloy ang paninindigan sa harap ng mga isyung nagpapahirap sa bansa kahit na nagtapos na sila sa kolehiyo. 

“Tungkulin natin ang patunayang ang edukasyon ay hindi magtatapos sa unibersidad at ipagpapatuloy natin ito sa pag-aaral sa paaralan ng buhay—ang lipunan,” dagdag nya.

Bukod sa panawagan na paglingkuran ang sambayanan, dinala rin ng mga BUeños sa entablado ang iba’t ibang isyu sa unibersidad tulad ng ‘homophobia’ at ‘transphobia’; kakulangan ng ‘student spaces’ sa mga kampus; at banta ng red-tagging sa mga aktibong mag-aaral. 

Bitbit din sa kanilang mga plakard ang mga isyu tulad ng etika sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI); kawalang suporta sa Humanities and Social Sciences (HUMSS); at korupsiyon at paglabag ng estado sa karapatang pantao. 

Ayon kay Aban, ang pagpoprotesta at kalayaan sa pagpapahayag ay bahagi ng batayang karapatan sa de-kalidad na edukasyon.  

“Batayang karapatan ng estudyanteng masa ang magprotesta, mag-organisa, at makiisa sa mga gawaing pampulitika. Hindi hiwalay at hindi exception dito ang graduation natin sa mga neoliberal nating paaralan,” aniya. 

Nagpapatuloy na atake 

Sa kabila ng pagsuporta ng mga mag-aaral, nakatanggap pa rin ng mapanirang mga komento at red-tagging ang video clip ng iglap-protesta sa Facebook page ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)–Bicol. 

Sa nasabing Facebook post, ilang indibidwal ang tinawag na “corned beef” at salot ang mga estudyanteng lumahok sa protesta at binansagan bilang mga rebelde at terorista.

Mariing kinondena ng CEGP-Bicol ang mga mapanirang komentong ito sa inilabas na solidarity statement hinggil sa pangyayari. 

Ayon kay Edward Alipio, tagapangulo ng CEGP-Bicol, lubhang mapanganib ang ganitong mga komento bilang direktang banta sa kaligtasan ng mga estudyanteng lumahok sa rali.

“Bilang mga estudyante at mamamahayag, pagyurak din ito sa kanilang integridad at sa edukasyong kanilang nakamit,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni Alipio na maaaring makasira ang red-tagging sa mga oportunidad na maaaring matamasa ng mga bagong gradweyt. Panganib din aniya sa demokratikong proseso ang pagpapakalat ng maling impormasyon gaya ng nasa mga nasabing komento. 

“Ang ganitong paninira’y lalo lang nagpapalaganap ng takot at maling pag-unawa sa pagrarali at iba pang anyo ng aktibismo, na para bang ang paglahok sa demokratikong pakikibaka’y isang krimen sa halip na isang karapatan,” ani Alipio.

Pansamantalang nilimitahan ng CEGP-Bicol ang pagkokomento sa nasabing Facebook post para hindi na dumami pa ang mga mapanirang pahayag.

Nakipag-ugnayan ang CEGP-Bicol sa mga estudyante at mga publikasyon na lumahok sa iglap-protesta at nakaranas ng red-tagging upang kumustahin ang kanilang kalagayan at makapaglatag ng iba pang posibleng hakbang at solusyon kaugnay ng pangyayari.

Sa kabila ng atake sa hanay nila, itinuturing pa rin ni Aban na matagumpay ang kanilang pagkilos, dala aniya ng dumaraming bilang ng mga lumalahok sa ganitong aktibidad.

“Maituturing na nating tagumpay ang pagdami ng mga lumahok ngayon [kumpara] sa Graduation Lightning Rally last year. Masasabi natin na unti-unti na nating nabubuhay muli ang militante at pro-people na kultura sa BU,” dagdag niya.#

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This