Oil spill sa Mindoro: Matagalang pinsala 
July 7, 2023

By Kristine Vega and Zyrah Cahilig

Ilang buwan na ang nakalipas mula nang tumaob ang barkong MT Princess Empress na nagdulot ng malawakang oil spill sa Verde Island Passage. Humigit-kumulang 800,000 litro ng langis ang tumagas sa karagatan mula sa barko, at matinding pinsala ang hatid nito sa kalikasan at kabuhayan ng mga residente sa Oriental Mindoro. 

Subsidiary ng San Miguel Shipping and Lighterage Corporation ang nagkomisyon sa tumaob na tanker na may dalang industrial fuel oil. 

Pero kahit na idineklara na ng Philippine Coast Guard na “nalinis” na nila ang oil spill, patuloy pa ring iniinda ng mga mangingisda ng Naujan, Oriental Mindoro ang epekto nito. Kilala rin bilang “sentro ng marine biodiversity” ang Verde Island Passage, kaya’t nababahala rin ang environmental groups sa pinsalang dulot ng oil spill. 

Fishing ban 

Pangingisda ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente ng Oriental Mindoro. Pero dahil sa oil spill, nagpapatuloy ang fishing ban sa iba’t-ibang munisipyo, na nagdudulot ng pagbagsak ng kabuhayan at komersyo. Sa ngayon, hindi pa rin pinapayagang maglayag ang mga mangingisda mula sa ang mga bayan ng Naujan, Pola, at Pinamalayan.  

Christopher Paala, konsehal ng Brgy. Estrella, Naujan.

Ayon Christopher Paala, konsehal ng Brgy. Estrella sa Naujan, may mga coast guards na nakaantabay sa mga baybayin para habulin diumano ang mga mangingisda na magtatangkang pumalaot.

“Kapag lumaot po talaga ang bangka, hinahabol talaga nila. Paliwanag namin, nawawalan na kasi ng panggastos ang mga mangiginsda para sa mga anak kaya sila umaalma. Dapat may tamang ayuda din at financial assistance,” sabi ni Paala.

Lester Mortel, mangingisda sa Naujan.

Isa sa mga mangingisdang lubos na naapektuhan ng malawakang fishing ban ay si Lester Mortel ng Naujan.  

“Malaki ang damage sa amin. Noong Nobyembre pa lang malalaki ang alon dito dahil sa amihan. Kaya tumigil na rin kami mangisda at nag-antay,” kuwento ni Mortel. “Pebrero dapat ay bababa na kami. Nagkataon na lumubog ang barko, tumagas ang langis, at inanunsyo na ang fishing ban. Tuloy-tuloy ang tigil namin sa pangingisda,” dagdag niya. 

Rolex Aguson, mangingisda ng Naujan.

Para naman kay Rolex Aguson, presidente ng samahan ng mangingisda sa Naujan, sa mahigit 40 taon niyang naglalaot, ngayon lang niya naranasan ang ganitong pagbabawal sa pangingisda.  

Aniya, unti-unting nababawasan ang mangingisda at napipilitang pumasok sa iba’t-ibang klase ng trabaho. 

“Malaki epekto sa amin dahil hindi kami pinapayagang makapangisda, at sa panahon pang wala talagang ibang hanapbuhay,” sabi ni Aguson. 

‘Cash for work’ 

Bilang tugon sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill, naglunsad ang Department of Social Welfare and Development ng “cash for work” program na pansamantalang pamalit sa naantalang hanapbuhay ng mga mangingisda.   

Sa proyektong ito, hinihikayat na magtrabaho ang isa sa kapamilya ng mangingisdang apektado ng oil spill sa loob ng 45 araw. Ilan sa trabaho nila ang clean-up drive sa kanilang barangay, paggawa ng spill boom, at paglinis ng karagatang apektado ng oil spill. Sumasahod sila ng ₱355 kada araw na makukuha nila kada ika-15 araw ng pagtatrabaho.  

“Mahirap, dahil hindi naman ito sapat. Sa ‘cash for work’, maghihintay ka pa ng labing limang araw na kung minsan ay inaabot pa ng isang buwan,” sabi ni Aguson.

Pruso Claud Jr., mangingisda sa Calapan, Oriental Mindoro.

Para naman kay Pruso Claud, isang mangingisda ng Cawayan, Oriental Mindoro, hindi makatarungan na pinagtatrabaho sila para lang makakuha ng ayuda.

“Kawawa kaming mangingisda dito dahil sa oil spill na ‘yan. Unang-una hindi naman namin kasalanan na lumubog ang barko. ‘Yun ang kasalanan nila at naapektuhan ang mga mangingisda.” aniya. 

Eric De Castro, barangay captain sa Roxas, Oriental Mindoro.

Sang-ayon din ang barangay captain na si Eric De Castro ng Roxas, Oriental Mindoro. Ramdam daw ng mga residente ang kakulangan ng ‘cash for work’ program bilang porma ng tulong para sa mangingisdang nawalan ng kabuhayan.

“Matapos magtrabaho ng ilang araw, saka lang darating ang ayuda. Parang kaunti na lang napunta sa amin. Pero, ang hinaing talaga ng mga residente ay ang hindi sila makapangisda,” ani De Castro.

Dagdag niya, kahit marami ang tumatangkilik ng ‘cash for work’ program, hindi pa rin nila nakukuha nang buo ang pinansyal na tulong na pinangako sa kanila. Kaya’t patuloy lang daw ang paghihintay ng mga mangingisda at pag-asang makabalik na sa kanilang normal na kabuhayan.

Pananagutan  

Ayon sa mga opisyal ng Oriental Mindoro, wala pa silang tulong na nakukuha mula sa mga kumpanyang SL Harbor Bulk Terminal Corporation na subsidiary ng San Miguel Shipping and Lighterage Corporation o sa RDC Reield Marine Services na nagmamay-ari ng lumubog na barko.  

Nagpaabot ng pagkabahala at pagkadismaya ang mga residente sa mabagal na galaw ng pamahalaan para makasuhan at mapanagot ang mga sangkot sa oil spill. 

“Siguro, kapabayaan din nila ‘yan kasi may problema man siguro ang barko, pinaglayag pa rin nila. Kapag nagkataon na nadisgrasya, kami naman ang namomroblema, pero sila tuloy ang negosyo nila.” sabi ni Mortel. 

Bilang kapitan ng barangay, batid din ni De Castro ang kakulangan ng aksyon para managot ang mga kumpanyang nagdulot ng oil spill sa kanilang lugar.

“Hindi siya natural calamity, ito ang nakakayamot. Noon pa man malinaw na malinaw na aminado na ang kumpanya, ba’t di pa nakakasuhan? Maramdaman man lang nila na dahil sa kanila nagkaroon ng malaking problema ang maliliit na mangingisda, nagutom ang iba, lumobo ang utang,” sabi ni De Castro.

Hiling ng mga residente ngayon na manguna ang pamahalaan at mga lokal na opisyal sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng oil spill. Giit din nila ang karampatang bayad-pinsala sa buong komunidad gayundin ang pagtitiyak na matugunan ang epekto ng oil spill sa kalikasan. 

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This