Mandatory ROTC: Kabataang pambala ni Marcos Jr. sa kanyon
June 7, 2023

By MICHAEL BELTRAN
Pinoy Weekly

Kung hindi mapipigilan, maaaring sa susunod na semestre makikita ang pagbabalik ng mga nakabihis sundalong mag-aaral. Sinisikap ng mga alyadong opisyal ng gobyerno na maibalik ang Reserve Officers’ Training Corps o ROTC bago matapos ang 2023.

Nauna nang itinambol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ito sa una niyang State of the Nation Address (Sona). Nanawagan siyang gawing prayoridad ang pagbabalik ng mandatory ROTC alang-alang sa “pagtatanggol sa bansa.”

Kasalukuyang sinasalang ng mga mambabatas ang Senate Bill 2034 para sa pagbabalik ng mandatory ROTC. Hindi makakagradweyt ang sinumang lalaki, babae o kahit pa foreign student, mula sa kolehiyo kung hindi tatapusin ang dalawang taon ng ROTC.

Mismong mga sundalo mula sa Department of National Defense (DND) ang mangangasiwa ng mga ROTC drill. Dinadahilan din ng gobyerno ang girian sa Tsina pagdating sa teritoryo sa West Philippine Sea.

Katwiran ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kailangan ang ROTC sapagkat “madaling agawin itong ating bansa kapag hindi tayo handa. At h’wag kayo maghintay ng state of war bago tayo maghanda.”

Para kay Anakbayan national chairperson Jeann Miranda, kung magsalita si Dela Rosa, para bang lulusob na ang China at naghahamon pa ng away.

Tugon ni Miranda kay Dela Rosa, “Bakit nga ba patuloy na nanghihimasok ang Tsina sa ating bayan? Hindi ba’t dahil rin sa mga amo niyang sina Marcos at Duterte?”

Nitong Abril, nagpasarbey si Senador Sherwin Gatchalian sa Pulse Asia. Pabor raw sa ROTC ang halos 80% ng publiko. Matatandaang sa naunang sarbey ng Pulse Asia noong Enero, sinabing “classroom shortages” o pagpapagawa ng dagdag klasrum ang dapat tutukan ng gobyerno.

Kaliwa’t kanan ang problema ng mga estudyante. Pero bakit ipinipilit ng rehimeng Marcos Jr. na unahin ang pagsasabatas ng mandatory ROTC?

Kasaysayan ng Abuso

Mula 1922, may ROTC na sa bansa, hatid ng kolonyalistang Amerika. Noong 1967, lalong pinagtibay at pinalawig pa ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang programa.

Pero sa nagdaang 22 taon, itinigil ang pagiging mandatory ng ROTC. Ito’y matapos bumuhos ang galit ng publiko sa pagpatay ng mga ROTC officer kay Mark Welson Chua. Kadete si Chua ng University of Santo Tomas (UST) na naglantad sa malawakang korapsyon at pang-aabuso sa programa noong 2001.

Sa pagtigil sa mandatory ROTC noong 2002, sinabi ni dating Senator Ramon Magsaysay Jr. na wala namang interes ang kabataan sa pagiging sundalo sapagkat wala pa sa 10% ng kadete ang nagtutuloy sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Mabigat na usapin ito sa aming kasaysayan at wala kaming tiwala sa ROTC,” ani outgoing UST Central Student Council Chairperson Nathan Agustin.

Noong 2019 naman, namatay sa hazing si Willy Amihoy, kadete sa Iloilo State College of Fisheries Science and Technology Dumangas Campus.

Para kay Agustin, likas na marahas ang ROTC at mas maraming masasaktan sa pagbabalik nito. Mas mainam pa kung paunlarin na lang ang Civil Welfare Training Service (CWTS), isa sa tatlong programa ng kasalukuyang National Service Training Program (NSTP) sa kolehiyo.

“Madalas dinadahilan ang pagiging nationalist, pero ‘di naman pinapakita ang datos na magsasabing nakakatulong siya. O sinasabi ba nila na may kulang sa military personnel at kailangan mag-recruit sa kabataan? ‘Di dapat pilitin ang mga kabataan sa kapahamakan,” dagdag ni Agustin.

Wala ding ebidensiyang nakakatulong daw sa disiplina ng mamamayan ang ROTC. Sa halip, lalong napapalapit sa krimen ang mga nagiging kadete.

Ayon sa pag-aaral ng The Economic Journal mula sa Oxford University Press sa kaso ng Sweden, tumaas nang 32% ang tsansang masangkot sa krimen ang dumaan sa compulsory military training.

Reserbang hukbo

Nitong Abril 28, natapos ang 18-araw na pinakamalaking Balikatan Exercise sa pagitan ng United States (US) military at tropa ng AFP. Anila’y pagpapalakas ito sa kakayahan ng dalawang bansa para labanan ang anumang banta sa seguridad at teritoryo.

“Dapat mabahala tayo sa agenda ng US sa mga war games [sic] na ito. Hindi ito tungkol sa soberanya ng Pilipinas. Ito ay tungkol sa inter-imperyalistang ribalan ng US at Tsina, at hindi tayo obligadong pumili ng isang bully mula sa isa pa,” sabi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) president Renato Reyes Jr.

Dagdag niya, kung totoong intensiyon ng gobyernong Marcos Jr. na depensahan ang West Philippine Sea, dapat nitong igiit ang paborableng ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands para labanan ang agresibong aksyon ng Tsina.

“Dapat ‘yong government nilalayo tayo sa mismong digmaan itself e. Gawing prayoridad ‘yong mga mamamayang Pilipino at umalis na doon sa hindi pantay na kasunduan sa US at Tsina,” ani Ronjay Mendiola, lider-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Para sa mga grupo ng kabataan, hindi mandatory ROTC kundi dagdag na pondo ang kagyat na kailangan ng mga pampublikong paaralan.

Ayon sa Anakbayan, 91,000 na mga klasrum ang kailangan para sa school year 2022-2023. Pero sa nilabas na Education Report ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte, P15.6 bilyon ang nakalaang pondo sa pagpapatayo ng 6,421 na klasrum—7% lang ng kabuuang bilang ng kailangang klasrum.

Sa kabilang banda, P61.2 bilyon naman ang panukalang badyet para sa mandatory ROTC. Katumbas nito ang 24,480 na mga klasrum na mas malaki ang magiging pakinabang sa mga estudyante.

Tunay na hangarin

Dahil batid ng rehimen ang kapabayaan nito sa sambayanan, partikular sa kabataan, ubos-lakas nitong itinutulak ang mandatory ROTC upang buwagin ang hanay ng lumalabang mga estudyante at maging sunod-sunuran na lang sa pamahalaan.

Ito umano ang esensya ng pagsasabatas ng mandatory ROTC, ayon kay Mendiola.

“Kapag may krisis na nararanasan ang mga estudyante, talagang mag-aaklas sila,” paliwanag pa niya.

Nitong Abril, naalarma ang komunidad ng PUP dahil sa tuluyang pagwawakas ng PUP-DND accord, mas kilala ring Prudente-Ramos Accord of 1990, na nagbibigay ng proteksyon sa mga estudyante, faculty at iba pang kawani mula sa presensya ng pulisya at militar sa kampus.

Sa pagkawala ng PUP-DND accord, maaaring pumasok at maglunsad ng operasyon ang Philippine National Police at AFP kahit walang pahintulot mula sa mga opisyal ng unibersidad.

Ayon sa Defend PUP Network, may mahabang kasaysayan na ng abuso at harassment laban sa mga estudyante ang mga elemento ng estado. Kinababahala pa nila ito ngayon dahil mga sundalo rin ang mangunguna kapag naipatupad ang mandatory ROTC.

Ayon sa Kabataan Partylist, dati na nilang naidokumento ang pagtatatag ng “student intelligence networks” sa mga kampus. Ginagamit daw dito ang mga estudyanteng opisyal ng ROTC para sa paniniktik sa mga kasapi ng mga progresibong organisasyon.

Matatandaang makailang ulit na ni-red-tag ng DND at National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-Elcac) ang PUP at iba pang pamantasan tulad ng University of the Philippines, Ateneo de Manila University, Far Eastern University at UST.

Pangamba ni Mendiola, higit pang kapahamakan ang dulot ng mandatory ROTC. “Papatayin talaga [ng mandatory ROTC] ang makabayang diwa natin,” ani Mendiola.

Kaya naman, dapat magpursigi umano ang mga kabataan, kasama ang iba pang sektor, para ito’y mapigilan. Posible raw ito, ani Mendiola. Hinalintulad niya ang nangyari noong 2001 nang magsama-sama ang mga estudyante, propesor, taong simbahan at iba pang sektor ng lipunan para ipabasura ang noo’y mandatory ROTC.

Sabi pa ni Mendiola, “Kung mauulit natin ‘yon, matututulan at matututulan natin ang mandatory ROTC.”

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

Red-tagging remains among the most prevalent threats to press freedom that also include violence against journalists and the media in the Philippines, the Commission on Human Rights (CHR) reported. In his keynote speech at the opening of the historic 1st Philippine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This