Paglago ng GDP, di ramdam ng Pinoy
February 1, 2023

Hindi na kumakain ng karne at isda ang pamilya ni Roel Pacquiao, minimum wage earner na manggagawa ng Hypervolt Contractor Corporation. Hindi na kasi kasya ang sahod niya sa taas ng presyo ng bilihin.

“Ang pinakamurang ulam adobong sitaw, adobong kangkong. Yung munggo hindi naman puwedeng kakainin sa isang linggo puro munggo lang. Yung isda, manok, baboy, di ka na makakain niyan,” aniya.

Sa pagkain pa lang, kulang na ang sahod niya. Naputulan na rin sila ng kuryente at tubig, at napalayas sa inuupahang bahay dahil hindi makabayad. Baon pa siya ngayon sa utang.

“Tatlo pa lang kami [sa pamilya]. E paano pa yung iba?” ani Pacquiao.

Kaya pinagtatakhan niya ang balitang lumago ang ekonomiya ng Pilipinas noong nakalipas na taon.

“Kahirapan lang ang lumago. Maluwag na nga ang sinturon kasi pumayat na e,” sabi niya.

Nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 7.6% na paglago ng Gross Domestic Product para sa taong 2022. Ito na ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya sa nakalipas na 4 na dekada.

Naitala rin ang 7.2% na paglago sa huling sangkapat ng 2022. Mas mataas ito kumpara sa inasahang 6.5% hanggang 7.5% ng economic team ng administrasyong Marcos.

Pangunahing nag-ambag sa paglago ng GDP ang wholesale at retail na pamilihan na itinulak naman ng 8.3% na pagtaas sa paggasta ng mga kabahayan.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, lumago ang ekonomiya dahil sa mataas na tantos ng empleyo. Nagbigay aniya ito sa mamamayan ng kakayahang gumastos sa kabila ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Pero paglilinaw ng Ibon Foundation, ang naitalang paglago ay pagrebanse lang ng muling binuksang ekonomiya mula sa tatlong taon ng lockdown. Bumalik lang umano ang ekonomiya sa lagay nito noong 2019, at sa kabila ng naitalang paglago ay may tatlong taon pa ring nawala.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon, “Mabilis ang paglago dahil napakalaki ng ibinagsak.”

Noong 2020, bumagsak ng 9.5% ang ekonomiya ng bansa.

Dagdag pa ng Ibon, hindi na rin ito magtutuloy-tuloy at babagal pa nga ngayong taon.

“Nagbunga ang pansamantalang revenge spending ng higher income groups sa pagbubukas ng 2022 ng 10% paglago sa paggasta ng kabahayan sa unang sangkapat ng taon. Pero mula noon, pababa na ito ng pababa dahil sa inflation at mababang kita ng mga mahihirap at low-income na kabahayan.

Dagdag pa ng Ibon, Hindi manlang nagkaroon ng bugso ng paggasta noong kapaskuhan.

“Hindi ramdam [ang paglago]. Nung December wala nga kaming 13th month kasi di makabayad yung amo namin. Naghihirap pa daw. Hanggang ngayon wala pa kaming sahod,” sabi naman ni Pacquiao.

Milyong Pilipino ang hindi nakinabang sa pag-unlad, ayon sa Ibon. Nagtipid kasi sa ayuda at hindi nagbigay ng makabuluhang dagdag-sahod ang gobyerno sa harap ng matinding pagtaas ng presyo.

Walang pakinabang

Sa tala ng Social Weather Station (SWS), tumaas nang 700,000 ang bilang ng mga naghihirap na pamilya mula nang manungkulan si Pangulong Marcos Jr. noong Hunyo 2022. Umabot na ito sa 12.9 milyon noong Disyembre na katumbas ng 51% ng lahat ng pamilyang Pilipino. Ayon pa sa Ibon, hindi pa kasama rito ang 7.8 milyon o 31% na nasa bingit na ng kahirapan o borderline poor.

“Sa simula ng administrasyong Marcos, walo sa sampung nalikhang trabaho (79.3%) ay pawang mga part-time,” ayon sa Ibon.

Tinatayang nasa 36.7 milyon o 74% ng mga trabaho ay pawang mga impormal. Kabilang ang mga self-employed, domestic workers, nagtatrabaho sa negosyo o sakahan ng pamilya, at mahigit 12.6 milyong manggagawang kontraktuwal sa mga hindi rehistradong establisimyento.

Milyong Pilipino ang hindi nakinabang sa pag-unlad, ayon sa Ibon. Nagtipid kasi sa ayuda at hindi nagbigay ng makabuluhang dagdag-sahod ang gobyerno sa harap ng matinding pagtaas ng presyo.

Kahit ang mga nasa pormal na empleyo gaya ni Pacquiao, hindi naramdaman ang paglago ng ekonomiya dahil sa pagbaba ng tunay na halaga ng sahod.

“Nabawasan ang panggastos namin. Kung nagincrease man, kulang pa yan sa itinaas ng bilihin. Yung anak ko nga di na nagbabaon, naglalakad na lang papasok ng eskuwela,” aniya.

Ayon sa Ibon, P489 na lang ang tunay na halaga ng P570 minimum wage sa National Capital Region. Samantala, nasa P1,146 na ang family living wage (FLW) o kailangang nakabubuhay na sahod ng isang pamilya kada araw noong Disyembre 2022. Pero 35.3% lang nito ang tinataya ng Ibon na P404 na average na tunay na halaga ng sahod sa sa buong bansa.

“Kung may pagtaas ng GDP napunta lang yan sa bulsa ng mga mayayaman. Manggagawa ang nagtatrabaho araw-araw para lumago ang ekonomiya. Pero kahit kailan hindi kami nagkaroon ng makatuwiran at makatarungang parte sa nilikha naming yaman,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

Ayon pa sa Ibon, nasa P18.3 bilyon lang ang ipinamigay na targeted cash transfers (TCT) mula sa P37.2 bilyong nakalaang pondo para rito. Nakapamigay lang ang pamahalaan ng P2,000 para sa 9.2 milyong pamilya na dapat anila ay P3,000 para sa 12.4 milyong kabahayan.

Kinaltasan din ng P5.1 bilyon ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at P2.6 bilyon ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).

“Kahit anong bida ang gawin ng pamahalaan, na lumago ang GDP ng bansa, umabot man iyan ng 100%, kung sa aktuwal ay walang kakayahan kaming maralita na makabili ng aming pangangailangan nang hindi kami mangungutang, anong silbi ng pag-unlad na iyan?” tanong naman ni Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) Secretary General Eufemia ‘Ka Mimi’ Doringo.

Tunay na pag-unlad

“Dapat sana kung malago talaga, kahit isang beses makapasyal man lang ang pamilya mo sa mga mall makakain man lang sa labas. Ngayon, wala, nasa bahay nalang parati,” ani Pacquiao.

Para sa KMU, ang pag-unlad ay dapat Makita sa pag-abot ng sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas.

“Ang kailangan naming mga manggagawa sa ngayon. Kagyat na itaas ang sahod sa buong bansa. Dapat pantay-pantay. Kailangan ng National Minimum Wage na P1,100. Dapat ding gawing regular ang lahat ng kontraktuwal na manggagawa,” ani Adonis

Bukod pa sa ayuda, iginiit din ng Doringo na dapat magresulta ang pagunlad ng maayos at sapat na serbisyong panlipunan gaya ng sa kalusugan.

“Magkakaroon ng tunay na kaunlaran kung sa tuwing magkakasakit ay hindi kami matatakot magpa-ospital dahl sa mga bayarin,” aniya.

Sa huli, sinabi ng Ibon na magiging produktibo ang mga polisiya ng pamahalaan kung una sa lahat ay magiging tapat ito sa tunay kalagayan ng mga mahihirap at low-income na mga pinoy.

“Dapat bawasan ang paggasta at paggamit ng rekurso ng gobyerno sa mga biyahe sa ibang bansa at sa halip ay unahin ang kagyat at makabuluhang ayuda, dagdag-sahod, at suporta sa produksiyon at mga maliliit na negosyo,” sabi ng Ibon. Neil Ambion/pinoyweekly.org

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This