ni DOMINIC NOLASCO
Mula sa umagang hindi pa sumisinag ang araw,
sa dilim ng bukang liwayway ikaw ang tanglaw,
Dala-dala’y Martilyo, Pagkaing baon, at ang iyong bimpo,
Kaunting sikap na lang at matatamo ang kalayaang inaasam mo.
Sa kamay ng mga mapanupil na korporasyon,
Sa hindi makatao at malupit na pananamantala,
Mag-organisa at mag-unyon,
Matapang, Mapagpalaya, Manggagawa ka nga.
Ikaw ang sandigan ng bansa,
Sa kamay mong puno ng kalyo naka-asa ang burgis na parang aso sa kanyang amo,
Nasayo ang tunay na kapangyarihan,
Kaya’t karapatan at hustisya’y ipaglaban.
Hindi natatapos sa Mayo Uno ang pagkilos mo,
Manggagawa ka! Isigaw mo nang taas noo!
Ang pasismo, kontraktwalisasyon, at barat na sahod iyong lansangin!
Sahod itaas! Presyo Ibaba! Isigaw mo para sa kinabukasan natin!
Ngunit sa likod ng mga pagkilos,
Ang kamay mong magaspang,
Ang balat mong sinunog ng panahon,
Ang buong katauhan mong nabuo,
Ang iyong katapangan,
Ang iyong dangal,
Ang iyong paninindigan,
Ang iyong pagiging mapagpalaya,
Tiyak masasabing Manggagawa ka nga.