Online na atake sa midya, konektado sa militar
September 29, 2021

by Andrea Jobelle Adan

September 29, 2021/

Ipagkaila man ng militar at iba pang ahensiya ng gobyerno, matutunton pa rin ng mga eksperto na sa kanila nagmula ang atake sa mga website ng alternatibong midya.

Mula sa computer network ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang online na atake sa Bulatlat at Altermidya. Ayon ito sa paunang imbestigasyon ng Computer Emergency Response Team (Cert-PH) ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Kinupirma ng Cert-PH sa isang kompidensiyal na report ang noon pang lumitaw sa imbestigasyon ng Qurium Media Foundation, ang Sweden-based hosting provider ng dalawang pahayagan.

“Noong binalita namin ang resulta ng imbestigasyon ng Qurium, nagpanggap na walang alam ang  AFP at naglabas pa ng pahayag na suportado nila ang kalayaan sa pamamahayag,” sabi nila sa isang joint statement. Ito ang dahilan bakit pinili nilang ilathala ang resulta ng kompidensiyal na imbestigasyon ng DICT.

Makailang beses nang naging biktima ng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks ang Bulatlat at Altermidya. Dito, pansamantalang hindi mabubuksan ang isang website dahil sa biglaan at sistematikong pagdumog sa website hanggang sa hindi na kayanin ng server ang “online traffic”.

Sabi ni Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng AFP, posibleng may gumamait ng IP address nila para lang tumingin sa mga website.

“Iligal na ba ang mag-browse ng mga site nila?” sabi niya.

Pero malayo sa pawang browsing at surfing ng website ang nangyayari, ayon sa Computer Professionals’ Union, isang grupo ng mga IT expert sa Pilipinas.

“Malinaw na may planadong pagtatangka na guluhin ang plataporma at hadlangan ang kalayaan sa pamamahayag,” anila.

Dagdag pa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nakakabahala na hindi tumugon ang AFP sa Cert-PH noong isinasagawa ang imbestigasyon.

Katulad ito ng pananahimik ng Department of Science and Technology (DOST) nang lumabas sa pagsisiyasat ng Qurium na may IP address sila na ginamit rin sa atake. Tinanggi ng DOST na may kinalaman sila sa DDoS attacks pero hindi rin sila nagbigay ng impormasyon sa kung sino ang gumamit ng IP address.

“Lagi pa namang sinasabi ng mga ahensya ng gobyerno na dapat dinadaan ang reklamo sa tamang proseso,” sabi ng NUJP. Pero pagtanggi at pananahimik lang rin naman ang tugon ng gobyerno, anila.

Dapat nang imbestigahan ng gobyerno ang lumalalang cyberattacks, sabi ng Commission on Human Rights (CHR). Ayon kay Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, nagiging pangkaraniwan na ang ganitong pag-atake sa ilang indibdwal at grupo.

Hindi ito ang unang beses na ginagamit ang DDOS para mapatahimik ang mga malayang pahayagan. Naging biktima noong 2020 ang Kodao Productions, Northern Dispatch sa Baguio, at pati ang website ng Pinoy Weekly.

Dahil dito, nilunsad noon ang kampanyang #MirrorUs kung saan inaanyayahan ng malaya at alternatibong midya ang kanilang mga taga-suporta na kopyahin at i-post ang kanilang balita. Para kahit pilit sinasara ang mga website, hindi basta mawawala ang nilalaman nito.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This