Nina Moi Balisacan and Jahzeel Sarino
Umaalma ang mga tsuper ng jeepney sa Katipunan Jeepney Terminal sa nakaambang pagpapaalis sa kanilang terminal. Bibigyang-daan ang itatayong parke sa ilalim ng Urban Regreening and Renewal Program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa mga tsuper, malaking banta ito sa kanilang kabuhayan at sa akses ng publiko sa pampublikong transportasyon sa lugar.
“Hindi pa klaro ang plano, biglang naumpisahan na nila,” ani Jovito Coronel, bise-presidente ng Samahan ng UP Campus Katipunan, tungkol sa pagsimula ng konstruksyon sa ilalim ng flyover.
Binakuran na

Mula Mayo 2026, binakuran ng yero ng Fe S. Reyes Contracting Corporation ang lugar para sa konstruksiyon ng parke.
Itatayo ang proyektong ito sa ilalim ng Katipunan Flyover, kung saan dati pang may terminal ang mga mga jeep na may rutang nagsisimula sa ilalim ng flyover hanggang sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ang nasabing Urban Regreening and Renewal Project ay inisyatiba ng MMDA na naglalayong ayusin ang mga di umano nagagamit na lugar para maging “functional, green, and disaster-resilient” na pampublikong espasyo.
Pero ginagawa naman ito sa kapahamakan ng kanilang kabuhayan, sabi ng mga tsuper.
Minamadali na umano ang mga jeepney drivers at operators ng mga kontraktor na umalis sa ilalim ng flyover. Hindi rin pinayagang ipa-renew ang permit para gawin itong terminal ng mga jeep.
Dagdag pa rito, wala raw na pormal na konsultasyon na nangyari bago ang pagbakod at paglagay ng mga semento sa pinipilahan ng kanilang mga jeep.
Sa kasalukuyan, lumipat ang mga jeep sa U-Turn 1 na malapit sa police outpost ng PNP para gawing pansamantalang terminal. Kumpara sa dating terminal, mas maliit at masikip ang puwesto sa lugar na ito, kaya’t hanggang dalawa lang ang napipilahang jeep na nakaabang.
“Sa halip na kapag rush hour na nandoon na agad ang mga jeep, dati apat ang nakaabang, ngayon dalawa lang. Kapag traffic din sa lalabasan namin, matetengga kami at apektado rin ang mga pasahero,” dagdag ni Jovito.
Nagsiksikan sila
Dahil hindi mapagkasya ang lahat ng jeep, personal na nagbabayad pa ng PhP1,500 kada yunit kada buwan ang ilang tsuper para maka-parada sa Parking Area malapit sa Meralco Marikina Substation.
Ayon sa plano ng proyekto ng MMDA, aabot ang gagawing parke sa PNP Traffic Sector 3 kung saan lumipat ang mga jeepney.
“Ang biyahe kasi namin ngayon, alternate. ‘Yung kikitain namin ngayon, panggastos para bukas kaya kulang na kulang,” ani Emilio Enverjo, isang tsuper na namamasada sa Katipunan.
Dahil sa sikip ng kasalukuyang puwesto, mahihirapan ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero at maapektuhan ang daloy ng trapiko, sabi pa ng mga tsuper.
Maaari rin umanong malagay sa panganib ang mga tsuper at komyuter dahil mas maliit na ang distansiya sa pagitan ng bubong ng mga jeep at ilalim ng flyover. Para sa ilang tsuper, kung wala nang ibang malilipatan na puwesto, sana na di sila paalisin sa lugar nila sa U-Turn.
“Ang inaalala rin namin, kapag may pasok na. Dito kami nagbababa sa may U-Turn, kapag naglabasan at nagpasukan na ang mga taga-Ateneo at Miriam, siyempre mahihirapan na kami magbaba dito,” dagdag ni Arvin, isang tsuper.
Konsultasyon at pagkilala sa karapatan
Sa ngayon, ikinakampanya ng mga public transport advocate groups kasama ang mga apektadong tsuper na pag-usapan ang dislokasyon sa Katipunan Terminal at planuhin ang mga susunod na aksiyon para mapanatili ang mga tsuper sa terminal.
“Dapat na magkaroon ng totoong konsultasyon at talagang magkaroon ng mga plano na nagmulula mismo sa mga nagtataguyod ng Katipunan Terminal para sila ang malagay sa gitna ng mga plano imbis na ipataw lamang ng gobyerno,” sabi ni Mara De la Cruz ng One Big Fight for Human Rights and Democracy.
Panawagan ng mga tsuper, komyuter, at advocate groups na itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan sa maayos na pampublikong transportasyon, kabilang na ang maayos na terminal, para sa buong komunidad na dumadaan sa Katipunan.#

![Nina Moi Balisacan and Jahzeel Sarino Umaalma ang mga tsuper ng jeepney sa Katipunan Jeepney Terminal sa nakaambang pagpapaalis sa kanilang terminal. Bibigyang-daan ang itatayong parke sa ilalim ng Urban Regreening and Renewal Program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ayon sa mga tsuper, malaking banta ito sa kanilang kabuhayan at sa akses ng publiko […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/07/image-1.jpeg)







