‘Pagod na kami’: Ligtas na balik-eskwela, hiling ng mga estudyante at guro

0
810

“Pagod na kami.”

Ganito ang saloobin ng maraming estudyante, guro, at mga magulang sa muling pagbubukas ng taong akademiko ngayong linggo. Ito na kasi ang ikalawang taon kunsaan sarado pa rin ang mga paaralan, kaya’t balik-‘distance learning set-up’ ang mga klase.

Hinaing ng mga guro at estudyante, wala pa ring kongkretong plano ang gobyerno kung paano muling bubuksan ang mga paaralan mahigit isang taon mula nang isara ang mga ito dahil sa pandemya. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa dalawa na lang na bansa sa buong mundo na wala pang takdang petsa ng pagbubukas ng mga paaralan.

Sa isang pag-aaral na ginawa ng UNICEF noong Mayo, lumalabas na tatlo sa bawat limang magulang ay nagnanais nang magbukas ang mga paaralan sa mga lugar na itinuturing na “low-risk” para sa COVID-19. Gayundin, apat sa bawat limang magulang na tinanong ay nagsasabing hindi epektibo ang “distance learning” na ipinatupad ng Department of Education para sa kanilang mga anak, kahit pa maraming oras ang kanilang ginugol para gabayan sila.

“’Yung distance learning ngayon, marami na talagang umiinda na hindi talaga siya conducive for quality education. Kasi kahit na meron kang gadgets, meron kang stable internet pero ‘yung environment mo, hindi siya conducive for learning,” ani Jandeil Roperos, pangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Dagdag ni Roperos, sadyang hindi nakatutulong sa pagkatuto ng kabataan, maging sa kanilang mental health, ang distance learning. Nadadagdagan din daw ang responsibilidad ng mga magulang na bukod sa paghahanap-buhay para makabili ng mga kagamitan ng estudyante, ay nagiging guro na rin.

“Kahit mismo ‘yung ating mga magulang, damang-dama ‘yung kahirapan ngayon sa distance learning kasi syempre, sila din ‘yung tututok ngayon sa education ng kanilang mga anak dahil nga mayroong kakulangan sa communication sa teachers and students sa set-up ngayon ng distance learning,” ani Roperos.

Dagdag pasakit

Pati ang mga guro, sadyang nahihirapan sa patong-patong na trabahong ginagampanan nila sa pagtataguyod ng “remote learning set-up.”

Ani ni Liza Idiang, Head Teacher III sa Balong-balong Elementary School sa Zamboanga del Sur, sila na mismo ang gumagastos at bumabiyahe para mag-print, magpadala, at kumuha ng mga module sa kanilang mga estudyanteng nakatira sa mga liblib na komunidad.

“Initiative na lang namin…nag-suggest ako sa mga teacher na kung maaari mag-download na lang tayo ng self-learning modules at ipi-print sa school, kung hindi sapat ‘yung school supplies na binibigay sa DepEd sa atin, sariling pera muna natin ang gagamitin while waiting for the school funds to release,” pahayag ni Idiang.

“Minsan, halimbawa ‘yung parents na matatanda na or ‘yung may mga kapansanan na parents or ‘yung nandun nakatira sa isla or sa pinakabundok, kami na lang, ang mga guro na lang ang maghahatid at magkukuha ng modules doon. Talagang exhausted na po ang mga guro,” dagdag niya.

Pinalala pa umano ng “palpak” na pandemic response ng administrasyong Duterte ang hirap na nararanasan ng mga magulang at guro para itaguyod ang distance learning.

“’Yung pinakaugat talaga kung bakit nagkakaroon ng mga epekto sa iba’t ibang sektor ay dahil sa failed pandemic response. So syempre kailangan unahin talaga yung comprehensive na tugon sa pandemic response. Dyan papasok ‘yung panawagan natin sa comprehensive testing, tracing, treatment, at kahit hindi man requisite ‘yung vaccinations sa pagbubukas ng paaralan ay dapat i-strengthen ito ng gobyerno,” ani Roperos.

Sa nagdaang mga buwan, nabuo rin ang panawagan para sa P10,000 ayuda para sa mga mag-aaral na lubhang naapektuhan sa panahon ng pandemya. Ani ni Roperos, kailangan ito ng mga estudyante para matustusan ang mga pangangailangan nila sa pag-aaral sa ilalim ng pandemya. Gayunman, wala pa ring aksyon ang gobyerno sa panawagang ito.

Ligtas na balik-eskwela: paano ba?

Paliwanag ng NUSP, hindi naman kagyat na “back-to-school” at biglaang pagbabalik sa pisikal na mga klase ang hiling ng mga estudyante. Aniya, “gradual” o unti-unti itong dapat isinasagawa para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at school personnel. Maaaring simulan ito sa mga paaralang nasa mga “low-risk” na lugar.

“Ibig sabihin, pwedeng pagsimulan dito ang face-to-face classes basta tiyakin ng government na mabibigyan nila ng assistance ang local government units at mga paaralan para ma-ensure yung minimum health protocols,” paliwanag ni Roperos.

Ang mahalaga, diin ng NUSP, ay magkaroon na ng komprehensibong plano ang gobyerno. Maaari umanong paghalawan ng aral ang ginawa ng maraming mga bansa para ligtas na muling mabuksan ang mga paaralan.

Sa Lao PDR, halimbawa, mahalagang salik sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga paaralan ang paglalagay ng sapat na water, sanitation, and hygiene (WASH) facilities sa mga paaralan. Sa kalakhan rin ng mga bansang nagbukas na ng mga eskwela, pangunahing tuntuning sinunod ang PDITR (Prevent, Detect, Isolate, Treat, and Reintegrate) strategy, na kalakip ng malakas at epektibong pandemic response ng kanilang mga pamahalaan.

Sa kasalukuyan, may 120 paaralan nang natukoy ang UNICEF at Department of Education na maaaring pagsimulan ng pilot testing ng “gradual face-to-face learning.” Mula sa pilot testing na ito, maaaring humalaw ng mga aral para sa susunod na mga hakbang. Gayunman, tikom pa rin ang bibig ng Malacañang sa panukalang ito.

Para naman sa mga guro, pangunahing salik sa matagumpay na balik-eskwela ang paglalaan ng sapat na pondo para sa pagpapatakbo ng mga paaralan, kabilang na ang dagdag na sahod at benepisyo para sa mga gurong nadagdagan ang mga tungkulin sa pagtuturo ngayong panahon ng pandemya.

“Unang-una, hinihiling namin sa gobyernong Duterte na maglaan siya ng sapat na budget para sa hardship or hazard pay ng mga guro na gumagawa ng extra effort para maihatid ang tama, sapat, at dekalidad na edukasyon sa kabataan. Pangalawa, i-approve niya ang panawagang P1,500 Internet allowance sa mga guro at magbigay siya ng Internet connectivity sa bawat paaralan nang sa gayon, may matiwasay at magandang online distribution and submission of report. At panghuli, sana bigyan niya ng pansin ang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga guro, mag-aaral, at kabataan sa ngayon na school year 2021-2022,” diin ni Idiang.

 

Dagdag na ulat ni Marjohara Tucay

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.