Nasaan ang ipinangakong permanent shelter sa mga biktima ng Yolanda?

0
132

Sa pag-alala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas, hustisya pa rin ang sigaw ng mga biktima ng Bagyong Yolanda—lalo na at umano’y nagsisinungaling pa rin sa kanila si Social Welfare Secretary Dinky Soliman.

Ipinangako ni Soliman na pagdating ng Nobyembre, o dalawang taon makaraan ang Bagyong Yolanda, wala nang matatagpuang bunkhouse sa Tacloban City.

Ngunit nitong Oktubre 31, sa pag-iikot ng People Surge, grupo ng mga survivor ng Bagyong Yolanda, lumalabas na may 400 pamilya pa rin ang nakatira sa IPI Bunkhouses sa Caibaan.

Isa sa mga ina na nakatira sa mga bunkhouse na ito, si Gina Supang, ang nagreklamo sa pagkamatay ng kanyang 8-buwang sanggol na si Baby Grajane May o “Iday”. Umano’y namatay si Baby Iday dahil sa init sa loob ng bunkhouse, na gawa lamang sa mga yero at kahoy.

Ayon sa datos ng National Housing Authority (NHA), hanggang noong Setyembre ay 534 pa lamang ang permanent shelter na nagawa, mula sa 13,801 na bahay na tinarget ngayong taon.

Gina Supang, 30: Namatay ang sanggol dahil sa init sa loob ng bunkhouse. Larawan ng People Surge.
Gina Supang, 30: Namatay ang sanggol dahil sa init sa loob ng bunkhouse. Larawan ng People Surge.
IPI Bunkhouses sa Caibaan, Tacloban City. Larawan ng People Surge.
IPI Bunkhouses sa Caibaan, Tacloban City. Larawan ng People Surge.

Noong Enero 2014 pa umano nangako na si Soliman na matatapos ang mga permanent shelter sa loob ng anim na buwan.

“Ilang anim na buwan na ang nakalipas mula noon,” ayon kay Marissa Cabaljao, secretary-general ng People Surge.

Dagdag ni Cabaljao, “Nananawagan kami ng hustisya para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, na hanggang ngayon ay nagtitiis sa mga bunkhouse at temporary shelter. Dapat managot si Dinky Soliman dahil sa kanyang pagsisinungaling at pagpapabaya. Sa kahuli-hulihan, responsable din si Pangulong Aquino sa kanyang kriminal na pagpapabaya sa amin.”

Sa darating na Nobyembre 8, ikalawang anibersaryo ng Bagyong Yolanda, libu-libong survivor ang nakatakdang muling magkilos-protesta para singilin ang gobyernong Aquino sa umano’y mga pangakong hindi nito natupad sa mga biktima.

Avatar

Leave a reply