Panawagan ni Legarda, sinuportahan ng mga obispo

0
181

Sinuportahan ng mga lider-simbahan ang panawagan ni Senador Loren Legarda sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Nagpahayag si Legarda kamakailan ng pagnanais na ituloy ang usapang pangkapayapaan ngunit pinutakti siya ng mga maka-Marcos na tutol dito at sukdulang ni-red tag ang senador, sa kabila ng pagiging koronel nito sa Philippine Air Force.

Ayon sa Ecumenical Bishops’ Forum (EBF), samahan ng mga obispo mula sa iba’t ibang denominasyong Kristiyano, karapat-dapat suportahan ng mga Pilipino ang panawagan ni Legarda para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan dahil sang-ayon ito sa pananaw ni Hesus sa kapayapaan.

“Bilang mga lider ng simbahan, inihahayag namin na ang panawagan para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ay maingay na inaalingawngaw ng iba’t ibang simbahan sa Pilipinas,” pahayag ng EBF.

Suportado rin si Legarda ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP), isang ugnayan para sa kapayapaan na binubuo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), National Council of Churches in the Philippines (NCCP),  Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) at EBF.

“Kaisa kami sa paninindigan ni Senador Legarda na dapat isulong ang kapayapaan sa pamamagitan ng prinsipyadong dayalogo sa pambansang antas para tugunan ang ugat ng armadong tunggalian,” sinabi ng PEPP sa isang pahayag.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, binigyang diin naman ni NDPF chief political consultant Jose Maria Sison ang kahalagahan ng pagsusulong ng peace talks.

“Mabuti ang pahayag ni Senador Legarda na ituloy and peace talks ng GRP at NDFP. Mahalaga ang peace talks lalo na ngayong tinamaan ng malulubhang krisis ang naghaharing sistema,” aniya.

Nilinaw ni Sison na may nakikitang rekurso “para pondohan ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ng Pilipinas.”

Tinutukoy niya ang $26.3 trilyon na gas resource sa West Philippine Sea at nagbabala na hindi dapat ito angkinin ng mga kurakot na opisyal at dayuhang monopolyo. Nagpaalala rin si Sison na mahalagang ipagpatuloy ang negosasyon sa balangkas ng The Hague Joint Declaration.

Halos tapos na ang buong Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) sa huling pormal na pag-uusap ng GRP at NDFP noong 2017 bago tuluyang matigil ang usapang pangkapayapaan dahil sa ani Sison ay pananabotahe ng militar.

Itutuloy?

Sa pananaw ng NDFP chief consultant, malabo pa sa ngayon na maisulong ang usapang pangkapayapaan sa kalagayan ng bansa sa ilalim ni Marcos.

Nanindigan si Sison na mainam na ipagpatuloy ang peace talks.

“Kung ayaw ni Marcos Jr. tulad ng kanyang tatay, walang magagawa ng sambayanang Pilipino, lalo na ang mga anakpawis, kundi isagawa at ipagpatuloy ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan,” aniya.

Lagi namang bukas ang NDFP sa usapang pangkapayapaan ngunit hanggang ngayon wala pang positibong pahiwatig mula kay Marcos o sino man na malapit sa kanya. Pero ayon kay Sison, pabor naman sa rebolusyon kung walang peace talks dahil palubha ang krisis ng naghaharing sistema sa ekonomiya at pulitika.

Panawagan ng NDFP sa mga Pilipino na dapat suportahan ang peace talks dahil sisikapin nitong lutasin ang mga problemang naging sanhi ng giyera sibil sa Pilipinas. Malulutas ang mga problema sa pamamagitan ng mahahalagang repormang sosyal, ekonomiko at pulitikal na magiging pundasyon ng makatarungan at matibay na kapayapaan at pag-unlad.

Nagpaabot naman ng liham ang PEPP nitong Setyembre 1 kay Marcos upang manawagan na bigyang tugon ng administrasyon ang armadong tunggalian dahil ang kanyang mga naging paunang salita na patakarang “all-out war” na ginawa na ng mga nagdaang rehimen ngunit bigo pa ring tuldukan ang limang dekadang giyera sa kabila ng pamumuhunan sa rekurso at pondo na dapat sana’y inilaan sa pagresolba ng kahirapan at pagsustina ng pag-unlad.

“Nananawagan kami sa pangulo na buuin muli ang GRP Peace Panel at ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP, igalang ang tungkulin at itaguyod ang mga kasunduan na pinasok ng mga nakaraang pamunuan,” sinabi ng PEPP sa liham.

Pabor din si NCCP secretary general Bishop Reuel Norman Marigza sa panawagan ni Legarda sa pagpapatuloy usapang pangkapayapaan.

“Magdudulot ng malaking ginhawa sa sambayanan kung maging tagumpay ang negosasyon sa pagitan ng GRP at NDFP dahil hindi na maaari pa na magrebelde ang nakararami dahil sa kahirapan at lumahok sa digmaan,” ani Marigza.

Maaari ring mabuksan ang talakayan upang suriin ang Anti-Terror Law kung bubuksan muli ang usapang pangkapayapaan.

Ang pagtuloy ng kapayapaan ang siyang makapagbibigay ng bagong paglikha at ambag sa isa’t isa, kaya panawagan ng mga lider ng mga simbahang Kristiyano sa publiko na maging instrumento sa pag-abot ng kapayapaan at katarungan. Pobi Sy/pinoyweekly.org

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.