Ni MICHELLE MABINGNAY
Pinoy Weekly
Tuluyang tinanggal sa bisa ng “temporary layoff” ng Nexperia Philippines, Inc. ang 54 manggagawa noong Abr. 1 sa kabila ng sunod-sunod na protesta ng unyon laban dito.
Sabi ng management, “low volume” ang dahilan sa likod ng malawakang tanggalan.
Pero ayon sa Nexperia Philippines, Inc. Workers Union (NPIWU), taliwas ito sa aktuwal na nangyayari sa pabrika ng semiconductor company sapagkat mataas ang output ng mga manggagawa.
Isa si Bryan John Laganzon, limang taong manggagawa sa kompanya, sa tinanggal ng management. Aniya, nakakadismaya at kuwestiyonable ang nangyaring tanggalan.
Imbis na sundin umano ng dayuhang kompanya ang sistemang “last in, first out” na matagal nang isinasapratika at nakasaad sa isang probisyon sa kanilang collective bargaining agreement (CBA), ibinase sa “performance” ang tanggalan.
Para kay Laganzon, “pambababoy” ito sa CBA at unyon. Napakasubhetibo umano ng batayan dahil kahit pa maayos ang rekord ng mga manggagawa, nasama pa rin sa nawalan ng kabuhayan.
“Sa lahat ng kasama ko, ako lang ‘yong may [annual incentive pay]. Pinagtataka ko talaga ‘yong sinasabi nilang performanced-based,” sabi ni Laganzon. Kapag nakatanggap ng incentive ang manggagawa, nanganghulugang maganda ang naging performance nito sa buong taon.
Dagdag pa niya, dalawa lang din silang inspektor sa linyang central wire bundle kaya kataka-taka kung ikakatwiran pa ng management ang redundancy.
“Iniisip ko tuloy na pinersonal dahil active [ako] sa unyon,” ani Laganzon.
Sa 54 manggagawang tinanggal, 50 rito ang miyembro ng NPIWU. Gumugulong din ngayon ang ika-15 CBA kung saan nakikipagtawaran ang unyon para sa mas mataas na sahod, maayos na benepisyo at kondisyon sa paggawa, seguridad sa trabaho, at iba pa.
Dahil sa nangyari, umeekstra ngayon sa pagde-deliver ng mga bulaklak si Laganzon at nagbebenta naman ng ukay-ukay ang kanyang asawa para mairaos ang pang-araw-araw na gastusin ng pamilya.
“Gipit talaga kasi wala kaming pinagkukunan. Hindi namin alam kung paano [itatawid] ang mga susunod na araw,” sabi ni Laganzon.
Noong mismong Abr. 1, muling lumabas ng pabrika ang mga manggagawa para ipanawagan na ibalik ang mga manggagawang tinanggal, kabilang ang walong manggagawang naunang tinanggal, at itigil nakatakdang tanggalan sa hanay ng 72 manggagawa sa Oktubre.
Sa sesyon ng CBA nitong Abr. 4, muli ring idinulog ng unyon sa management na itigil na ang malawakang tanggalan sa pagaawan at sa halip ay itaguyod ang sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa.
Inaasahang sa darating na Abr. 14 magkakaroon ng pinal na desisyon hinggil sa walo at 54 manggagawang tinanggal.