Malawakang transport strike, asahan simula Abril 15–Piston, Manibela
April 13, 2024

Ni CHARLES MAGALLANES, HANNAH KRISTINE JUAN
Pinoy Weekly

Muling magkakasa ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ng malawakang tigil-pasada at serye ng protesta simula Abril 15 matapos magmatigas ng gobyerno na wala nang palugit ang deadline ng franchise consolidation ng mga public utility vehicle (PUV) sa darating na Abril 30.

Sa isang press conference, inihayag ng mga grupo ang kanilang mga inisyal na plano ng pagkilos bago ang naturang deadline at ang panawagang ibasura ang PUV Modernization Program (PUVMP).

Nitong Abril 10, inanunsiyo mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituturing nang kolorum ang mga tradisyonal na jeepney dahil hindi na mauusod pa ang deadline ng pagpapakonsolida ng mga prangkisa.

Enero ngayong taon nang huling magsagawa ng malawakang transport strike ang Piston at Manibela para ipaglaban ang kanilang kabuhayan.

Sabi ni Manibela president Mar Valbuena, magpapatuloy ang pagpasada ng mga tsuper kahit pa tapos na ang itinakdang deadline.

“Tatakbo kami sa May 1. Kongreso lang ang puwedeng magtanggal sa prangkisa [namin]. Tatakbo at tatakbo kami. Kung hulihin niyo kami, kami na mismo ang lalapit sa inyo,” ani Valbuena.

Sa huling datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Enero, 30% ng tradisyonal na mga jeepney ang hindi pa nagpapakonsolida.

Tinatayang nasa 73.5% o katumbas ng 31,058 nito ay pampasaherong jeepneys mula Metro Manila, 66% sa Calabarzon at 63% mula Zamboanga Peninsula. 

Ayon kay Piston deputy secretary general Ruben Baylon,panggigipit ang hindi pagbasura ng gobyerno sa omnibus franchising guidelines na ipinukala ng Department of Transportation noon pang 2017.

“Hindi pa natatapos ang mga serye ng hearing ng PUVMP sa Kamara at nakabinbin pa rin ang petisyon namin sa Korte Suprema laban dito pero minamadali na ng rehimen ang pang-aagaw ng hanapbuhay ng mga tsuper at maliliit na operator,” ani Baylon.

Sa tantiya ng dalawang grupo, tinatayang nasa 80,000 hanggang 100,000 na mga opereytor at drayber ng jeepney ang makikilahok sa tigil-pasada at mga protesta sa buong bansa.

“Halatang hindi nakikinig ang administrasyong Marcos [Jr.] sa hinaing ng sektor ng transportasyon. Kung hindi pa sila nadadala sa magkakasunod na welga noong nakaraang taon, hindi kami mag-aatubiling mas malakas pang ulitin ang mga pagkilos ngayong Abril,” dagdag ni Baylon.

Noong nakaraang taon, makailang ulit na naglunsad ng matagumpay na welga ang mga drayber at opereytor sa iba’t ibang bahagi sa bansa. Napilitan ang LTFRB na palawigin ang deadline ng konsolidasyon dahil dito.

Gayunpaman, nauna nang sinabi ng mga transport group na higit pa sa ekstensiyon ang panawagan nila. Dapat umanong ibasura ang bogus na PUVMP, ibigay ang limang taong prangkisa at isulong ang makamasang transportasyon.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Pagbuwag sa NTF-ELCAC, iginiit

Pagbuwag sa NTF-ELCAC, iginiit

Ni KRISTEN NICOLE RANARIOPinoy Weekly “Hindi kami terorista.” Ito ang diin ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa harap ng midya noong Mayo 13 para kondenahin ang patuloy na pag-atake sa karapatang pantao at seguridad ng mga...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This