OBR 2024, inulunsad ng Gabriela
November 29, 2023

Ni STELLA MAE MARCOS
Pinoy Weekly

Pinangunahan ng alyansa ng kababaihan na Gabriela at One Billion Rising (OBR) Philippines ang paggunita ng International Day for the Elimination of Violence Against Women (Idevaw) nitong Nob. 25 sa Plaza Sta. Cruz, Maynila.

Inilunsad din ng mga grupo ang “One Billion Rising 2024: Rise for Freedom” sa nagpapatuloy na paglaban sa pagsasamantala, diskriminasyon at lahat ng anyo pang-aabuso sa mga kababaihan sa buong mundo.

Ipinanawagan din nila ang pagtigil sa karahasan at walang habas na pamamaslang sa Palestine, partikular sa mga kababaihan at bata. Mula nang magsimula ang pag-atake ng Israel sa Gaza, mahigit 14,000 ang naitalang namatay na Palestino, 70% dito ay mga babae at bata ayon sa CARE International.

“Ang walang habas na pagpatay ng Israel ay sistematikong pag-target sa mga kababaihan na nagluluwal ng bagong henerasyon at pagpatay sa mga bata ay pagpigil ng salinlahi ng mamamayang Palestino,” ani Gabriela secretary general Clarice Palce.

Pagkakatulad ng dalawang bansa 

May pagkakahalintulad ang karahasang nararanasan ng kababaihan at mga bata sa Pilipinas sa dumaraming kaso ng pamamaslang at intimidasyon na nararanasan ng bawat babae at batang Palestino.

Ayon sa National Demographic and Health Survey 2017 ng Philippine Statistics Authority, isa sa apat na babaeng Pilipino edad 15 hanggang 49 ang nakaranas ng pisikal, emosyonal o sekswal na karahasan.

Habang 67 bata ang namamatay sa gitna ng engkuwentro ng puwersang militar at mga armadong grupo sa Pilipinas, 19% o mahigit 23 sa mga ito ay wala pa sa limang taong gulang ayon sa ulat ng United Nations noong 2022.

“[Walang pinagkaiba ang nangyayari Palestine] sa nangyayari dito sa Pilipinas, walang pinipili ang bomba ng mga militar sa pambobomba na ginagawa nila sa kanayunan,” ani Jonila Castro ng AKAP Ka Manila Bay. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

“[Walang pinagkaiba ang nangyayari Palestine] sa nangyayari dito sa Pilipinas, walang pinipili ang bomba ng mga militar sa pambobomba na ginagawa nila sa kanayunan. Wala itong pinipiling bata o kababaihan,” ani Jonila Castro ng AKAP Ka Manila Bay, isa sa dalawang kabataang aktibista na dinukot ng militar noong Setyembre sa Bataan.

Kinokondena ng mga grupong nakiisa sa OBR 2024 ang United States (US) sa mga karahasan at inhustisya na nangyayari sa Pilipinas at sa pag-ubos ng lahi ng mga Palestino.

Idiniin din ni Jhed Tamayo ng AKAP Ka Manila Bay na walang pagkakaiba sina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagamit ng US para buhusan ng puwersang militar ang Israel at Pilipinas.

“Ito ang papel ng estado, kawalan ng serbisyo para sa kanyang mamamayan, kung hindi patunayan sa kanyang mga amo, patunayan sa mga [imperyalistang] naghuhubog sa kanila na patuloy silang maging tuta, mang-aapi, [magpagsamantala] sa nakararaming mamamayan,” wika ni dating Gabriela Women’s Party Rep. Emmi de Jesus.

Patuloy ang panawagan ng Gabriela at iba pang progresibong grupo na wakasan na ang lahat ng porma ng karahasan, paniniktik at pananakot sa mga kababaihan aktibista na lumalaban para sa karapatan, kabuhayan at kalikasan.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This