P1.61-B Kontrata sa eleksiyon, nakuha ni Dennis Uy

0
53

Iginawad ng Commission on Elections (Comelec) sa F2 Logistics Inc. ang P1.61 Bilyong kontrata para sa pagbiyahe ng mga balota, vote-counting machines at iba pang materyales para sa darating na halalang 2022.

Pero may nakikitang isyu sa pagkakagawad ng kontrata. Ang F2 Logistics kasi, pagmamay-ari ng bilyonaryong si Dennis Uy, kilalang alyado at isa sa pinakamalaking nagpondo sa kampanya ni Pangulong Duterte.

“Dapat maisip ng Comelec na ang pagbigay ng P1.61-B sa kilalang crony ni Duterte ay hindi katanggap-tanggap, at ang pagiging responsable niya sa isang importanteng tungkulin sa eleksiyon ay hindi kakunse-konsensiya,” sinabi ni Prop. Danilo Arao, convenor ng Kontra-Daya, sa isang panayam.

Ayon naman kay dating Comelec Commissioner at ngayo’y tagapangulo ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na si Gus Lagman, kaduda-duda ang pagbibigay ng kontrata sa F2 Logistics dahil nagpapakita ito ng conflict of interest.

“Kasi kung campaign contributor mo tapos bibigyan mo ng bilyong-bilyong pisong kontrata, parang kabayaran doon sa contribution mo. Nakakaduda, parang ‘di maganda sa delicadeza na lang,” ani Lagman.

Sa datos ng Securities and Exchange Commission, nakatala ang F2 Logistics Inc. bilang subsidyaryong kumpanya ng Udenna Corp. Si Uy ang presidente at chairman ng Udenna.

“Dapat paalalahanan din ang Comelec na nagbigay ng P30 Milyon sa kampanya ni Duterte, batay sa ipinasang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE),” sabi ni Arao.

Si Uy ang pang-apat na pinakamalaking nagbigay ng donasyon sa kampanya ni Duterte ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Bukod sa kanya, nagdonate din ng P3.5-M si Efren Uy, nakatalang founding chairman at presidente ng F2 Logistics, sa kampanya ni Duterte. Si Cherylyn Uy, asawa ni Dennis at kasalukuyang corporate treasurer ng F2 Logistics, ay nagdonate naman ng P1-M kay Duterte.

“Yung logistics, ibig sabihin sila magde-deliver kung anumang equipment na gagamitin sa eleksiyon. Mga materyales, mga balota, lahat ‘yan ide-deliver sa buong bansa. Kung ikaw ang may hawak ng kontratang ‘yun medyo malaki ang trabahong ‘yun,” sabi ni Lagman.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakuha ng F2 Logistics ang kontrata sa eleksiyon. Noong 2018, sa halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan, apat na kontratang aabot sa P37-M ang nakuha nito.

Dalawang kontrata rin ang nakuha ng F2 Logistics para sa halalan noong 2019. Isa ay P248-M para sa pagbiyahe ng mga suplay sa Mindanao, habang P143-M naman para sa pagbiyahe ng mga kagamitan papuntang Hilagang Luzon.

Ayon sa Comelec, ligal ang naging proseso ng bidding at F2 Logistics ang nagbigay ng pinakamababang presyo para sa kontrata. Kasali sa nasabing bidding ang mga kompanyang LBC Express, Airspeed International, at 2Go Express Inc.

Sinunod din umano ng Special Bids and Awards Committee ng Comelec ang 2016 implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 9184 Government Procurement Reform Act.

“Sa teknikalidad, maaaring ligal ito sa pananaw ng Comelec, pero ito ay malinaw na hindi etikal at sadyang hindi katanggap-tanggap,” sabi ni Arao sa isang panayam.

Nanawagan ang Kontra- Daya na kanselahin ng Comelec ang kontrata sa F2 Logistics.

Naghain naman ng resolusyon si Sen. Leile De Lima para imbestigahan ang pagkakagawad ng kontrata sa F2 Logistics.

“Kailangang iwasan ang anumang pagkakahawig sa conflict of interest at tiyaking walang supplier na kasali sa mga aktibidad ng partisanong politika ang mabigyan ng kontrata sa kondukta ng pambansa at lokal na eleksiyon,” ani De Lima.

Lalo namang kaduda-duda ang pagkabigay ng kontrata sa kumpanya ni Dennis Uy dahil sa anunsiyo ni Pangulong Duterte na tatakbo ito bilang pangalawang pangulo sa darating na halalan.

Para sa Kilusang Mayo Uno, mas binabahiran nito ang integridad ng halalang pampanguluhan sa 2022. Posible rin umanong magamit ito sa dayaan.

“Mukhang ito ang gameplan – tatakbo si Digong, tatakbo si Bong Go, tatakbo si Sara, may drama na magpaparaya. At pagdating ng araw ng halalan, back-up sa Hocus PCOS ng Smartmatic, itatakbo ni Uy ang mga ballot box, at du’n lulutuin ang dinastiyang Duterte,” ani Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Bukod sa dayaan, ginagamit din umano ang mga kontrata sa Comelec para sa paghuthot sa kaban ng bayan, gaya ng mga naungkat ng Commission on Audit sa halos lahat ng mga ahensiya sa ilalim ng ehekutibo.

“Kung dadayain ang eleksiyon, at malamang ‘yan ang gagawin, dapat maging handa ang mamamayan na maggiit ng kanyang kapangyarihan at huwag hayaan na mapasakamay itong muli ng isang korap, pasista, palpak at pahirap na diktador!” sabi ni Adonis. Neil Ambion/pinoyweekly.org

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.