P33k minimum salary, iginiit ng mga kawani
December 1, 2023

Ni RIZZA MAE ESCIO
Pinoy Weekly

Nanawagan ang All Philippine Public Service Unions ng P33,000 minimum salary para sa mga kawani ng gobyerno at P50,000 sa entry-level salary sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa isang press conference sa Quezon City nitong Nob. 27.

Ipahayag din ng mga unyon sa pampublikong sektor ang hiling na dagdag na benepisyo at pagprotekta sa kanilang karapatang mag-organisa at mag-unyon.

Inaasahan na walang matatamong dagdag-suweldo ang mga kawani ng pamahalaan sa susunod na taon dahil huling tranche na ng Salary Standardization Law V (SSL V) ngayong 2023.

Ayon sa kanila, hindi na nakabubuhay ng pamilya ang kasalukuyang salary grade 1 na P13,000 para sa mga pangunahing pangangailangan dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Nais din ng mga grupo na gawing pare-pareho ang suweldo ng mga kawani sa mga pamahalaang lokal. Sa kasalukuyan, nakadepende ang suweldo ng mga kawani sa pamahalaang lokal batay sa income class ng lalawigan, lungsod o munisipalidad.

Halimbawa, sa isang 6th class municipality, ang isang kawaning nasa salary grade 1 na P13,000 ay tumatanggap lamang ng 65% nito o P8,450.

Maliban sa mapapasong SSL V, kinaltasan din ng P70 bilyon ang Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa susunod na taon. Nakalaan sana ang MPBF para dagdag-suweldo at benepisyo ng mga kawani.

Hinikayat naman ng mga unyon ang mga kawani na sama-samang kumilos at ipaglaban ang kanilang mga panawagan.

“Kaya dapat ang mga kawani ng gobyerno, kasama na ang mga manggagawa, magkaroon ng isang tinig na national minimum [salary na] P33,000 across the bureaucracy. Ibigay ngayon na!” ani Courage national president Santiago Dasmariñas.

Nilinaw rin ni Dasmariñas na para sa lahat ng kawani ng gobyerno ang kanilang hinihiling na minimum salary at hindi na dapat pang bawasan batay sa income classification ng lalawigan, lungsod o munisipalidad.

Nakikipag-ugnayan na ang mga unyon ng kawani sa iba’t ibang mambabatas sa Senado at Kamara upang suportahan ang dagdag-suweldo at benepisyo pati ang paglalaan ng sapat na pondo para maipatupad ito.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

Red-tagging remains among the most prevalent threats to press freedom that also include violence against journalists and the media in the Philippines, the Commission on Human Rights (CHR) reported. In his keynote speech at the opening of the historic 1st Philippine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This