Pagbabawal ng Israel sa Al Jazeera, atake sa malayang pamamahayag
April 9, 2024

Ni CHARLES MAGALLANES at JOLIE BABISTA
Pinoy Weekly

Aprubado na ng mga mambabatas ng Israel ang batas sa puwersahang tigil-operasyon ng Al Jazeera at iba pang international news outlets sa Israel dahil sa umano’y “banta” nito sa seguridad ng bansa.

Kasunod ito ng pangako ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa isang social media post na agarang hakbang sa tuluyang pag-shutdown sa Qatar-based news outlet.

“The terrorist channel Al Jazeera will no longer broadcast from Israel. I intend to act immediately in accordance with the new law to stop the channel’s activities,” ani Netanyahu.

Buwelta naman ng Al Jazeera media network, kritiko ng operasyong militar ng Israel sa Gaza, sa isang pahayag na hindi nito mapipigilan ang network na ipagpatuloy ang kanilang “bold and professional coverage.”

“Netanyahu could not find any justifications to offer the world for his ongoing attacks on Al Jazeera and press freedom except to present new lies and inflammatory slanders against the network and the rights of its employees,” pahayag ng news outlet.

Batas laban sa malayang pamamahayag

Magbibigay ang bagong batas ng kapangyarihan sa prime minister at communication minister ng kapangyarihan para pansamantalang isara ang operasyon ng mga foreign media network sa Palestine at Israel, na magkakaroon ng malaking epekto sa pagsubaybay ng daigdig sa kasalukuyang giyera sa bansa ayon sa mga rights group.

Direktang epekto nito ang limitadong pagbrodkast at akses sa kanilang website. Magkakaroon din ang gobyerno ng Israel ng awtoridad na halughugin ang mga opisina na pinapatakbo ng network at kumpiskahin ang mga kagamitan at press card ng mga reporter at empleyado.

Kasalukuyang may opisina ang Al Jazeera sa Jerusalem, pati na rin sa West Bank at Gaza.

Matatandaang matagal ng tinitingnan ng gobyerno ng Israel ang network na ‘di umano’y may “anti-Israeli bias.” Sa isang pahayag ng prime minister sa X (dating Twitter), inakusahan ng nito na “trumpet” umano ng Hamas ang Al Jazeera at may aktibong partisipasyon sa pag-atake noong Okt. 7, 2023.

Para sa Qatar-based news outlet, “mapanirang-puri” ang mga binitawang akusasyon ng Israel at hindi lang mapanganib sa reputasyon ng network kundi pati na rin sa seguridad at karapatan ng mga empleyado nito sa buong mundo.

Para naman sa White House, “nakababahala” umano ang nasabing batas.

“The United States supports the critically important work journalists around the world do. And that includes those who are reporting in the conflict in Gaza,” wika ni White House Press Secretary Karine Jean-Pierre sa isang press briefing.

Karahasan, pagpatay sa mga peryodista

Kinondena ng Committee to Protect Journalists (CPJ) nitong nakaraang buwan ang pag-aresto at pandarahas kay Al Jazeera Arabic correspondent Ismail Al-Ghoul habang nagre-report siya mula sa Al Shifa Medical Complex sa Gaza City.

“Journalists play an essential role in a war. They are the eyes and the ears that we need to document what’s happening, and with every journalist killed, with every journalist arrested, our ability to understand what’s happening in Gaza diminishes significantly,” ani Jodie Ginsberg, chief executive officer ng CPJ

Ilang reporter ng Al Jazeera at ang kanilang mga pamilya rin ang pinatay sa mga airstrike ng Israel, ayon sa network.

Si Al Jazeera Gaza bureau chief Wael Al Dadouh hawak ang kamay ng pinaslang na anak na si Al Jazeera correspondent Hamza Al Dadouh na pinataaman ng airstrike ng Israel sa Khan Younis, Gaza habang patungo sa isang assignment. Hatem Ali/AP via CPJ

Nitong Okt. 25 ng nakaraang taon, isang air raid ang pumatay sa pamilya ni Wael Al Dahdouh, hepe ng Al Jazeera Gaza Bureau. Aniya, kasama ang kanyang asawa, anak na babae, apo at hindi bababa sa walong iba pang kamag-anak sa nasawi.

Sumulpot ang batas kasabay ng dumaraming bilang ng nangangamba mula sa mga press freedom group na sumusubaybay sa kalagayan ng mga mamamahayag na nag-uulat mula sa Gaza.

Nasa 117 na ang mga mamamahayag at manggagawang midya ang pinatay sa Israel at Okupadong Teritoryong Palestino mula 1992 hanggang 2024 batay sa tala ng Committee to Protect Journalists.

Saksi ang mga Palestinian journalist, kasama na ang mga nagtatrabaho para sa ilang mga internasyonal na ahensiya ng balita sa tunay na nangyayari sa giyera, kaya’t mahalagang ang patuloy ang kanilang operasyon sa loob ng Gaza.

Pinupuntirya ang Al Jazeera

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbanta ang Israel sa paggamit ng emergency regulations para labanan ang mga operasyon ng Al Jazeera sa Israel at sa mga teritoryong Palestino na inookupa nito.

Kalagitnaan ng Oktubre ng nakaraang taon nang payagan ng gobyerno ng Israel ang wartime regulations na pahintulutan ang pansamantalang pagsasara ng mga banyagang media outlet na itinuturing na banta sa kanilang mga interes.

Noong panahong iyon, sinabi ni Communications Minister Shlomo Karhi na inaasahan niya na ang mga hakbang ay nakatuon sa Al Jazeera, na nagbobrodkast nang live mula sa Gaza sa kasagsagan ng giyera sa Israel.

Pagbomba ng Israel sa isang gusali sa Gaza kung saan nag-oopisina ang Al Jazeera at Associated Press noong Mayo 15, 2021. Ashraf Abu Amrah/Reuters via Al Jazeera

Noong 2017, nangakong palalayasin ng Israel ang mga mamamahayag ng Al Jazeera at isara ang kanilang mga opisina at pigilan itong magbrodkast.

Inakusahan ni noo’y Communications Minister Ayoob Kara na nag-uudyok ng karahasan ang network, lalo na sa mga isyu na may kinalaman sa Al Aqsa mosque.

Noong 2022, pinatay ng mga puwersa ng Israel ang Al Jazeera correspondent na si Shireen Abu Akleh habang nag-uulat sa Jenin sa West Bank.

Nitong Enero, inakusahan ng Al Jazeera ang Israel sa pagpatay sa dalawa sa kanilang mamamahayag sa Gaza. Pinatay sina Hamza Dahdouh at Mustafa Thuria habang nasa assignment para sa Al Jazeera, habang sugatan naman ang freelancer na si Hazem Rajab.

Ayon sa tala ng Reporters Without Borders, 103 Palestinian journalists ang pinatay ng Israel Defense Forces mula ng inilunsad ng Hamas ang kanilang pag-atake sa Israel na bahagi ng Operasyong Al Aqsa Flood ng mga puwersang mapagpalaya sa Palestine.

Read more

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This