Napurnadang anihan: Pananalasa ng El Niño sa agrikultura
April 10, 2024

Ni NEIL AMBION
Pinoy Weekly

Anihan na dapat ngayon sa Brgy. Mandili sa Candaba, Pampanga. Pero ang tanim na palay noong Disyembre, nalanta’t nangamatay na dahil sa El Niño. Lugi ang mga magsasaka. Hangga’t walang ulan, hindi pa sila makakapagtanim, walang aanihin, walang kakainin.

Napapalibutan ng malalaking ilog at latian ang buong bayan. Pero sa Mandili, iga na ang karaniwang umaapaw na mga sapa at daluyan ng patubig. Tuyong damo at patay na palay na lang ang makikita sa dating malawak na berdeng sakahan. Oktubre pa kasi huling umulan dito.

Nadidiligan pa ni Artemio “Temy” Lacanilao, 67, ang tanim niyang patola tuwing umaga. Pero kalahating tabo lang ang buhos kada sibol. Tinimplahan na lang niya ng abono ang kaunting naigib sa poso para magkasustansya ang tuyot at bitak-bitak nang lupa.

“Ngayon walang tubig. Makakakuha kami sa poso, timba-timba lang, e hindi pwedeng ipangpatubig [sa palayan] ‘yon, dahil mahina lang. Hindi makakapagpabunga,” aniya.

Walang sariling lupa si Temy. Ang kulang sa isang ektarya niyang palayan, ipinagamit lang ng isang kaibigang nangibang-bayan na. Nakikisaka rin siya sa lupa ng iba kapalit ng 15% hati sa ani.

Dahil nasalanta ng El Niño ang tinatrabahong palayan, purnada ang ani, purnada rin ang inaasahang maliit na kita.

Dahil nasalanta ng El Niño ang tinatrabahong palayan, purnada ang ani at inaasahang maliit na kita ng nakikisakang si Artemio Lacanilao. Neil Ambion/Pinoy Weekly

“May kaunti pa kaming palay, natira sa huling anihan, ‘yun na lang ang isinasaing. Ulam ang problema,” ani Temy.

Tinaniman niya ng kaunting patola ang natuyong palayan sa likod-bahay. Dito na muna kumukuha ng pang-ulam ng kanyang pamilya at kabarangay na kapwa apektado ng tagtuyot.

Labis naman ang panghihinayang ni Hilarion “Larry” Reyes, 59. Umasa siyang mas mahal na maibebenta ang dapat aanihing palay. Magandang klase kasi ang naitanim niyang binhi noong Disyembre.

“Buntis na sana ngayon ‘yan e, kumbaga namumunga na. Dahil walang tubig, hindi na tumubo. Sayang, maganda pa namang binhi ‘yan, mabangong bigas,” sabi niya.

Sinuwerte siya noong nakaraang taon. Naibenta niya ng P22 hanggang P27 kada kaban ang huling ani. Ipinuhunan niya ito noong ikatlong cropping sa apat na ektarya niyang palayan.

“‘Yan luging-lugi ‘yan. Wala nang babalik na taya diyan. Sa P35,000 na nagastos sa isang ektarya, wala nang balik ‘yon,” ani Larry habang nakaturo sa tuyot na bukid.

Umabot na sa halagang P2.63 bilyon ang pinsalang dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura, ayon sa huling tala ng Department of Agriculture (DA). Mahigit 54,203 magsasaka mula sa 10 rehiyon ang apektado ng matinding tagtuyot. Tinataya namang nasa 73,733 metriko tonelada ng palay ang nasalanta at hindi na maaani ngayon sa buong bansa.

Nabulaga

Nahuli na nga ay kapos pa ang naging tugon ng gobyerno sa matinding epekto ng El Niño sa agrikultura, ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng grupong Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.

“Taon-taon nakakaranas tayo ng mga kalamidad, pero lagi nalang caught flat-footed (nabubulaga) ang gobyerno. Kapag nand’yan na ‘yong problema, tsaka lang gagawa ng paraan, na napakalimitado lang din at hindi sapat para tugunan ang matinding pagkasira ng mga pananim,” aniya.

Noong 2023 pa inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na makakaranas ang bansa ng “Super El Niño” ngayong 2024. Nauna na ring nagbabala ang mga siyentista na ito ang tinatayang pinakamatinding tagtuyot na mararanasan sa buong mundo.

“Kung sa paghahanda, pinaghandaan namin itong El Niño. Pero ‘di namin sukat akalain na ganito ang sasapitin. Ngayon lang nangyari ang ganito katinding tagtuyot dito,” ani Larry.

Tuyo at bitak-bitak na ang lupa sa palayan sa Brgy. Mandili. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Para kay Estavillo, walang naging paghahanda sa El Niño ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  Hindi kasi aniya prayoridad ng gobyerno ang agrikultura, kahit noong si Marcos Jr. pa mismo ang nangalihim sa DA noong 2023.

“Hunyo last year pa, nanawagan na tayo sa gobyerno na bigyang pansin at prayoridad ang magiging epekto ng El Niño. Irreversible kasi ang epekto nito hindi lang sa pagkalugi ng mga magsasaka kundi pati sa kaseguruhan natin sa pagkain,” aniya.

Nanawagan ang Amihan noong nakaraang taon na ilaan sa irigasyon ang tubig sa mga dam. Dapat ding namahagi na noon ng mga binhi na angkop sa tagtuyot. Hindi rin naihanda ang mga subsidyo at ayuda para sa mga maaapektuhang magsasaka.

Huling bahagi na ng Enero 2024 nang inisyu ni Marcos Jr. ang Executive Order 53 para buuin ang Task Force El Niño. Patay na noon ang tanim nina Temy at Larry.

“Ang lawak ng epekto ng El Niño sa ating pananim. Talagang magta-translate ito sa kagutuman. Pero nakita natin na pinanood lang ng gobyerno na walang inaani ang mga magsasaka,” aniya.

Irigasyon

Sa tala ng National Irrigation Administration (NIA), mayroong 3.1 milyong ektaryang lupang agrikultural na kailangang patubigan. Pero kada taon, 2.5% lang nito ang naaabot ng mga proyektong irigasyon ng gobyerno. Sa huling datos, 67% pa lang ng mga target mapatubigan ang nakumpleto ng NIA.

Kahit matindi na ang pinsala ng tagtuyot, napakiliit pa rin ngayon ng alokasyon ng tubig mula sa mga dam para sa irigasyon. Ani Estavillo, karamihan pa rin ng tubig ay inilalaan sa komersyo at mga negosyo.

“Dati may irigasyon dito. Walang bayad. Pero ewan ko, natigil din. Kinurakot daw yata,” ani Temy.

Noong Agosto 2023, nalantad sa imbestigasyon ng Senado ang P121 bilyon halaga ng mga maanomalyang proyekto ng NIA. Inamin ni NIA acting chief Eduardo Guillen na may nangyayari ngang korupsiyon sa mga proyektong irigasyon ng ahensiya.

Labis ang panghihinayang ni Hilarion Reyes dahil mas mahal na maibebenta sana ang aanihing palay. Aniya, luging-lugi sila ngayong nalanta’t namatay ang itinanim na magandang klaseng binhi. Neil Ambio/Pinoy Weekly

Kapansin-pansin sa gitna ng tuyot na bukirin sa Mandili, may kapirasong patse na berde pa ang palay. May isang pump doon na nakakasipsip pa ng tubig sa lupa. Pero wala pang isang ektarya ang napapatubigan. Kahit makapagpabunga, kulang pa ang kikitain sa gastos sa krudo.

“Mahina lang ‘yon. Wala pang isang ektarya ang kayang tubigan. Tsaka hindi rin maganda sa palay iyong tubig d’on, parang walang sustansiya. ‘Yong galing sa irigasyon talaga, mas nakakapagpabunga,” paliwanag ni Larry.

Dumalaw sa Mandili si Marcos Jr. noong Pebrero. Nangako siya ng tulong sa mga apektado ng El Niño. Namahagi siya ng mga binhi at makinaryang pang-ani sa ilang piniling magsasaka. Pinag-aaralan na rin daw ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga solar-powered irrigation

Bahagi ang solar irrigation sa P10 bilyon pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) ng DA. Pero ayon kay Estavillo, hanggang dalawang ektarya lang ang kayang patubigan ng bawat isa nito. Mas dapat pa rin aniyang gawing prayoridad ng gobyerno ang pagpapalaki ng alokasyon ng irigasyon mula sa mga dam.

“E ipinangako pa lang, hindi pa agad magagawa. N’ong nakaraan nag-survey pa lang dito. Tsaka kung gan’to katinding tagtuyot, wala ring masisipsip ‘yon,” sabi ni Temy.

Ayuda

Ilang buwan nang tigil ang pagsasaka sa Mandili. Iniraraos nina Temy at Larry ang tagtuyot sa sariling sikap at diskarte. Paekstra-ekstra, pautang-utang.

Nakaekstra sina Temy at Larry sa pag-ani sa kabilang barangay. Si Temy, naggagapas, habang si Larry, nagmaneho ng harvester. Kumita sila ng tig-P1,000 sa dalawang araw na trabaho.

Wala pang tiyak kung saan ulit makakaekstra dahil wala nang mag-aani. Wala ring makakapagpatanim hangga’t walang ulan.

“Mayroon kaming maliit na tindahan, d’on namin kinukuha ‘yong mga pangbetsin-betsin sa araw-araw. ‘Yon na lang ang dumarating na income,” ani Larry.

“Katulad niyan, natuyot ang bukid, kailangang patuloy maghanap ng pagkakakitaan kahit paunti-unti lang. Kung wala, e luluwas na lang ako ng Maynila, magtitinda na lang ng puto para may makain,” sabi naman ni Temy.

Sabi ng mga magsasaka ng Mandili, makakatulong sana kung may maibigay na ayuda ang gobyerno. Pero wala pa anilang dumarating.

Mano-manong dinidiligan ni Artemio Lacanilao ang mga tanim na patola na magiging pang-ulam ng kanyang pamilya. Neil Ambio/Pinoy Weekly

May alok namang tulong ang DA sa mga magsasakang apektado ng El Niño. Puwede daw mangutang ng hanggang P25,000 ang mga ito nang walang interes. May ipamimigay ding P3,000 hanggang P5,000 financial assistance.

Napakaliit nito, sabi ng Amihan, kung ikukumpara sa tinatayang nasa P60,000 kada ektarya na karaniwang gastos ng isang magsasaka.

“Panlilinlang ang hakbang na ito ng gobyerno, dahil lugi na nga ang mga magsasaka ay ibabaon pa sa utang,” ani Estavillo.

Dagdag niya, climate emergency o climate crisis ang El Niño kaya kailangan ng kompensasyon bilang danyos sa nasalantang pananim para makarekober at makapagtanim sila ulit. Kung hindi, babagsak aniya ang produksiyon ng pagkain sa bansa at maaapektuhan ang buong populasyon sa idudulot nitong pagbagsak ng kaseguruhan sa pagkain.

“Ang kompensasyon ay climate justice na nakabatay sa social justice. Hindi ito unang beses ng El Niño, pero ang gobyerno, paulit-ulit ang kainutilan at kriminal na pagpapabaya sa agrikultura,” sabi ni Estavillo.

Wala pang katiyakan kung kailan ulit dadaluyan ang mga patubigan sa Mandili. Kung naipapandilig lang ang lahat ng pawis at luha ng mga magsasaka, makapagpapayabong sana sila ng palayan.

Umaasa na lang ngayon sina Temy at Larry na sana, umulan na sa Mayo, para makapagtanim na ulit. Kung hindi, wala na naman silang kikitain. Ang problema, inanunsiyo na ng mga eksperto na pagpasok ng Hunyo, mananalasa naman ang La Niña.

Read more

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This