‘Mula sa Buwan’: Isang paanyaya

0
230

Matatapos din itong ating laban
Magwawakas din itong sinimulan
Uuwi rin tayo sa ating mga minamahal
Na naghihintay nang kay tagal

Ang ‘Mula sa Buwan’ ay isang paanyaya – isang imbitasyong muling madala, magpahalina, manood, makinig sa teatro. Para sa mga datihan nang parokyano ng teatro, marahil ito’y pasakalye, ehersisyo para muling buksan ang pinto sa arte at literaturang ilang taong ipininid ng pandemya.

Galing sa Mula sa Buwan Facebook page

Bagamat dapat kilalaning matapang na ipinagpatuloy ng ilang alagad ng sining ang teatro kahit sa gitna ng pandemya, at na may nauna nang pagbabalik sa entablado na ginawa ng ilang grupo gaya ng mga rehiyonal na teatro, mga teatro sa komunidad, at maging ng Cultural Center of the Philippines na nagpunyaging ituloy ang tradisyon ng Virgin Lab Fest, iilan pa lamang talaga ang mga tanghalang muling nagbubukas para sa mas malalaking bilang ng tagapanood sa panahon ngayong mas ligtas na.

Ang dulang inilunsad sa bagong Samsung Performing Arts Theater ay bagong bersyon ng isang musical play na nakailang ulit na ring itinanghal ilang taon bago ang pandemya. Hango ang dula sa pagsasalin ng yumaong Sen. Soc Rodrigo sa likha ni Edmond Rostand na pinamagatang Cyrano de Bergerac. Ito ang paksa ng tesis ng may-akdang si Pat Valera para sa kanyang kursong Theatre Arts. Pinamagatang ‘Cyrano: Isang Sarswela,’ unang itinanghal ang likha ni Valera at kompositor na si William Manzano noong 2010.

Sa sumunod na mga taon, tila bulaklak na unti-unting namumukadkad ang bawat bersyong itinatanghal. Sa pagdaan ng panahon, paulit-ulit na hinabi nina Valera at Manzano ang libretto ng dula, at sa proseso, napabuti ang fusion ng iba’t ibang genre ng mga awit dito – mula kundiman, jazz, hanggang rock. Kaya nga masasabing nababagay ang isang dulang binunga ng higit isang dekadang pagpupunla para magsilbing paanyaya para sa muling pagbubukas ng mga pinto ng teatro.

Maiinggit ang bukang liwayway
Ang ganda niya’y nawalan ng saysay
Sa kulay mong tinataglay
At sa mundo’y ibinibigay

Bago ang pandemya, huling itinanghal ang ‘Mula sa Buwan’ sa Hyundai Hall sa Ateneo de Manila University. Sa paglipat nito sa mas malaking lunan, kinailangang muling repasuhin ang dula para sa mas malaking entablado. At masasabing maraming tamang pagbabago ang naipasok, dahil nakuha nito ang atensyon ng bago nitong mga manonood – mga kabataang marami ay maaaring ngayon lang nakaranas manood ng live theater.

Hinabi man ang dula para bumagay sa mas malawak na entablado, nananatili ang kwento nitong nakasentro kay Cyrano (Myke Salomon), na tinutulungan ang kadeteng si Christian (Markki Stroem) na ligawan ang kanyang kababatang si Roxane (Gab Pangilinan), kahit pa matagal na niyang iniibig ang dalaga. Umiikot ang kwento sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at salimbayang ipinapakita ang mga internal na tunggalian ng mga karakter at ang mas malaking laban para sa kalayaan.

Galing sa Mula sa Buwan Facebook page

Ang tanghalang ito’y atin ngayong gabi
Walang makakapigil, hindi tayo titigil
Hanggang puno na gabi ng ating galaw

Isa pang gandang taglay ng ‘Mula sa Buwan’ ang hindi lantaran pero epektibong pagdadala nito ng mga napapanahong mensahe.

Pangunahin dito ang tema ng paglaban sa disimpormasyon at mga kasinungalingan. Hindi kailangang lantay na metapora ang mismong mahabang ilong ni Cyrano na alegorya sa Pinocchio.

Galing sa Mula sa Buwan Facebook page

Ang hindi ganoon kalantad ay ang mensaheng dala ng trahedya ng pag-iibigan ni Roxane at Christian, na nakasalig sa pundasyong ipinunla at pinapayabong ni Cyrano – na ang pag-ibig, pamumuno, o anumang relasyong nakasalig sa kasinungalingan, ay sa totoo’y mabuway ang pundasyon, at kalauna’y guguho. Epektibo nitong itinatak sa mga manonood ang mensaheng hindi sa paglimot kundi sa pag-amin at pagtanggap ng sala nagmumula ang paghilom.

Nakakaengganyo ring panoorin kung paano ginamit ng piyesa ang halimuyak ng wikang Filipino – sa saktong halo ng mga malalalim na salita at mga kontemporaryong linya, sabay na naaaliw at natututo ang mga nanonood. Sa dalubhasang paghahabi ng mga salita, hindi na kinakailangang tanungin ng katabi kong Gen Z kung ano ang ibig sabihin ng “uulusin.”

May mga mensahe ring hindi ganoong kalantad at nangangailangan pang ukilkilin, gaya ng mabilisang pasaring na ang kalayaa’y makakamit kahit pa umalis na si “Joe,” o kaya’y ang halaga ng organisadong pagkilos para makapagpunyagi sa gitna ng hirap. Kahit pa militar ang kalakhan ng mga karakter sa dula, matagumpay nitong ipinakita ang mapagpasyang kapangyarihan ng sama-samang pagkilos ng mamamayan, na hindi lamang sundalo o gobyerno ang humuhulma ng kasaysayan.

Ang pinakamahalagang mensaheng kalakip ng ‘Mula sa Buwan’ ay ang mensahe ng pagpupunyagi – sa harap ng mga kasinungalingan, ng hirap, ng papatinding sitwasyon ng ating lipunan. Sa palitan ng mga linya at kanta, inilahad ang isang kwentong nagpakitang ang katapangan ay hindi ipinamamalas sa padaskul-daskol na pagkilos laban sa kaaway, kundi sa mapagpasyang pagharap na hindi mo magagawa ang mga dakilang bagay nang nag-iisa. May kanya-kanya man tayong kahinaan, ngunit kung bubuuin at sama-sama tayong kikilos, may laban tayo.

Iniiwan ng dula ang mensaheng hindi suntok sa buwan ang mangarap ng mas magandang bukas. Hindi suntok sa buwan na manalig na posible pa ang pagbabago, at na magwawagi rin ang katotohanan, kahit pa lalong lumalalim ang dilim ng kasinungalingan.

Galing sa Mula sa Buwan Facebook page

(Magbabalik sa entablado ang ‘Mula sa Buwan’ sa Disyembre. Para sa mga detalye, bisitahin ang www.mulasabuwan.com.)

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.