OFWs sa Taiwan, ipit sa giriang US-China
August 13, 2022

Nanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Overseas Filipino Workers sa Taiwan na bigyang pansin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng tumitinding girian sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina.

“Sana bigyan kami ng pansin ni Pangulong Bongbong Marcos para panatilihing ligtas ang buhay namin. Kung sakaling magpatuloy ang problemang ito, kailangan namin ng tulong. Kailangang handa ang gobyernong Pilipino kung paano kami ililigtas dito,” sabi ni Elvera, 3 taon nang caretaker sa Keelung, Taiwan.

Sa taya ng Migrante International, may mahigit 100,000 OFWs ang apektado ng tumitinding tensiyon sa taiwan.

“Maraming mga OFW sa Taiwan ang nangamba noong magpunta si Pelosi sa Taiwan. Natigil ang overtime dahil humina ang produksyon at tumigil ang eksport ng mga produkto papuntang Tsina. Maraming mga OFW na nagtatrabaho sa Taiwan ay mga factory workers, at direktang naapektuhan ang kanilang kabuhayan,” ani Joanna Concepcion, tagapangulo ng grupo.

Nilalagay umano ng administrasyong Marcos ang libu-libong OFWs sa bulnerableng posisyon dahil sa kawalan ng plano sa mabilis, organisado, at ligtas na pag-uwi ng mga migranteng Pilipino.

“Walang komprehensibong plano ang administrasyong Marcos at ang bagong-tayong Department of Migrant Workers (DMW) para sa agarang repatriyasyon ng mga OFWs kung magpapatuloy ang militarisasyon. Wala ring preparasyon ang gobyerno kung sakaling madamay ang Pilipinas sa agresyon sa Taiwan bilang karatig-bansa,” dagdag ni Concepcion.

Walang umiiral na diplomatikong ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan dahil kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas ang One China Policy.  Sa diplomatikong polisiyang ito, nakasaad ang Tsina at Taiwan ay nakapaloob sa iisang estado na pinamumunuan ng People’s Republic of China. Ang pagkilala ng anumang bansa sa One China Policy ay rekisito para magkaroon ng pang-ekonomikong transaksiyon sa Tsina.

“Tinutuligsa namin ang kawalan ng malinaw na contingency plan ng gobyerno. Sa aktwal, walang kakayahan ang Manila Economic Cultural Office na paglingkuran ang lahat ng OFW doon — walang maaasahang hotline, kapos ang tauhan at pasilidad, at badyet. Hinahamon ng Migrante si Pangulong Bongbong Marcos at ang DMW na magbigay ng agarang solusyon,” sabi naman ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Philippines.

Pangamba pa ng mga OFW, kung hindi ito aaksyunan ni Marcos, maaaring maulit ang sitwasyon sa Gitnang Silangan noong 2020.

“Maraming mga OFWs ang hindi nagpa-repatriate noon sa gobyerno natin kasi mas natatakot pa sila umuwi, dahil alam nila wala silang trabaho o kabuhayan sa Pilipinas. Hindi confident ang mga OFWs na mabibigyan sila ng long-term na trabaho sa Pilipinas, kaya mas pipilin nila sumugal,” ani Concepcion.

Noong Agosto 2, pumunta si US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan upang ipagpatuloy ang pakikipag-usap hinggil sa One China Policy. Bitbit niya ang mga eroplanong pandigma ng US bilang eskort, bagay na hindi ikinatuwa ng Tsina.

Bilang tugon, nagsagawa ang Tsina ng mga ehersisyong militar sa Taiwan Strait. Pinakatan din nito ang karagatan ng 39 eroplano at 13 barkong pandigma. Tinatayang dadami pa ito sa mga susunod na araw. Adi Martinez/Pinoy Weekly

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This