Pag-asang sumisilay
August 3, 2023

ni Marc Lino Abila
Pinoy Weekly

Tuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato Dela Rosa dahil sa mga nangyaring pagpaslang sa ilalim ng giyera kontra droga. Ito’y matapos ibasura ng ICC Appeals Chamber noong Hulyo 18 ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na ipahinto ang pag-uusig sa mga may sala sa Oplan Tokhang. 

“Nagpapasalamat po ako. Laking tuwa po naming mga pamilya at ngayon po, lalo pa po kaming magiging malakas,” ani Emily Soriano, ina ng 15-anyos na napatay sa war on drugs.

Ikinagalak din ng mga abogado ng mga biktima ang desisyon ng appeals chamber.

“Siyempre natutuwa po ang mga abogado at mga kamag-anak ng mga biktima po ng war on drugs, ng Tokhang kasi ang tagal na rin,” wika ni assistant to counsel Maria Kristina Conti.

Sa apela ng gobyerno ng Pilipinas, kinatuwiran na wala raw hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.

Kumalas ang gobyerno ng Pilipinas sa Rome Statute, internasyunal na kasunduang nagtatag sa ICC, noong Marso 2019. Iginigiit din ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maging ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paglabag ‘di umano sa soberanya at mga batas ng bansa ang desisyon ng ICC na mag-imbestiga.

Sakop ng imbestigasyon ang mga kaso mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019, panahong kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute. Gayundin ang mga pagpatay ng Davao death squad mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Hunyo 30, 2016 noong alkade si Duterte ng Davao City.

Samakatuwid, hindi lumampas ang ICC sa itinatakda ng Rome Statute dahil kasapi pa ang Pilipinas noong nangyari ang mga pagpaslang na iimbestigahan.

Ngunit nagmamatigas ang pamahalaan.

Si Marcos Jr. na mismo ang nagsabi na hindi makikipagtulungan at tuluyang hindi makikipag-usap ang kanyang pamahalaan sa ICC. Pinayuhan rin ni Remulla ang mga taong pinangalanan sa kaso na huwag pupunta sa mga bansang may impluwensiya ang ICC sa sistemang panghukuman.

Hinihimok naman ng Human Rights Watch (HRW) ang pamahalaan ni Marcos Jr. na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

“Isa itong oportunidad kay Pangulong Marcos na baguhin at kumawala sa kultura ng pang-aabuso at kawalan ng pananagutan na malaon ng nananalasa sa Pilipinas,” pahayag sa Ingles ni HRW deputy director for Asia Byrony Lau.

Sa kabila ng mga pahayag ng pamahalaan, naghahanda na ang mga abogado at mga kaanak ng biktima sa imbestigasyon at paglilitis.

“Ngayong matutuloy na ang imbestigasyon, parang natatakot na kami sa pagiging busy dahil ang investigation ay tuloy na sa kung sino ang pinakaresponsable. Doon na tayo kung sino ang dapat panagutin,” ani Conti.

Bagaman tinututulan ng pamahalaan ni Marcos Jr. ang desisyon ng ICC, hindi titigil ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ng nagdaang administrasyon na manawagan para sa katarungan.

“Patuloy po kaming magsasalita, patuloy po kaming maghahanap ng hustisya, patuloy po kaming lalaban! Hindi na president si [Duterte] pero tuloy-tuloy pa rin ang patayan,” pahayag ni Amy Jane Lee ng Rise Up for Life and for Rights sampu ng mga pamilya ng mga biktima.

Ayon sa mga human rights group, tinatayang nasa 12,000, na kalakhan ay mula sa mga maralitang komunidad, ang naging biktima ng giyera kontra droga ni Duterte sa loob ng anim na taon niya sa poder. /May ulat mula kina Raquel Valerio at Exequiel Agulto

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This