Ni Jayson Enebrad | Baretang Bikolnon
LEGAZPI CITY, Albay–”Ang gusto namin, maalis ‘yan.”
Ipinanawagan ni Rodrigo Guerrero, 77, at iba pang mangingisda sa Barangay Pawa, Tabaco City, Albay ang pagtigil sa pagtapon sa Lagonoy Gulf ng nakalalasong kemikal mula sa pagproseso ng abaca pulp ng Albay Agro-Industrial Development Corporation (Alindeco).
“Wala ka nang mahuli. Maitim na ang kulay ng tubig, Masyadong mabaho,” paglalarawan ni Guerrero sa dagat na limang dekada na umanong nilalason ng Alindeco.
Naalala pa ni Guerrero kung gaano kasagana ang pangingisda sa kanilang karagatan sa Tabaco City bago dumating ang Alindeco sa kanilang lugar. “Kapag pumunta ka sa laot, hindi ka uuwi nang wala kang huli. Parating may huli,” kuwento niya.
Pero nang magsimula ang operasyon ng kompanya noong 1976, unti-unting nababasawan ang nahuhuli nilang isda sa dagat, hanggang tuluyan nang mangitim ito at hindi na mapangisdaan.
Daluyan ng toxic waste
Mula sa planta nito sa munispyo ng Malinao, dinaraanan ng maruming tubig ang mga baybayin ng Brgy. Bariw sa Malinao, Brgy. San Carlos, Pawa at Tayhi ng Tabaco City.
Umaabot ito hanggang sa Natunawan Cove na pinagmumulan ng pagkain at kabuhayan ng mga residente sa mga kalapit nitong barangay.
Pansin umano ng mga mangingisda na namamatay ang mga hipon, alimango, at iba pa tuwing may bagong buhos ng toxic waste mula sa planta ng Alindeco.
Nakita mismo ni Carlos Barcenas, 69, mangingisda, kung papaano “mangisay” ang mga isda tuwing nadaraanan ng lasong kemikal sa dagat. “Umiikot (ang mga isda) sa ibabaw. At saka yung maliliit, ‘yung mga parang talangka, umiikot,” aniya.
Apektado rin umano ang kalusugan ng mga mangigisda, lalo na’t madalas lumusong sila sa katubigang apektado ng polusyon. “Makati sa balat, may parang nagsusugat. Kapag humilom na, medyo maputi [ang peklat],” paliwanag ni Barcenas.

Hindi mapakausapan
Sinubukan ng lokal na gobyerno at grupong Bantay Dagat na kausapin ang korporasyon hinggil dito. Pero hindi ito tumigil sa pagtatapon ng toxic waste sa dagat.
Kuwento pa ni Allan Carillo ng Pawa Fisherfolk Association, dumulog din sila sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), pero wala ring nangyari.
“Bawat kapitan sa mga barangay nagsama-sama para kontra diyan sa Alindeco. Hindi namin alam kung ano’ng nangyari. Kahit ‘yung direktor ng departamento pumunta, walang magawa,” ani Carillo.
Ang masama pa, nakatanggap pa ng “Plaque of Environmental Achievement” ang Alindeco noong Hunyo 30, 2017 bilang pagsunod daw nito sa mga tuntunin at regulasyon ng DENR.
Noong Hunyo 28, 2021, nakatanggap ulit ang Alindeco ng “Espesyal na Gantimpala” sa pagpapatupad daw ng Environmental Management System sa ilalim ng Philippine Environmental Partnership Program (PEPP).
Ipinagmamalaki ng Alindeco ang pagsisikap daw nilang walang polusyon sa lugar ng operasyon.
“Patuloy naming pinapabuti ang aming mga pasilidad at proseso para matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa kapaligiran at mga naaangkop na kinakailangan sa batas at regulasyon,” saad ng kompanya sa kanilang website.
Taliwas sa karanasan ng mga mangingisda
Pero malayo ito sa aktuwal na karanasan ng mga mangingisda sa mga lugar malapit sa operasyon ng Alindeco.
Sa ilalim ng grupong Lakas ng Maliliit na Mangingisda sa Bicol (Lambat Bicol), nagkaisa sila para ikondena ang pinsalang naidudulot ng Alindeco sa mga pangisdaan ng Albay at nananawagan sa gobyernong ihinto na ang mga operasyon ng kompanya.
“Malinaw na nilalabag ng Alindeco ang karapatan ng mga mangingisda sa kalusugan at sustinableng kabuhayan. Sa pamamagitan ng pagtatapon nito ng dumi sa dagat, pinapatay nito ang mga lamang-dagat na pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa mga baybayin,” pahayag ng grupo.
Nanawagan sila na imbestigahan at panagutin ang Alindeco at iba pang kompanya na nakakapinsala sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mangingisda at mamayan ng Albay.
Iginigiit din nila na dapat ayusinng Alindeco ang “waste management” nito para maiwasan ang tuluyang pagkasira ng karagatan at ang mga lamang-dagat.
“Kailangang mayroon silang imbakan na hindi nakakaapekto sa karagatan. Dahil iniingatan natin ang karagatan na ito. Malaki ang naibibigay nitong kabuhayan,” ani Barcenas.
Ipinapaalala ng Lambat-Bicol na tungkulin ng pamahalaan na tiyaking napoprotektahan ang karapatan ng mamamayan sa kalusugan at sa sustenableng kabuhayan.
“Responsabilidad din nitong siguruhing napangangalagaan ang kalikasan na pinagmumulan ng kabuhayan ng mga mamamayan,” dagdag pa ng grupo.
Presidente ng Alindeco ang tanyag na negosyanteng si Menardo Jimenez, na executive officer din at miyembro ng Board of Directors ng San Miguel Food and Beverages, Inc.
Nasa Quezon City ang pangunahing opisina ng Alindeco, samantalang nasa Brgy. Balading, Malinao, Albay naman ang planta nito na may lawak na humigit-kumulang 5 ektarya.#

![Ni Jayson Enebrad | Baretang Bikolnon LEGAZPI CITY, Albay–”Ang gusto namin, maalis ‘yan.” Ipinanawagan ni Rodrigo Guerrero, 77, at iba pang mangingisda sa Barangay Pawa, Tabaco City, Albay ang pagtigil sa pagtapon sa Lagonoy Gulf ng nakalalasong kemikal mula sa pagproseso ng abaca pulp ng Albay Agro-Industrial Development Corporation (Alindeco). “Wala ka nang mahuli. Maitim […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/07/baretang-bikolnon-photto2.jpg)







