Pambubudol at Pambubusabos: Ang unang taon ni Marcos Jr.
July 26, 2023

Hinimay ng Pinoy Weekly ang mga susing usapin at patakaran sa unang taon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kapansin-pansin ang kawalan ng makabuluhang plano ng administrasyon sa pagtugon sa mga pangunahing usapin na kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Lalo pa nitong nilagay sa peligro ang taumbayan habang ipinagsasawalang-bahala ang mga panawagan sa gitna ng matinding krisis.

Sa kabilang banda, kapuna-puna namang ang ibinubuladas na “unity” ni Marcos Jr. ay para lang sa mga alyado at kasosyo ng administrasyon na madalas makikita rin kasama niya sa maramihang lakwatsa sa ibang bansa. Nagkakaisa sila sa pagdomina sa mga susing puwesto  sa pamahalaan at pagpapatupad ng mga patakarang pabor sa kanilang interes. 

Ginugol din ni Marcos Jr. ang kanyang unang taon sa poder para sa paglinis at pagbangon ng kanilang pamilya mula sa kangkungan ng kasaysayan.

***

Paglago ng GDP, hindi ramdam ng mga Pinoy

nina Regelle Reyes at Jamie Mikaella Vargas
Protesta sa unang taon ni Marcos Jr.

Kahit nakapapagtala ng pag-unlad ng gross domestic product (GDP), 51% ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing mahirap sila.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Mayo, 6.4% ang inilago ng GDP sa unang quarter ng taon, pasok sa target ng gobyerno na 6-7%.

Subalit, nilinaw ng PSA na hindi pa tuluyang nakakabangon ang ekonomiya. 

Walang signipikanteng epekto sa pamumuhay ng mga Pilipino ang ibinabandilang pagrekober na ito. Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS) noong Marso, tinatayang 14 milyong pamilya ang nagsasabing mahirap sila. 

Nagtaasan din ang presyo ng mga bilihin, serbisyo at produktong petrolyo, gayundin ang bayarin sa kuryente. Kasabay nito ang pag-akyat ng inflation rate nitong pagbubukas ng 2023 sa 8.7% na pinakamataas mula noong 2008.

May kaunting paghupa man ng inflation, hindi pa rin ito ramdam pagkat nananatiling mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Imbis na mas mapagaan ang sitwasyon, nais pa ni Marcos Jr. na paliwigin ang importasyon na magpapalala ng lokal na produksiyon sa bansa.

Noong Setyembre 2022, sinimulan ni Marcos Jr. ang kaniyang mga state visit upang magengganyo ng investment pledges mula sa iba’t ibang bansa. 

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), inaasahang $88 million o P4.7 bilyon ang magagamit para sa taong ito. 

Tinatayang 0.59% lang ang mapapakinabangan kumpara sa P800 bilyon na kabuuang nalikom ni Marcos Jr. mula sa kanyang foreign trips.

Sa kabila ng mga ito, ipinakita ng Finance Secretary Benjamin Diokno ang pagsuporta sa pagpasa sa senado ng Maharlika Investment Fund (MIF), kung saan inaasahan na makabubuo ito ng mas malaking kita, ngunit tutol ang maraming eksperto sa nasabing panukala dahil bulnerable ito sa korupsiyon.

Binansagang “fundamentally flawed” ng Foundation for Economic Freedom, Management Association of the Philippines at UP School of Economics Alumni Association ang MIF ayon sa kanilang joint statement noong Pebrero.

Pumapalo na rin sa trilyon ang taunang budget deficit ng gobyerno. Tinatayang magiging P1.7 trilyon o 13% na mas mataas ang deficit ngayong taon.

Kasabay din nito ang naitalang P14.1 trilyon na outstanding debt ng pamahalaan ayon sa datos ng Bureau of the Treasury, mas mataas ng 1.3% kaysa sa nakaraang buwan.

Sa ganitong kalagayan ng ekonomiya at kulang ang kinikita ng pamahalaan, isinusugal ng rehimen ang pondo ng mamamayan sa iskemang alanganin at bulnerable sa pandarambong.

Dagdag-sahod, kontraktuwalisasyon, patuloy na daing ng manggagawa

ni Mikaela Calixto

Patuloy ang panawagang dagdag-sahod ng manggagawang Pilipino dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kahit na bumagal na sa 5.4% ang inflation rate nitong Hunyo, hindi pa rin ito ramdam ng karaniwang Pilipino.

“Tinipid at binarat” ang paglalarawan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa P40 dagdag-sahod na inaprubahan sa National Capital Region (NCR) kamakailan. Mula P570, magiging P610 na ang minimum na sahod sa pribadong sektor sa rehiyon. Ngunit giit ng mga manggagawa, kulang na kulang pa rin ito.

Ayon sa Ibon Foundation, 49.1% lamang ng family living wage sa halagang P1,160 ang P610 daily minimum wage sa NCR.

Sunod-sunod din ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

Nagprotesta ang mga manggagawa ng Universal Robina Corporation sa Department of Labor and Employment (Dole) noong Pebrero sa Mandaue City, Cebu dahil sa iligal na tanggalan ng kompanya.

Napagtagumpayan naman ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) ang kanilang panawagan na ibalik ang mga 140 manggagagawang arbitraryong tinanggal ng Wyeth-Nestlé.

Nariyan din ang union busting, harassment, red-tagging, pag-aresto at pamamaslang sa mga lider-unyon at manggagawa.

Nitong Enero, inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang High-Level Tripartite Mission (HLTM) para imbestigahan ang mga paglabag.

Kabilang sa mga kasong binigyang pansin ay ang pagpaslang sa lider-manggagawang si Manny Asuncion, noong “Bloody Sunday massacre” noong Marso 7, 2021. Pinagbabaril naman sa Laguna si Dandy Miguel, pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric Philippines (LMNFEP-OLALIA-KMU) noong Marso 28, 2021.

Nakapagtala ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ng mahigit 30 unyon na biktima ng red-tagging, harassment at sapilitang pagpapatiwalag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

“Mali at hindi kailanman makatuwiran ang polisiya ng gobyerno na tahasan at arbitraryong iugnay ang kilusang paggawa sa insurhensiya sa bansa na labis na nakaapekto sa malayang pag-ehersisyo at pagtamasa ng mga manggagawa sa kanilang karapatang mag-organisa,” ani Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Elmer Labog.

Mula sa rekomendasyon ng HLTM, bumuo ang gobyerno ng presidential commission sa bisa ng Executive Order (EO) 23 para resolbahin ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa. Ngunit kapansin-pansin na walang kinatawan sa komisyon ang mismong mga manggagawa.

Bilang ng political prisoners, pagpatay patuloy sa pagtaas

ni Victor Batongbakal

Pumalo na sa 778 ang bilang ng political prisoners sa bansa nitong Hunyo, 49 dito ang inaresto sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Ayon sa Human Rights Foundation (HRF), simula nang naisabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020 at pagkakatatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), naging mas madali sa estado ang red-tagging o basta-bastang pagbabansag na komunista at terorista para patahimikin ang mga kritiko.

Sa tala ng Communist Party of the Philippines (CPP), 97 na sibilyan ang pinaslang ng armadong pwersa ng estado sa unang taon ni Marcos Jr.

Patunay din ang sunod-sunod na kaso ng pagkawala ng mga aktibista sa kakulangan ng proteksiyon ng pamahalaan sa mamamayan nito na ikinababahala ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Anila, umabot sa 21 ang kaso ng pagdukot sa mga progresibong indibidwal na pinaniniwalaang dumaan sa iba’t ibang klase ng pang-aabuso mula nang maupo sa puwesto si Marcos Jr.

Ilan sa mga biktima ay sina Dexter Capuyan at Bazoo De Jesus na pinaniniwalaang dinukot ng mga nagpakilalang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group sa Taytay, Rizal noong Abril 28.

Bagaman sinabi ni Justice Secretary Boying Remulla sa Universal Periodic Review (UPR) na malaya ang human right defenders na magpahayag, iginiit ni Xandra Bisenio, anak ng political prisoner na si Rey Casambre, na wala itong katotohanan.

Kaugnay ng lumalalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao, kinakasangkapan ng administrasyon ang Anti-Terror Law laban sa oposisyon. 

Nauna nang nasampolan nito ang 12 human rights defender na nakararanas ng mas matagal na pagkakakulong kumpara sa may kaso ng rebelyon.

Nakababahala rin ang sunod-sunod na aerial bombings at pagsasagawa ng focused-military operation (FMO) sa mga komunidad na nagreresulta ng pisikal at ekonomikal na paglisan ng mga sibilyan.

Saksi ang halos 15,000 residente ng Himamaylan City sa Negros Occidental sa mga hindi makatarungang pambobomba at pag-atake ng Philippine Army 94th Infantry Batallion. Ganoon din ang higit 100 pamilya sa mga lalawigan ng Kalinga at Cagayan.

Sa kasalukuyan, walang konkretong aksiyon ang kasalukuyang administrasyon na magbibigay hustisya sa 6,252 na biktima ng madugong programang sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte—ang Oplan Tokhang.

Sa pagtungtong ng isang taon ni Marcos Jr., hinatulan at binigyan ng bagsak na marka ni Karapatan secretary general Cristina Palabay ang pamamalakad niya pagdating sa pagprotekta sa karapatang pantao.

“Halos hindi namin mapag-iba ‘yong mukha niya [Marcos Jr.] at mukha ni President Duterte,” ani Palabay.

Samantala, pinayagan man ng International Criminal Court (ICC) noong Enero ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng malagim na war on drugs ayon sa hiling ng tagausig, ikinagalit at hindi pa rin ito nakalusot kay Marcos Jr.

“There are many questions about their jurisdiction and what we in the Philippines regard as an intrusion into our internal matters and a threat to our sovereignty,” pahayag ni Marcos Jr.

Pekeng pagkakaisa, nepotismo sa unang taon ni Marcos Jr.

ni Imee Gatchalian

Bitbit ng mga alyado at propagandista ng gobyerno ang mensahe ng pagkakaisa o unity noong kampanya, ngunit makikita ngayon ang lamat nito.

Noong Mayo 2023, tumampok ang naging iringan nina Bise Presidente Sara Duterte, Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at House Speaker Martin Romualdez sa Kamara.

Wala pa ring permanenteng kalihim sa Department of Agriculture (DA) at kamakailan lamang nagtalaga ng hepe sa Department of Health (DOH) habang nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.

Agawan ng posisyon at kapangyarihan, pagtatalaga sa mga personaheng may kuwestiyonableng kredibilidad sa gabinete at mga bilyonaryo’t negosyante ang malalapit sa kusina ng Malacañang ayon sa Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (Contend).

“Atat na atat siyang mag-appoint ng mga kagaya ng recycled na si Gibo Teodoro, a losing senatorial candidate na dati ng DND (Department of National Defense) Secretary reprising his role sa current administration ng ating kasalukuyang pangulo, obviously, the Gloria Arroyo influence remains there,” ani Rain Sindayen ng Contend.

Walang balak si Teodoro na bumalik sa peace talks sa National Democratic Front of the Philippines at paiigtingin pa ang pagpuksa sa New People’s Army.

Nitong Hunyo 26, ianunsyo rin ni Marcos Jr. si Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation na ikinabigla ng publiko.

Dagdag din ni Sindayen na “patronage over competence” ang diskarte ni Marcos sa pagpili ng opisyal.

Nagkalat din ang mga kamag-anak ng pamilyang Marcos sa mga posisyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, Senado at Kamara.

Nagpapakita lamang ito na itinuturing niya ang gobyerno bilang isang negosyong pinamamahalaan ng mga kanyang mga kamag-anak at kaalyado na maihahalintulad sa pamumuno ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Kabi-kabilang biyahe sa ibang bansa at mga magagarbong party ang hindi makakalimutan sa kanyang unang taon.

Patrimonyang inilako, soberanyang isinuko

ni Dustin James Bayog

Isinuko na ‘di umano ng administrasyong Marcos Jr. ang soberanya ng bansa sa mga dayuhan.

Banggit ni Jon Bonifacio ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE)) na isang “large-scale surrender” sa pambansang soberanya ang masyado nitong pagkiling sa bansang United States (US) at China.

Kabilang dito ang pag-apruba ng dagdag na mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca) site na magiging permanenteng base ng mga tropang Amerikano.

Nadagdagan pa ng apat ang limang Edca site ng mga Amerikanong sundalo sa Zambales, Cagayan, Isabela at Palawan na malapit sa China at Taiwan na maaaring magpataas ng tensyon sa rehiyon para mag-udyok ng giyera.

Nariyan din ang banta ng mga paglabag sa mga karapatan ng mamamayan sa paligid ng mga Edca site na talamak noong panahon ng mga base militar sa Clark at Subic.

Sa unang taon din ni Marcos Jr. isinagawa ang pinakamalaking Balikatan joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at US na nilahukan ng 5,400 na sundalong Pilipino at 12,200 na sundalong Amerikano.

Ayon kay Professor Roland Simbulan, ginagamit lamang ng US ang mga Edca site upang hadlangan ang China. 

Hindi naman naniniwala ang grupo ng mga mangingisda na tutulong ang US sa tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Pamalakaya spokesperson Ronnel Arambulo, magiging dahilan lamang ito ng provocation sa China na ikadadamay ng maraming mangingisda.

Mula Abril 18-24 ngayong taon, mahigit 100 Chinese vessels ang namataan ng Philippine Coast Guard na pumapatrolya sa karagatan ng Tizzard Bank; Escoda at Ayungin Shoal; Del Pilar at Julian Felipe Reef; at Lawak, Parola, Patag, Likas at Pag-asa Island.

Hirap pa rin ang mga mangingisda sa Pag-asa Island sa Palawan na makapangisda dahil sa presensya ng Chinese Coast Guard.

“Gusto rin sana naming pumunta sa ibang lugar, sa ibang isla, hindi na rin makapunta kasi hinaharang nila,” banggit ng mangingisdang si Felix Ulson.

Delubyo sa kalikasan at mamamayan

ni Exequiel Agulto

”Delubyo” ang hatol ng mga tanggol kalikasan kay Marcos Jr. sa isang taong niyang panunugkulan.

Ayon sa Kalikasan PNE, sa halip na solusyon, negosyo at pagpapatuloy ng mga mapanirang proyekto ang inuuna ng pangulo.

Patunay dito ang pagpayag ng administrasyon sa mga mapangwasak na minahan para umano sumigla ang ekonomiya dahil sa mataas na halaga ng metal.

Dagdag pa ng grupo, apektado na nito ang Sibuyan Island sa Romblon, Tampakan sa South Cotabato at Brooke’s Point sa Palawan.

Salungat man sa interes ng mga katutubo, patuloy ang pag-agaw sa kanilang mga lupang ninuno para gawing dam, tulad ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam sa Rizal, Gened Dam sa Apayao at Jalaur High Dam sa Iloilo.

Bukod pa rito, itinatayo rin ang Ahunan at Belisama Hydropower Projects sa bayan ng Pakil, Laguna, taliwas man sa tasa ng Project Nationwide Operational Assessment of Hazards (Project Noah) na mataas ang banta ng pagguho ng lupa na maglalagay sa mga taga-Pakil sa tiyak na kapahamakan.

Noong Pebrero 28 naman, naitala ang isa sa pinakamapaminsalang oil spill sa kasaysayan ng bansa nang tumagas ang langis ng barkong MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.

Patuloy nitong pineperhuwisyo ang mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas partikular sa agrikultura at pangisdaan na sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P5 bilyon na ang pinsala noong Hulyo 3.

Para sa Kalikasan PNE, pabaya ang administrasyon dahil sa kabila ng oil spill, usad-pagong ang reporma sa mga polisiyang magpoprotekta sa mga mayayaman at anyong tubig.

Niraratsada rin ng rehimen ang mga reklamasyon o pagtambak ng lupa sa dagat upang gamitin sa negosyo ngunit maghahatid ng pagkasira sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Sa tala ng People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems (People’s NICHE), nasa 27,000 ektarya o halos sinlaki ng dalawang Quezon City ng karagatan ang winawasak dahil sa 53 proyektong reklamasyon.

“Winawasak din ng reklamasyon ang mga [mudflat] at iba pang ecosystem at organismong tumutulong sa climate change mitigation,” ani Kalikasan PNE national coordinator Jon Bonifacio.

Tulong sa masa, pinagdamot dahil sa ‘nakabangong’ ekonomiya

ni Andrei Cabalona

Ang pagbangon umano ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa COVID-19 ang dahilan ng economic managers ni Marcos Jr. para isnabin ang maraming serbisyong panlipunan.

Malaki ang tapyas sa ayuda sa kauna-unahang national budget ni Marcos Jr. bilang pangulo.

Mula P205 bilyon noong 2022, bumaba sa P199.5 bilyon ang pondo sa social protection programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2023, tulad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).

Sa pagdinig sa budget ng DSWD, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pag-aaksaya lang ng pondo ang ayuda sa gitna ng pandemya.

Pero sa pagsipa ng inflation rate sa unang bahagi ng 2023, inanunsyo ni Diokno ang pamamahagi ng P1,000 ayuda para makaagapay sa nagtataasang bilihin, na hahatiin sa dalawang tranche.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi maaabot ng nasabing ayuda ang lahat ng mahihirap.

Binigyang diin ng Ibon na 12.4 milyong pamilya ang pinangakuan ng P3,000 tulong noong 2022.

Pampuno lang daw ang P1,000 ayuda sa kulang na naibigay noong nakaraang taon sa 9.2 milyong pamilya, habang maghihintay sa wala ang 3 milyong natitira.

Wala ring maaasahang ayuda ang mga magsasaka, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Bira ni KMP chairman emeritus Rafael Mariano, hindi pinansin sa Kongreso ang House Bill 406 upang maglaan ang P15,000 subsidiya sa mga magsasaka at mangingisda.

Aminado ang Department of Agriculture (DA) na 1.5 milyon lamang mula sa 11 milyong manggagawang agrikultural ang natulungan nila noong 2022.

Kapos din ang badyet sa edukasyon, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (Act), na kapansin-pansin sa pagbubukas ng mga paaralan noong nakaraang taon.

“Sumambulat ang malaking kakulangan sa klasrums, kagamitan, pasilidad, guro [at] school personnel dahil sa walang kahandaan sa pagbabalik sa face-to-face classes,” saad ni Act secretary general Raymond Basilio.

Nabawasan pa ito ngayong 2023, nang paglaanan ng P150 milyon ang confidential at intelligence fund ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Bise Presidente Sara Duterte.

Mahal pa rin magkasakit sa bansa, kahit mayroon nang Universal Healthcare Law.

Ayon sa Health Alliance for Democracy (Head), galing pa rin sa bulsa ng masa ang 41.5% ng kabuuang gastos sa pagpapagamot.

Iginiit din ng Head ang kakulangan sa pasilidad pangkalusugan, patunay ang 26,000 barangay health centers sa higit 42,000 barangay sa bansa.

Transportasyong walang usad at dagdag pahirap

nina Axell Swen Lumiguen at Aira Kate Estrada

Patuloy na kawalan ng suporta ng gobyerno sa kinakaharap ngayong krisis ng mga tsuper, operator at komyuter sa pampublikong transportasyon.

Pinangangambahang makaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga tsuper at komyuter ang panukalang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na laman ng Department Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG) ng Department of Transportation (DOTr). 

Tampok sa buong bayan ang panawagang #NoToJeepneyPhaseout. Sa kabila nito, patuloy na isinasantabi ng administrasyong Marcos Jr. sa pagtutol ng publiko sa makanegosyong modernisasyong isinusulong ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Matatandaang itinakda ng LTFRB ang unang deadline na Hunyo 30 bilang huling araw ng operasyon ng mga tradisyunal na dyip sa bansa. Ngunit dahil sa mariing pagtuligsa ng mga tsuper at operator sa naturang panukala sa pamamagitan ng tigil-pasada noong Marso, hinabaan ang palugit hanggang sa katapusan ng taon.

Sa Transport Summit noong Hunyo 10, malinaw na igiit ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) president Mody Floranda na hindi lang extension kundi tuluyang ibasura ang OFG.

“Malinaw ang ating posisyon kaugnay doon sa Omnibus Franchising Guidelines. [Hanggang] nananatili ‘yong [Department Order] 2017-011 ay nandoon pa rin yung ating dapat na pagkilos [na] maibasura itong order na ito,” ani Floranda

Bukod sa pagpapabasura ng OFG, hangad din nila na ibalik ang limang taong prangkisa ng mga dyip, pagrepaso sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) upang maibalik ang dating ruta nila, pagsuspinde ng bayad sa late filing bilang konsiderasyon sa mga sumadsad nilang kabuhayan noong pandemya at pinansiyal na suporta sa mga tsuper at operator sa pamamagitan.

Ipapasa nila ang mga nakatalang panawagan sa mga tanggapan ng DOTr at LTFRB, Senado, Kongreso at Malacañang.

Nakaamba pa ang ilang mga proyektong inaalmahan ng mamamayan. Magtataas ng singil sa toll fee ng North Luzon Expressway (NLEX) at pasahe sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 at 2. Inaasahan din ang connector at extension ng Skyway at NLEX na magpapagiba sa maraming komunidad habang tanggalan at dagdag bayarin naman ang hatid ng pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

***

Ang Uniteam, nabibiyak. Ang mga pangako, napapako. Kahit ilang beses pang balutin ni Marcos Jr. sa magagandang salita ang kanyang panunungkulan, nalalantad na ito. Iyong krisis at mga problemang iniwanan ng rehimeng Duterte, tinuloy at pinasidhi ng mga bagong nakaupo.

Higit pang krisis ang inaasahan sa hinaharap. Tunay ngang nasa landas si Marcos Jr. para buhayin ang pamumuno ng ama niyang diktador: Bumubulusok na ekonomiya at peligro sa buhay ng tao.

Pero kung may higit na kapuri-puri sa nakalipas na isang taon ni Marcos, ito ay ang nagpapatuloy na pagkakaisa at paglaban ng sambayanang Pilipino para igiit ang kanilang kagalingan at mga karapatan sa harap ng isang pamumunong batbat ng pambubudol at pambubusabos.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This