Mga tripulanteng Pinoy, biktima ng diskriminasyon ng gobyernong US
October 30, 2025

Ni Renalyn Ramirez

Pinosasan at nilagyan ng kadena sa bewang ang tripulanteng si Gina Yatar, 43, ng mga tauhan ng United States Customs and Border Patrol (USCBP) dahil sa paratang na kabilang siya sa isang teroristang grupo. 

Pinilit din umano siyang pumirma sa mga dokumento. Kinuhanan din siya ng litrato. “Noong araw na ‘yun, June 20, pitong Pilipino kami. Ako lang ang mag-isang babae,” saad niya. “Tinatanong nila ako kung may group ba ako na terrorist. Sabi ko ‘wala, wala’. 

Security guard sa expedition ship na Viking Octantis si Gina. Naka-duty siya sa trabaho nang biglang umakyat ang USCBP sa kanilang barko pasado alas-9 ng umaga noong Hunyo 20 sa Detroit, USA. Handa na sana siyang i-assist ang mga Amerikano bilang bahagi naman ito ng kanyang trabaho. Pero, laking gulat niya nang malamang isa siya sa mga napiling isailalim ng mga ito sa random checking. 

“Pinuntahan nila ‘yung kabina ko. Chineck nila lahat ng gamit ko. Lahat-lahat pati luggage ko. Kinuha nila ‘yung cellphone ko. Chineck nila pati email.” Matapos halughugin ang mga gamit, pinababa sina Gina sa naturang barko. 

“Sabi nila sa akin, imbitahan lang nila ako sa opisina nila. May interview lang saglit. Kapag okay naman daw, ibabalik nila ako sa ship,” kwento ni Gina. “Nag-sailing na ‘yung barko namin, hindi na ako naibalik.”

Pwersahang deportasyon

Humigit-kumulang sampung oras silang ikinulong sa opisina ng USCBP. Tinakot din umano sila ng mga ito na mas matatagalan pa sa detensiyon kung hindi sila pipirma sa mga dokumento. Dahil sa takot at taranta, napilitang pumirma si Gina. 

“May itatanong sila sa akin. Aaalis sila. Tapos, pagbalik, may papapirmahan na naman. Tinatanong ko [sila]: ‘Ano bang sinasabi dyan?’. Alam mo ‘yung umiiyak ka tapos lutang ka kasi iniisip ko noong time na ‘yun na ‘Naku, uuwi na ako ng Pilipinas, paano na ‘yung pamilya ko?’”.

Pagdating ng pasado alas-siyete ng gabi, nabalitaan nilang ide-deport na sila sa Pilipinas. “Nagulat na lang ako sinabihan ako ng CBP na meron na raw akong ticket pabalik sa Pilipinas.”

Nakaposas na ang mga kamay at nakakadena ang bewang ni Gina nang ihatid sila ng USCBP sa airport. Nang pasakay na sa eroplano, saka lang siya binigyan ng kopya ng ilan sa mga dokumentong pinapirmahan sa kanya. 

“‘Yun ang nakalagay – na ilegal kami na nagtatrabaho. Tapos tinanong ko sa kanila: Paano kami naging ilegal? May U.S. visa kami,” saad ni Gina. 

“Gabi kami dinala sa airport. Bago kami umalis, binigay na nila ‘yun sa akin. Doon lang nila tinanggal yung posas namin. Tapos wala kaming cellphone, pati yung visa, passport namin hindi nila ibinibigay,” dagdag pa niya.

“Notice to Remove Alien from the United States” ang tanging dokumentong ibinigay ng mga USCBP kay Gina. Dito nakalagay ang paliwanag tungkol sa batas ng Estados Unidos kontra sa mga internasyonal na teroristang grupo. 

Hindi raw ito ipinaliwanag ng mga Amerikano sa kanya. Hindi rin ipinaliwanag ang iba pang dokumentong pinapirmahan kay Gina. Wala rin silang kasamang abogado sa detensiyon para tulungan silang unawain ang nilalaman ng mga pinipirmahan nila. Hindi rin sila pinayagang tumawag sa embahada ng Pilipinas. 

“Ang request ko sa kanila na tatawag ako sa embahada ng Pilipinas. ‘Yun talaga ang naisip ko kasi hindi ko alam kung ano ba ‘yung mga law nila doon. Hindi nila ako pinagbigyan,” saad ni Gina. “Lagi kong tinatanong sa CBP: ‘Ano’ng violation ko?’, Wala silang maisagot sa akin.” 

Dagok sa hanapbuhay

Apat na taon nang seafarer si Gina. Pangalawang beses pa lang niya itong pagsampa sa barko. Pangalawang agency pa lang rin niya ang Wilhelmsen.

“Yung unang sakay ko hindi pa si Trump ang presidente noon. Natapos ko ‘yung kontrata ko. Tapos, itong pangalawang sakay ko, 7 months dapat yung kontrata ko. Hindi ko s’ya natapos, natapos ko lang 2 months,” kwento niya.

Dating Intelligence Agent Aide sa Office for Transportation Security (OTS) si Gina, pero napagdesisyuonan niyang magpalit ng trabaho para mabigyan ng mas maayos na buhay ang pamilya.

“Nagmakaawa pa ako doon. Sabi ko, ako yung breadwinner sa pamilya namin. Single mother ako, may isa akong anak. Ako lang talaga ang inaasahan sa pamilya namin. Wala nang agency na tatanggap sa akin kasi number one, ang kina-qualify sa Pilipinas, kapag magbabarko ka hinahanapan ka ng US visa. Importante talaga yung US visa sa amin.”

Ngayon, kabilang si Gina sa mga tripulanteng nahaharap sa 10-year reentry ban ng Estados Unidos dahil sa kanseladong visa. 

Panawagan sa pamahalaan

Sa paunang tantiya ng International Seafarers Action Center (ISAC), tinatayang mahigit 100 Pilipino na ang nabibiktima ng marahas na diskriminasyon ng gobyernong US. Karamihan sa kanila, mga lalaking tripulante na pinaparatangang sangkot sa child pornography.

Ganito ang nangyari kay Michael James Garcia, isang motorman sa Viking Ocean Cruises, na pinosasan at sapilitang pinapirma din ng USCBP ng mga dokumentong magpapawalang-bisa sa sarili niyang US visa. 

“Pero kahit isa sa kanila, walang nakasuhan dahil walang ebidensiya ang gobyerno ng US,” saad ni Edwin dela Cruz, abogado at presidente ng ISAC. “Ang masahol pa, hindi lamang mga nakasakay sa cruise ship ang pinag-initan. Pati rin ang mga nag-a-apply.” 

Ayon sa ISAC, dapat ding managot ang manning agencies na umabandona at hindi nagbigay ng nararapat na suporta sa kanilang mga tauhan. Kabilang dito ang Wilhelmsen, na ayon kay Gina ay hindi nagpaabot ng anumang uri ng tulong. 
Inudyukan din nila ang gobyerno ng Pilipinas, partikular ang Presidente at ang ahensiya ng Department of Foreign Affairs (DFA), na maghain ng diplomatic protest sa US para maibalik ang visa ng mga na-deport na Pilipinong seafarers.

Reklamo ni Gina at ng iba pang tripulanteng na-deport, mabagal at hindi halos kumikilos ang administrasyong Marcos, Jr. para tulungan sila sa kanilang kalagayan. 

“Ang laki ng kaltas nila na tax sa amin, tapos ngayon hindi kami matulungan,” saad ni Gina. 

“Sana, kung paano natin asikasuhin ang mga Amerikanong pumupunta dito sa Pilipinas, ganoon din kapag tayo ang pumupunta’t bumibisita sa Amerika. Hindi naman p’wedeng tayo na lang palagi ang magpapaubaya at magpapa-api sa mga Amerikano,” saad naman ni Garcia.#

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This