Ni MICHAEL BELTRAN
Pinoy Weekly
Ngayong buwan nakatakdang ilunsad ang ika-39 na Balikatan Joint Military Exercises ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. Lunsaran ng mga bagong teknolohiya at posturang pandigma ng taunang war games ng dalawang bansa.
At ngayon, dahil sa tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea, papalapit sa China ang Balikatan. Ang pakitang gilas at lakas na pakana ng Amerika ay lalong naghihimok ng giyera habang dinadamay ang mamamayang Pilipino.
Noong Enero, ipinangako ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas marami ang kalahok na sundalo ngayong taon kumpara noong 2023 na nagtipon ng nasa 17,600 na tropa. Kamakailan, nag-anunsiyo si Col. Michael Logico ng kanilang “running total” ay 16,000 na kalahok na sundalo, 11,000 mula sa United States (US), habang Pilipino naman sa natitira.
Pero wala pa rito ang delegasyon mula sa 14 pa na bansa na tinakdang “observer” kabilang ang Japan, Australia at France. Isa ang Balikatan sa 500 ng tinakdang military exercises ng US sa bansa ngayong taon.
Patungo sa digma
Kung pagpapalubog ng barko sa Zambales ang tampok noong nakaraan, ngayong taon lalong papalapit sa China ang Balikatan na para bang naghahamon ng direktang sagupaan ang mga Amerikano.
Ayon sa Provincial Government ng Batanes, kinausap raw sila para magsilbing isa sa mga Balikatan sites ang Mavulis Island, na halos 93 miles lamang mula sa Taiwan, isa pang pinag-aagawan ng US at China.
Kinumpirma rin ni Logico na lalampas ang Balikatan ng mahigit 22.22 kilometro palabas ng Palawan o teritoryo ng Pilipinas at papasok sa international waters.
Ayon kay Propesor Roland Simbulan, eksperto sa relasyong US-Pilipinas, “Klarong paghahanda ito ng puwersang Amerikano at mga alyado niya, para makipagdigma sa China para sa Taiwan at lalong iinit ang kumukulong nang sitwasyong geopolitikal.”
Kabilang ang Pilipinas at Taiwan sa mga tumatanggap ng pinakamalalaking suportang militar mula sa Amerika. Noong 2021, nagbigay ng mahigit $22 milyon sa Pilipinas at $29.2 milyon sa Taiwan.
“Kapalit ng ayudang militar at suportang pampolitika, kinakaldkad ang Pilipinas sa giyera ng Amerika,” giit ni Liza Maza, secretary general ng International League of People’s Struggles (ILPS).
Dagdag pa ni Simbulan, sa mata ng US, ang Pilipinas ang magsisilbing proxy o “launching pad” sa rehiyon para makaiwas sa direktang pinsala.
May mahabang kasaysayan ang Pilipinas ng pagpapakatuta sa Amerika at madalas na hinahatak ito sa giyera kahit pa’y labag ito sa interes ng mamamayan.
Noong Mayo 2023, muling pinagtibay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Joe Biden ang Mutual Defense Treaty (MDT), isa sa mga kasunduang nagpapasimuno ng pagpasok at pagbabase ng US sa bansa. Nagkasundo rin ang dalawang lider para sa modernization ng AFP, kabilang ang pagpopondo at pagsasanay sa mga sundalong Pilipino para makipaglaban sa China.
Ang tanong, nais ba ng mamamayan na makisawasaw sa digmaan ng US sa China o mas gugustuhin bang igiit ang soberanya ng bansa?
Paliwanag ni Maza, “Mula noong mapirmahan ang MDT noong 1951, nagsilbi siyang batayan para sa lantarang panghihimasok ng US sa bansa, habang dinadamay ito sa kanyang mga giyerang agresyon.”
Dinadamay ang Pilipino
Nakikita ng US ang buong West Philippine Sea bilang pag-aari nilang “lawa” na inaangkin ng China.
Sa unang pagkakataon, sasamahan din ang Balikatan ng “cyberspace and information warfare,” ayon sa AFP. Naniniwala si Simbulan na ang ganitong mga pamamaraan ay naging “esensiyal na sa paghahanda sa giyera.”
Ito’y pagkat kumalat sa Pilipinas at Taiwan ang iba’t ibang uri ng disinformation o fake news mula sa China.
At kapwa kababayan natin sa Taiwan ay nangangamba rin katulad ng marami sa bansa. Sa nakaraang Balikatan, pinagbinantaan ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang mga Pilipino sa Taiwan. Sinabi niyang kung hindi tututol ang Pilipinas sa “Taiwan independence,” posibleng malagay sa alanganin ang 150,000 na overseas Filipino workers (OFW) doon.
Dahil diyan, hindi daw dapat maging isang “panangga ang OFW para manakot ulit ang China. Nakakapangamba. Last year, lumalala ang tension, may takot na sumiklab ang gulo,” ani Gilda Banugan, isang care worker sa Taipei at tagapangulo ng Migrante-Taiwan.
Para kay Banugan, sabayang pinagsasabong ang Pilipinas at Taiwan ng US at China, at kapwa may atraso ang dalawang makapagyarihang bansa dahil nadadamay ang karaniwang tao kagaya nilang mga OFW.
“Naiipit kami. Ayaw din naman kasi tumigil ng US sa pag-provoke sa China, kaya hindi maiwasang mag-isip na baka tuluyan na kaming mapahamak sa giyera,” dagdag ni Banugan.
Higit pang pag-aalala ni Banugan at iba pang kababayan sa Taiwan ang kawalan ng plano sa emergency evacuation nila sakalaing tuluyan nang lumala ang sitwasyon.
Mula Mayo 2023 hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin naisasaayos ang inisyal na panukala ng Senado para ilikas ang mga OFW sa Taiwan.
Giit ni Banugan, halatang hindi nauunawaan ng pamahalaan ang usapin, dahil hindi kasama sa panukala ang pagtugon sa pangangailangan sa trabaho.
“Aantayin ba nating sumiklab ang gulo bago gumawa ng plano? Dito, nagdadalawang isip kami na umuwi. Kung uuwi kami, may trabaho ba? Marami dito, sisikaping sumugal sa kalagayan kaysa umuwi at magutom ang mga pamilya namin,” ani Banugan.
Duguang kamay
Mangyayari rin ang Balikatan matapos ang pagdalaw ni US Secretary of State Anthony Blinken sa Malacañang nitong Marso. Dahil sa papel ng US sa pamamaslang at okupasyon ng mga Israeli sa Gaza, nabansangang “Bloody Blinken” ang dumalaw na opisyal. Kaugnay raw ng “kooperasyon” at “seguridad” ang kanyang pakay kay Marcos.
Ang nakatakdang pagpapalawak ng base militar na nagagamit ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, kasama ang papalaking bilang na dumarating na sundalong Amerikano sa bisa ng Visiting Forces Agreement, ang nagtutulak na gawing isang malaking kampo ng US ang Pilipinas ayon sa ILPS.
Dagdag ng grupo, naging pakay ni Blinken ang pagtitiyak na matupad ang lahat ng paghahanda para sa karagdagang operasyon, armas at base ng US. Ang kapalit, proteksiyon at suporta sa rehimen ni Marcos Jr.
“Kinakatawan ni ‘Bloody Blinken’ ang giyera ng Amerika na siyang nagpamalas ng pamamaslang at pagdurusa sa daigdig. Ginagamit nila ang Pilipinas bilang mala-kolonya na lunsaran ng giyerang agresyon para isulong ang kanilang interes sa Asya-Pasipiko,” ani Maza.
Ang paparating na Balikatan, bahagi ng isang buong plano para palakasin ang presensiya ng US sa rehiyon, at susi ang Pilipinas dito.
Panawagan ng ILPS ang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano at tumindig ang gobyerno ng Pilipinas kontra sa giyera habang ipinaglalaban ang soberanya ng bansa.