Pag-alaala kay Chito Gascon: ‘Matatag at masigasig na human rights defender’
October 23, 2021

ni Gia Boragay

Sa ilalim ng administrasyong Duterte kunsaan seryoso ang isyu ng karapatang pantao, naging bukas at maaasahang institusyon ang Commission on Human Rights (CHR) para sa mga apektadong indibidwal at grupo.

Agad na umaksyon ang CHR para sa mga pangangailangan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang tao, mga bilanggong politikal, mga katutubo, kabataan, mga artista at mamamahayag, at iba pa.

Gayundin, binukas ng CHR ang tanggapan nito sa Quezon City para sa mga pagkilos, kampuhan, forum, at iba’t ibang aktibidad ng human rights groups at mga sektor. Malapit na nakikipagtulungan ang CHR sa mga organisasyon para sa pagpapalawig pa ng mga dayalogo at ulat tungkol sa karapatang pantao.

Para sa human rights organizations, malaki ang papel rito ng pamumuno ni CHR chairperson Jose Luis Martin “Chito” Gascon.

Nitong Oktubre 9, sa edad na 57, pumanaw si Chito dahil sa sakit na COVID-19. Sa pahayag ng kanyang pamilya, sinabi nilang hanggang sa huli, nanatiling nanindigan laban sa mga abuso sa karapatang pantao si Chito.

Sa programang parangal para sa kanya na inorganisa ng grupong Karapatan, inalala si Chito bilang mahusay na abogado, aktibista, peace advocate, at matatag na kritiko ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte.

Halaga ng kalayaan, katotohanan at hustisya

Si Chito Gascon ay itinalagang tagapangulo ng CHR noong 2015.

Bago nito, naging kasapi siya ng Human Rights Victims Claims Board, ang naging katuwang para sa pamamahala ng mga programa sa pagkilala at reparasyon sa mga biktima ng Martial Law.

Nagsilbi rin si Chito bilang pinakabatang miyembro ng Constitutional Commission na bumuo ng 1987 Constitusyon at ang ika-8 Kongreso ng Pilipinas sa panahon ng dating pangulo na si Corazon Aquino.

Kabilang din si Chito sa mga lider-estudyante na lumaban noon sa Martial Law. At bilang pinuno ng University of the Philippines Student Council, pinamunuan niya ang kilusang kabataan na lumahok sa EDSA People Power para mapatalsik ang diktadurang Marcos.

Bago umupo sa pwesto si Pang. Duterte noong 2016, pinamunuan ni Chito ang mga imbestigasyon sa sinasabing mga paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng administrasyong Noynoy Aquino, kabilang ang pagpapaalis sa mga libu-libong katutubo sa Mindanao noong 2015 at ang marahas na dispersal ng protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan noong 2016.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, nilabanan ni Chito at ng CHR ang pagbalewala sa karapatang pantao sa gitna ng madugong giyera sa droga nito. Kabi-kabilang pag-atake mula sa Pangulo mismo at mga kaalyado nito ang natanggap ni Chito at ng CHR .

Ngunit hindi natinag si Chito at ang CHR sa pag-iimbestiga at pagkukundena sa mga pagpatay kaugnay ng giyera sa droga. Sa katunayan, nakapagdokumento at nakapag-imbestiga ang CHR ng mahigit 3,000 na kaso ng extrajudicial killings, sa kabila ng kahirapan sa pagkuha ng mga dokumento.

Noong 2017, hinamon ng ilang mambababatas na kaalyado ng Pangulo na bigyan ang Komisyon ng badyet na halagang P1,000 lamang. Nagbanta silang bibigyan lang ng mas malaking badyet ang CHR kung magbibitiw sa pwesto si Chito.

Santuwaryo laban sa mga pag-atake

Nagpahayag ng pakikiramay at pagkilala ang human rights advocates at iba’t ibang grupo kay Chito noong Oktubre 15 sa parangal ng Karapatan.

Ayon kay Yeb Saño, executive director ng Greenpeace Southeast Asia, si Chito ay “isang matibay din na kakampi sa paglaban para sa hustisya sa klima.”

Ibinahagi nya ang pagtanggap ng CHR sa world’s first climate change at human rights inquiry. Layon nitong managot ang malalaking korporasyon sa papel nito sa pagkawasak ng kalikasan, na may epekto rin sa karapatan ng mamamayan.

Para sa Karapatan, ang panunungkulan ni Chito bilang chairperson ay dumating sa isang kritikal na panahon kunsaan napakalaki ng hamon sa mga karapatang pantao sa Pilipinas.

Ibinahagi ni Cristina Palabay, secretary-general ng Karapatan, ang naging pag-uusap nila noon ni Chito.

“Sabi niya, sa bawat namamatay nating kasamahan, kailangan nating magpatuloy na magtrabaho na magkakasama. Magalit ka sa amin, punahin n’yo kami pero at the end of the day, alam nating magkakasama tayo sa laban para sa karapatang pantao. At sasamahan namin kayo kahit saan kayo umabot,” ani Palabay.

Dagdag niya, nakikiisa sa mga press conference at pagtitipon ng grupo si Chito. Sa panahon ng pandemya, tiniyak niyang nakapagpapadala siya ng mga mensahe ng pakikiisa sa mga online forum at iba pang online activities para suportahan ang mga panawagan ng iba’t ibang advocacy groups.

Binalikan naman ni Teacher Rose Hayahay ng Save Our Schools Network ang malugod na pagtanggap ng CHR sa mga Lumad bakwit. Pinahintulutan din silang gamitin ang mga espasyo sa CHR gaya ng Bulwagang Ka Pepe at Ugnayan Garden.

Hindi naman makakalimutan ni Bea Arellano ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang naging paglahok ni Chito para itaguyod ang karapatan ng mga maralitang tagalungsod tulad ng mga taga-Sitio San Roque sa Quezon City. Aniya tumindig si Chito para sa kanilang karapatan sa harap ng mga demolisyon, harassment, at red-tagging na nagaganap sa kanilang komunidad.

“Si Sir Chito Gascon ay tunay na nagsusulong ng karapatang pantao, lalong-lalo na sa aming mahihirap. Pinansin niya kami sa tuwing dumudulog sa kanilang tanggapan,” ayon kay Ka Bea.

Ibinahagi rin niya ang suporta ng CHR sa mga proyekto ng urban poor communities gaya ng “Kusinang Bayan”. Agad daw na nagpadala ng tauhan ang CHR nang malaman ang nakaambang pagbubuwag ng mga pulis sa proyektong ito ng mga residente.

Samantala, marami ang nangangamba sa kung sino ang susunod na itatalaga ng kasalukuyang administrasyon sa Komisyon. Anila, maaaring magpuwesto ito ng kapalit ni Chito na mas papabor sa administrasyon kaysa sa pagtataguyod ng karapatang pantao.

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This