Pambansang minimum na sahod, karapatan ng lahat ng manggagawa

0
347

Ipinaglalaban ng ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Federation of Free Workers (FFW) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), pinakamalalaking sentro ng paggawa sa bansa, ang pagtatakda ng gobyerno ng pambansang minimum na sahod o National Minimum Wage (NMW) para sa lahat ng manggagawa.  Kaakibat nito na pakikipaglaban para gawing regular ang lahat ng mga kontraktuwal at pagkilala sa karapatan na mag-unyon, sa collective bargaining at sama-samang pagkilos.

Bagamat kinikilala ito ng International Labor Organization (ILO), ayaw naman itong kilalanin ng gobyerno ng Pilipinas.

Lumabas sa pag-aaral ng Ibon Foundation (Ibon) nitong Oktubre 2022 na kailangan ng isang lima-kataong pamilya ang P1,133 kada araw para mabuhay.

Wala pa sa kalahati nito ang P570 na minimum wage sa National Capital Region, pinakamataas na sa mahigit 1,000 antas ng pasahod sa buong bansa.

Pundamental na karapatan ng lahat ng tao ang mabuhay, saan mang bansa, rehiyon o probinsya sila nakatira.

Pare-parehong isinilang na hubad ang mga tao. Pero sa lipunang nahahati sa mga mayroon at wala, ang mga wala ay napipilitang magtrabaho para sa mga mayroon.  Sa sistemang sahuran, na likas sa sistemang kapitalista, walang kagamitan sa produksyon ang manggagawa liban sa kanyang lakas-paggawa.  Pribadong pag-aari ng kapitalista ang mga kagamitan at kinakamal nito ang lahat ng produktong likha ng paggawa.  Kung walang paggawa, walang malilikhang produkto, walang mapapaikot na puhunan, walang makakamal na tubo ang kapitalista.  Ang kapital mismo ay mula sa paggawa ng manggagawa.

Kapag tumigil sa trabaho ang mga manggagawa, hihinto ang mundo. Pero bakit kung sino pa ang gumagawa at nagbabanat ng buto, sila pa ang walang-wala?

Empleyo at sahod 

Nasa 76.83 milyon ang populasyon ng Pilipinas na 15-anyos pataas. Ang ibinilang lang sa labor force ay 52.48 milyon (30.4 milyon na kalalakihan at 22.2 milyon na kababaihan). May 24 milyon agad ang hindi nabibilang sa labor force. Sa bilang ng gobyerno, nasa 2.5 milyon ang walang trabaho at 7.3 milyon ang kulang sa trabaho.

Sinasabi sa Labor Force Survey ng gobyerno na 95 porsiyento ng mga makapagtatrabaho sa Pilipinas ang may trabaho nitong Setyembre 2022. Umaabot sa 47.58 milyon daw ito – 10.7 milyon sa agrikultura, 8.8 milyon sa industriya at 28 milyon sa serbisyo.  Kalakhan ay nagtatrabaho nang 40 oras o higit pa kada linggo.

Nasa tinaguriang  fulltime employment (40 oras o higit pa) ang 3.3 milyon sa agrikultura, 6.7 milyon sa industriya at 20.7 milyon sa serbisyo. Sa bilang ng gobyerno, halos 30 milyon ang sahuran.

Sinasalamin nito ang pagiging atrasado ng bansa. Bumabagsak ang agrikultura at industriya. Lumiit pa ang mga sektor na ito sa nakaraang mga dekada dahil sa ipinatupad na mga patakarang neoliberal sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Marami ang walang trabaho, lumalala ang disempleyo, ang kawalan at kakulangan ng trabaho. Lalo itong nagpapaliit sa pasahod at nagpapalaki sa dambuhalang tubo ng mga dayuhan at malalaking kapitalista.

Ang binabayaran ng kapitalista ay hindi ang paggawa kundi ang lakas-paggawa.  Sa proseso ng produksiyon, nakakalikha ang manggagawa ng halaga na mas malaki pa kaysa ipinapasahod sa kanya.  Ang labis na halaga na ito ang kinukuha ng kapitalista.  Dito nanggagaling ang tubo ng namuhunan, dibidendo sa mga may sapi sa kompanya, ang ibabayad na renta sa may-ari ng lupa, ang pambayad ng utang at interes sa bangko, ang hati ng nagtitinda o komersiyal na kapitalista, at ang buwis sa gobyerno.

Binabarat ang sahod sa Pilipinas para ibenta sa mga dayuhang kapitalista.  Pinapalaganap ang kontraktuwalisasyon para paliitin ang sahod at mga benepisyo. Ginigipit ang mga unyon at pagkilos ng manggagawa para itatag umano ang industrial peace ng mga namumuhunan.

Tubo sa barat na sahod

Ang minimum na sahod sa US ay $7.25 kada oras o $58 sa 8-oras na paggawa.  Katumbas ito ng P3,364/araw (sa palitang P58:$1).

Kahit itaas pa sa P1,100 ang arawang sahod sa buong bansa sa Pilipinas, halos sangkatlo (?) lamang ito ng minimum na sahod sa US.

Bilang halimbawa, umabot sa P4.75 bilyon ang pamumuhunan ng Coca-Cola Beverages Philippines Inc. (CCBPI), dating CocaCola FEMSA Philippines, noong 2020. Lumaki ito nang 30 porsyento sa pagtatayo ng mga planta sa  Davao del Sur, Misamis Oriental, at Zamboanga sa Mindanao. Nagdagdag pa ito ng P3.06 bilyon sa pagtatayo ng mga bagong linya sa Sta. Rosa at Canlubang sa Laguna. Nagtayo rin ito ng bottle-to-bottle recycling sa General Trias, Cavite.

Sa US, sinasabi ng Coca-Cola na ang pasahod sa isang warehouse worker ay $18/hour o $144/araw (sa walong oras na paggawa). Sa Pilipinas, ang P570 na minimum sa NCR ay $9.83/araw lamang.  Ang P351 na minimum sa Zamboanga (Region 9) ay katumbas lamang ng $6/araw.

Samantala, ang arawang minimum wage sa Indonesia ay umaabot sa $10, sa Malaysia $11.16, sa China $12.50, sa Taiwan $27.65, sa Hong Kong $38.23 (datos mula sa NWPC, DOLE, Comparative Wages in Selected Countries, August 2022).

Mahigit 100 taon na sa Pilipinas ang Coca-Cola. Mayroon itong 19 planta at mahigit 50  distribution centers sa bansa. Nagtatrabaho dito ang may 9,700 na manggagawa at empleyado. Sa nakaraang mga taon, problema rito ang malawakang kontraktuwalisasyon, di-pagpapatupad ng wage orders, violation sa Collective Bargaining Agreement (CBA), tanggalan sa trabaho, at mga pag-aresto sa mga unyonista.

Matapos lumabas sa kanilang mga opisina, naglunsad ng maikling protesta ang mga kawani sa Elliptical Road, Quezon City. Darius Galang

Protesta ng mga kawani para sa pambansang minimum na sahod. File Photo / Darius Galang

May 900 na planta at mahigit 700,000 empleyado sa buong mundo ang Coca-Cola. Nakakabenta ito ng halos 2 bilyong bote ng Coke kada araw at kumita ng $38.65 bilyon noong nakaraang taon.

Paglaban para itaas ang sahod

Naitataas ang sahod sa pamamagitan lang ng sama-samang pagkilos ng manggagawa. Hindi kusang ibibigay ng kapitalista o ng gobyerno ang pagtaas ng sahod.

Nagagawa ito sa lokal na antas sa pamamagitan ng CBA, sa mga rehiyon sa pagpetisyon sa mga wage board, at sa pambansang antas sa loob at labas ng Kongreso. Nakakatulong din ang internasyunal na pagkakaisa ng mga manggagawa.

Kailangan ang pagpapalawak at pagpapalakas ng mga unyon. Kahit ang mga kontraktuwal ay kailangang magtipon sa mga samahan at kumilos nang nagkakaisa.

Wastong nagkaisa ang mga labor centers at mga unyon sa panawagang itaas ang sahod. Makatwiran lamang at makatarungan na magkaroon ng pambansang minimum na sahod na nakabatay sa family living wage. Nakikiisa rin dito ang mga kawani sa pampublikong sektor o mga empleyado ng gobyerno. Umaani ito ng suporta ng iba pang anakpawis at malawak na mamamayan.

Sa huli, nasa kamay ng mga manggagawa at iba pang maralita na igiit ang karapatan na mabuhay, ang karapatan sa nakabubuhay na sahod. Tam Ysmael/pinoyweekly.org

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.