Pagtambak ng US ng basura sa Subic, pinapaimbestigahan
July 3, 2026

Nina Ronald Sayson at Ayesha Tale

“Nakikita natin ito bilang sovereignty issue, environmental issue, na dapat po kagyat na i-address sa isang imbestigasyon.”

Ito ang panawagan ni Atty. Renee Co, Kabataan Partylist representative, at ng mga grupong makakalikasan matapos ihain ng Makabayan Bloc noong Hunyo 29 ang House Resolution 1164 na humihiling ng imbestigasyon sa pagpasok sa Subic Bay Freeport Zone ng 234 containers ng pinaghihinalaang hazardous electronic waste (e-waste) at isang container ng plastic waste mula sa United States (US)

Bunga ito ng imbestigasyon ng Operation Can Opener (OCO), isang monitoring campaign ng global waste trade watchdog na Basel Action Network (BAN), na nagsimula noong Marso 2025. Natukoy ng BAN ang 234 containers ng pinaghihinalaang e-waste at isang container ng plastic waste na ipinadala sa Pilipinas. 

Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), “recyclable” naman daw ang mga inangkat na materyales. 

Pero iginiit ng mga grupong makakalikasan, posibleng nilalabag ng naturang mga operasyon ang Republic Act No. 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990. Sa batas na ito, ipinagbabawal ang pagpasok, transit, at pagtapon ng hazardous at nuclear waste sa teritoryo ng Pilipinas, anuman ang layunin nito.

Mahigpit na pagpapatupad

Nananawagan ang mga grupo ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at pananagutin ang lahat ng sangkot sa umano’y ilegal na pagpasok ng hazardous waste.

Binuo ang alyansa ng Ban Toxics, Basel Action Network (BAN), Global Alliance for Incinerator Alternatives Asia Pacific (GAIA Asia Pacific), Break Free From Plastic–Asia Pacific, Kalikasan People’s Network for the Environment, Greenpeace Philippines, EcoWaste Coalition, Center for Environmental Concern-Philippines, Pangasinan People’s Strike for the Environment, Central Luzon Environmental Action Network, at Kabataan Party-list. 

Sa isang press conference noong Hunyo 25, sinabi ng BAN Toxics na naglalaman ang naturang mga container ng mga sirang laptop, mobile phone, at iba pang electronic appliances na may nakalalasong kemikal at heavy metals gaya ng lead at mercury. 

Posible umanong magdulot ng panganib sa kalikasan at kalusugan ang mga ito kapag hindi maayos ang paghawak at pagproseso.

Ipinaliwanag ni Thony Dizon, advocacy officer ng BAN Toxics, na direktang naaapektuhan ang kalusugan ng mga residenteng nakatira malapit sa mga tambakan at maging ng mga manggagawang humahawak sa e-waste.

Kasama rin sa maaaring maapektuhan ang informal waste workers na kadalasang walang sapat na kagamitan at kaalaman upang maprotektahan ang kanilang sarili.

“Kadalasan ’pag pumunta ’yan sa center, ordinaryong gamot lang din ang ibibigay. ’Yung ordinaryong mga mamamayan, hindi ’yan kayang pumunta sa ospital, magpa-test ng ganoon at may pambayad sila ng ganito kahalaga,” ani Dizon.

Aniya, hindi abot-kaya para sa maraming mahihirap ang mga blood test na kinakailangan upang matukoy kung kontaminado na ang kanilang dugo ng heavy metals tulad ng lead at mercury.

Posibleng mangyari sa ibang lugar

Nagbabala rin si Eco Dangla, miyembro ng Central Luzon Environment Action Network, na kung hindi ito agad maaaksiyunan, hindi lang Central Luzon kundi iba pang bahagi ng bansa ang posibleng tambakan ng e-waste.

Bukod sa paglabag sa Republic Act No. 6969, sinabi ng mga grupo din ng alyansa na labag sa Basel Convention ang mga pagpasok ng e-waste.

Basel Convention ang pandaigdigang kasunduan na nilagnaan ng Pilipinas na naglalayong kontrolin at pigilan ang paglipat ng hazardous waste mula sa mayayamang bansa patungo sa umuuunlad na mga bansa.

Pero hindi lang iyan ang basurang pinapasok sa Pilipinas, ayon kay Cathleen De Guzman, pambansang tagapag-ugnay sa Kalikasan People’s Network for the Environment. 

“Ang pinakamalalang basura sa pilipinas ngayon ay isang gobyernong nagsusuko sa karapatan, kalikasan at soberanya ng mga mamamayang Pilipino. The exposé of evidence showing the vast-way import of e-waste cannot deny this,” sabi pa ni de Guzman.

Kinondena rin ng mga makakalikasan ang pagbibigay ng mga exemption na umano’y nagiging daan upang makalusot ang ilang shipment ng e-waste sa kabila ng umiiral na mga regulasyon. 

Sinabi naman ni Kabataan Rep. Renee Co na labag ang mga pagpasok na ito sa soberanya ng Pilipinas.

 “Hindi lang recyclers ang bansang Pilipinas. May soberanya tayo at hindi puwedeng ikutan ito ng isang batas o ng iba’t ibang imports para simpleng gawin basurahan ang Pilipinas ng buong mundo,” ani Co.

Kaugnay ng Pax Silica

Dagdag pa ni de Guzman, magkaugnay ang pagpasok ng nakakalasong basura sa Subic at pagpapalawak ng mga proyekto sa ilalim ng “Pax Silica.”

Ang Pax Silica ay isang kasunduang pinangunahan ng US para patatagin ang diumano’y supply chain technology at Artificial Intelligence (AI) sa pamamagitan ng paggawa ng mga semiconductors at silicon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kasama ang Pilipinas.  

Tutol ang maraming makakalikasan at grupong makabayan sa Pax Silica. Pagpapaigting umano ito ng panghihimasok ng US sa bansa, at mapanganib sa kalikasan, kabuhayan at soberanya ng Pilipinas. 

“Ipinapakita (ng pagpasok ng basura sa Subic at ng Pax Silica) ang iisang pattern ng imperyalistang panghihimasok ng US na pinahihintulutan ng isang pamahalaan na handang isuko ang ating soberanya,” sabi ni De Guzman..

Ayon pa sa kanya, lalong ibinubukas ng administrasyong Marcos ang mga lupain ng Pilipinas para sa  pagsasamantala sa likas-yaman nito, habang ginagawang lunsaran uman ang mga teritoryo ng bansa para sa militarisasyon ng Asya Pasipiko.

Sa House Resolution 1164 ng Makabayan Bloc, layunin nilang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot, at mas mapairal and batas upang makabuo ng mga karagdagang imbestigasyon na tuluyang mapigilan ang ilegal na pagpasok ng hazardous waste sa bansa. 

Kasabay nito, nananawagan sa administrasyong Marcos ang mga grupong makakalikasan na tiyaking di magiging tambakan ng mapanganib na basura ang Pilipinas at maprotektahan ang kalusugan at kapaligiran ng mga Pilipino.#

Read more

Mga tsuper ng jeep sa Katipunan, nanganganib mapaalis

Mga tsuper ng jeep sa Katipunan, nanganganib mapaalis

Nina Moi Balisacan and Jahzeel Sarino Umaalma ang mga tsuper ng jeepney sa Katipunan Jeepney Terminal sa nakaambang pagpapaalis sa kanilang terminal. Bibigyang-daan ang itatayong parke sa ilalim ng Urban Regreening and Renewal Program ng Metropolitan Manila...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This