Ni MICHAEL BELTRAN, EXEQUIEL AGULTO, at AXELL SWEN LUMIGUEN
Pinoy Weekly
Sapat ba ang P40 na umento sa minimum na sahod na inaprubahan nitong katapusan ng Hunyo?
Nadagdagan ng 7% ang bagong P610 na minimum wage na dating P570 sa Metro Manila. Kulang pang pambili ng isang kilong bigas. Hindi nga naipagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr. sa nakaraan niyang State of the Nation Address (Sona). Marahil, nahihiya siya dahil alam niyang barya-barya lamang itong dagdag.
Pero umaarangkada naman daw ang ekonomiya at bumaba ang presyo ng mga bilihin, lahad ng pangulo sa Sona, na ikanagulat naman ng publiko.
Tila magkaiba talaga ang tanaw ng sobrang yaman at makapangyarihan at ng karaniwan. Madaling sabihing sapat kapag hindi naman ikaw ang salat.
Ayon sa Ibon Foundation, ang family living wage (FLW) o halagang kailangan para matugunan ang lahat ng pampamilyang gastusin ay nasa P25,236 kada buwan o P1,100 kada araw.
Mahaba-habang panahon pa nating mararamdaman ang mataas na presyo ng bilhin.
Mula Enero, Pilipinas na ang may pinakamataas na inflation sa buong Southeast Asia. Konserbatibong tantiya ng Department of Finance, mananatili pa sa halos 6% ang inflation hanggang sa katapusan ng taon.
Naghihikahos na mga manggagawa’t propesyunal sa iba’t ibang industriya, umaaray na’t nangangati para sa dagdag-sahod.
Pero sa iba’t ibang klase ng trabaho, FLW o nakabubuhay na sahod na dapat, anuman ang pagkakaiba sa implementasyon.
Kaya nakapanayam ng Pinoy Weekly ang samu’t saring manggagawa para kamustahin ang totoong makatarungang dagdag sahod para sa kanila.
Family living wage dapat
Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), dapat sakupin ng FLW ang mga gastusin sa pagkain, pamasahe, pambayad sa tubig, kuryente at upa, gamot, pag-aaral ng mga anak, kaunting ipon at iba pang basic needs.
Kung susukatin, walang anumang ipon at halos pambili lang ng kakarampot na pagkain ang kasalukuyang minimum na pasahod, kahit pa nadagdagan ng P40.
Sa Metro Manila, papatak sa P13,420 kada buwan ang minimum wage. Samantalang ang poverty threshold ng bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ay P13,741. Ibig sabihin kulang pa ng P321 ang sahod sa pinakamaunlad na bahagi ng bansa para masabing hindi mahirap ang nakakatanggap nito.
Nanghikayat pa ang KMU sa buong bansa, lalo sa labas ng Metro Manila na itulak ang mga “regional wage board na magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod. Dapat paingayin at itulak si Marcos na gawing prayoridad ang pagpapasa ng batas sa pantay na minimum sa buong bansa.”
Katumbas ng pagpapatupad ng FLW ang pagbubuwag sa mga regional wage board, siyang dahilan kung bakit magkakaiba ang sahod depende sa lugar.
Mga nars na binabarat, umaalis sa serbisyo
Samantala, binabarat naman ang mga nars sa Pilipinas.
“Kami ang nag-aalaga mula ipanganak hanggang yumao ang isang tao,” paliwanag ni Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United (FNU).
Sa survey ng Department of Labor and Employment, pumapatak lamang sa P14,942 ang average na kita ng isang nars. Lamang lang ito ng 11% sa kasalukuyang Metro Manila minimum wage.
“Ang isyu ng mababang sahod ng nurse ay isyu ng survival ng Filipino families,” giit ni Andamo.
Dahil sa bansot na suweldo, maraming mga manggagawang pangkalusugan ang naghahanap ng ibang kabuhayan, sa ibayong dagat man o sa loob pa rin ng bansa.
Sa ulat ng Professional Regulation Commission, nasa 53.55% ng halos isang milyong registered nurse na lang ang kasalukuyang aktibo.
Panawagan ng FNU ang P50,000 entry level na sahod sa bawat nars, sa pribado man o pampublikong pagamutan.
Propesyonal na pasahod dapat sa kaguruan
Propesyonal ang mga guro sa mga pampublikong paaralan pero “iyong sahod niya, hindi tumutungtong sa living wage,” ani Ruby Bernardo, guro at tagapangulo ng Alliance of Concerned Teacher-National Capital Region (Act NCR).
“Napag-iwanan ‘yong sahod ng mga teacher,” giit ni Bernardo. Kapos ang P27,000 suweldo ng isang entry level na guro sa dami ng kaltas, gastusin at bigat ng trabaho.
“Hindi kami binigyan ng laptop kada isa, hindi rin kami sinusuportahan sa teaching supplies. Mayroon kaming chalk allowance pero napakaliit niyon, hindi pa aabot sa P20 per day,” dagdag ni Bernardo.
Sa tala ng Act Philippines, kulang ang bansa ng 147,000 guro para sa klaseng may 35 bilang ng estudyante. Kakailanganing mag-hire ang Department of Education ng 30,000 bagong guro kada taon hanggang sa 2028.
“Hihintayin pa ba ng gobyernong ito na talagang mawalan tayo ng mga mahuhusay na teacher?” tanong ni Bernardo.
Panawagan ng Act Philippines ang Salary Grade 15 o halos P37,000 sahod ng entry level o Teacher 1.
Nakabubuhay na sahod, hindi limos sa manggagawang agrikultural
“Napakalaking inhustisya ng kasalukuyang antas ng sahod sa manggagawang agrikultural. Masunod man ito—at malimit, hindi ito nasusunod, lalo na sa mga tubuhan—hindi pa rin makakain ang mismong prodyuser ng pagkain,” ani Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (Uma) acting chairperson Ariel Casilao.
Paliwanag ni Casilao, limos ang P40 na umento sa sahod ng administrasyong Marcos Jr. dahil kapos ng P110.
“Nagmungkahi tayo ng P150 wage relief pantawid sa araw-araw. Pero maski ito, ipinagkait,” dagdag ni Casilao.
Ayon sa Agricultural Indicators System ng PSA sa taong 2021, P285.19 ang average na sahod ng isang manggagawang agrikultural kada araw.
Sa kabila nito, importasyon ang tugon ni Marcos Jr. na siya ring concurrent secretary ng Department of Agriculture (DA).
“Mismong [DA] talaga ang sumisira sa agrikultura ng bansa. Mapaminsala sa mga konsumer ang pagbubulag-bulagan nito sa mga kartel, at lalong mapaminsala sa mga produser ang kakaangkat nito sa mga produktong agrikultural,” saad ng Uma.
Platform workers, binabarat din
“Nakalulungkot isipin na sa amin ang motorsiklo, gasolina at disgrasya, at wala silang partisipasyon sa seguridad namin,” paliwanag ni Robert Perillo, tagapanggulo ng Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong) sa kalagayan ng mga delivery rider na kabilang sa mga platform worker.
Pero ani Perillo, “binabarat pa ng mga kompanya ng mga platform job [tulad] ng delivery, ang aming pakinabang.”
Humihingi ng P100 umentong sahod pambawi ang Kagulong ngunit, P40 sa National Capital Region na “kulang pa sa isang litrong gasolina” ang tugon ng administrasyong Marcos Jr.
Sa pag-aaral ng Fairwork Philippines noong 2022, may humigit-kumulang 500,000 platform workers sa bansa noong kasagsagan ng Covid-19. Maaari mang kumita ng higit P537 kada araw, maraming hindi nakaaabot sa FLW kung isasama ang halaga ng mga kagamitan at gastusin sa trabaho, ayon sa Fairwork.
“Dapat buwagin na ang mga regional wage board at palitan ng pambansang ahensya na magtatakda ng national minimum wage,” saad ng Kagulong.
Sahod nila, kabuhayan ko
“Ang kita ng drayber ay laging nakatali sa kita ng mga manggagawang komyuter,” saad ni Xavier Fajardo, national coordinator ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) at tsuper na bumibiyahe sa rutang Project 6-Quiapo.
Habang itinuturing na tagumpay ni Fajardo ang dagdag na P40, malayo pa umano ito sa FLW.
“Kulang pa ito sa kinakailangan na sahod ng mga manggagawa para mabuhay,” saad ni Fajardo.
Bilang mga tsuper na nagseserbisyo sa mga manggagawang araw-araw pumapasok sa trabaho at sa ibang mananakay sa iba nilang aktibidad, na binubuhay rin ng kung sinumang nagtatrabaho sa pamilyang kaniyang kinabibilangan, hangarin din ng mga drayber ang maayos na kita sa kanilang mga sineserbisyuhan.
Kaya naman hinihikayat din ni Fajardo ang ibang mga kapwa tsuper na lumaban para sa mas mataas na sahod ng mga maliliit na manggagawa.