‘Pakitang-tao’ ang 60-day rice import suspension, dapat ibasura ang Rice Liberalization Law -KMP
August 6, 2025

Binatikos ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng 60-araw na suspensyon ng rice imports simula Setyembre 1.

Ayon sa grupo, desperadong hakbang ito para pagtakpan ang lumalalang krisis sa bigas na dulot umano ng kanyang mga patakaran, lalo na ang pagpapatupad ng Rice Liberalization Law (RLL) o Republic Act 11203.

“Pakitang-tao lang ang 60-day rice import ban. Habang pinapaniwala ang taumbayan na may ginagawa para sa mga magsasaka, nananatiling umiiral ang Rice Liberalization Law–ang isa sa ugat ng pagbagsak ng kita ng mga magbubukid at pagtaas ng presyo ng bigas. Dapat na itong ibasura,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Giit ng grupo, hindi malulutas ng pansamantalang suspensyon ang mga ugat ng krisis sa bigas. Ipinunto nito ang pagbaba ng lokal na produksyon, pagbagsak ng farmgate prices, at ang pagkalugi ng mga magsasaka. Ibinunyag din ng KMP na ang iilang importer at trader ang umano’y may monopolyo sa suplay at presyo ng bigas.

“Nakatali ang lokal na industriya ng bigas sa leeg ng mga dayuhang bangko at rice cartel,” ayon sa magsasakang si Ronnie Manalo, pangkalahatang-kalihim ng KMP. Dagdag niya, ang rice import suspension ay “parang band-aid sa malaki at malalim na sugat na dulot ng mismong rice liberalization law na nagpabaha ng imported na bigas sa lokal na merkado.”

Samantala, inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang suspensyon ng rice imports at pagtaas ng taripa upang protektahan ang mga lokal na magsasaka, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez. 

Target ng ahensya na itaas ang taripa sa imported rice sa hindi bababa sa 25 porsyento mula sa kasalukuyang 15 porsyento.

“Ang Department of Agriculture ay nagrerekomenda ng pagtaas ng taripa sa imported rice at pansamantalang pagpapatigil ng importasyon para protektahan ang mga lokal na magsasaka,” ani Gomez. Idinagdag niyang tatalakayin ng gabinete ang panukala kasama si Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa India.

Ayon sa DA, bahagi ito ng plano ng administrasyon na ibalik ang orihinal na 35 porsyentong taripa matapos ang isang taon ng pagbaba ng taripa na ipinatupad upang maibsan ang mataas na presyo ng bigas sa merkado.

Batay sa pananaliksik ng KMP hinggil sa anim na taon ng implementasyon ng RLL:

  • Bumaba ng 200,000 ektarya ang sakahan ng palay mula 2018 sa kabila ng bilyong pisong pondo.
  • Nabawasan ang kita ng magsasaka ng halos P6,268 kada ektarya habang tumaas ang presyo ng bigas ng 17%.
  • Lalong lumakas ang kontrol ng rice traders sa suplay at presyo habang halos walang kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na makialam.
  • Dumoble ang importasyon habang kumonti ang bilang ng importers, pabor sa malalaking korporasyon.
  • Umakyat sa 23% ang rice import dependency mula 14% noong 2018.
  • Nagsara ang humigit-kumulang 6,000 rice mills at 1,040 barangay ang nawalan ng rice o corn mills mula 2012 hanggang 2022.

Idinagdag ng KMP na mahigit P133 bilyon sa nakolektang taripa mula sa imported rice mula 2019 hanggang 2024 ang “hindi napakinabangan ng mga magsasaka.” 

Sa halip, nauwi umano ito sa “korapsyon, lump-sum funds, at dagdag na utang,” kabilang ang target na $1-bilyong loan mula sa World Bank.

“Ang tunay na krisis sa bigas ay bunga ng malapyudal na krisis sa agrikultura. Patuloy na winawasak ang kabuhayan ng magsasaka habang pinapalobo ang kita ng mga komprador, rice cartel, at mga dayuhang tagapangutang. Kulang ang 60 days import suspension, dapat na talagang ibasura ang mismong Rice Liberalization Law,” dagdag ni Ramos.

Nanawagan ang KMP sa pamahalaan na ibasura ang RLL at ibalik ang kapangyarihan ng NFA. Hiniling din nito ang pagpasa ng Rice Industry Development Act (RIDA) at Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

“Ang walang tigil na krisis sa bigas ay krisis ng bulok na sistema. Walang aasahang solusyon sa gobyernong nagpapayaman sa mga negosyante at dayuhan habang ginugutom ang sariling magsasaka at mamamayan,” pahayag ng KMP.

Read more

Solons reject impeachment raps against Marcos Jr.

Solons reject impeachment raps against Marcos Jr.

By Raymund B. Villanueva Kodao Productions MANILA – Ferdinand Marcos Jr. dodged the impeachment bullet as a congressional committee overwhelmingly voted to declare the two complaints against him as “insufficient in substance.” Voting 42 in favor of the motion of...

Walang kukurap sa laban kontra-korap 

Walang kukurap sa laban kontra-korap 

Ni M.A. ABRILPinoy Weekly Mahiya naman kayo!” patama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address sa mga opisyal ng gobyerno at kontratistang sangkot sa mga maanomalyang flood control project. Sinundan ito ng hiyawan. Hindi raw...

Kaso vs 7 inaresto sa Dupax del Norte, ibinasura

Kaso vs 7 inaresto sa Dupax del Norte, ibinasura

Ni CHARLES EDMON PEREZPinoyweekly.org Ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 30 sa Bambang, Nueva Vizcaya ang mga kasong resistance and disobedience against persons in authority at obstruction of justice laban sa pitong dinampot ng pulisya noong Ene. 23 sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This