Pang-aagaw ng mga lupain sa Cavite: Mga magsasaka, umaalma
October 20, 2021

By Alliah Andaleon

Tila hindi hadlang ang pandemya sa panggigipit sa mga magsasaka sa Cavite. Sa Dasmariñas City, hindi pa natapos ang pang-aagaw ng real estate corporations sa 155-ektaryang Lupang Kapdula mula sa mga magbubukid.

Paulit-ulit nang pinag-aagawan ng iba’t ibang land developer ang lupain sa mga nagdaang taon. Noong 2019, naglabas ng kautusan ang Department of Agrarian Reform na pabor sa mga magsasaka ng Lupang Kapdula, pero sa kabila nito, hindi pa rin tumitigil ang real estate companies.

Noong Agosto, nagdaos ng dayalogo sa pagitan ng Samahang Magbubukid ng Kapdula (SAMAKA/ KASAMA TK), barangay officials at mga kinatawan ng kumpanyang South Cavite Land.

Inilahad sa dayalogo ng SAMAKA ang pagsira sa mga pananim ng mga guwardiya ng JAKA Investment Corporation at ang iligal na pagbabakod ng South Cavite Land sa farm-to-market Road ng mga magsasaka.

Ilang araw matapos ang dayalogo, nakatanggap ng Memorandum of Agreement (MOA) mula sa South Cavite Land ang mga magsasaka. Pero taliwas ang laman ng MOA ng land developer sa hiling ng mga magsasaka.

Nakasaad sa MOA na pansamantala lamang papayagan ang mga magsasaka na magtanim sa loob ng Lupang Kapdula habang hindi pa kailangan ng South Cavite Land ang lupa. Pinagbabawalan din ang mga magsasaka na matulog sa loob ng Kapdula, maglunsad ng demonstrasyon, pagtitipon, at kahit magpahayag ng saloobin sa social media.

Nagbabala rin umano ang South Cavite Land na pagbabawalang pumasok sa Lupang Kapdula ang sinumang hindi pipirma sa MOA.

Sa kabila ng panggigipit, tikom pa rin ang bibig nina Cavite Governor Jonvic Remulla at Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga hinggil sa isyu – bagay na ikinadismaya ng mga magsasaka ng Lupang Kapdula.

Banta ng demolisyon sa Tartaria

Sa ibang bahagi ng Cavite, nakaamba naman ang demolisyon ng mga magsasaka at mga residenteng Ifugao at Moro sa Brgy. Tartaria at Brgy. Lumil sa Silang. Kabilang na rito ang maliliit na negosyo at pagawaan ng muwebles ng mga manggagawa.

Kwento ng mga residente, dumating ang mga miyembro ng demolition team noong Hulyo. Kalaunan, bumisita rin ang municipal engineering office ng lokal na pamahalaan ng Silang para ipakita ang papeles para sa Voluntary Demolition. Pero ayon sa mga residente, wala silang dalang demolition order mula sa korte.

Kasabay nito, umantabay ang aabot sa 100 armadong security guards ng Merge Core Security at Seraph Security Agency kasama ang demolition team para ikasa ang demolisyon noong araw na iyon. Target gibain ang aabot sa 100 na maliliit na negosyo mula sa hangganan ng Brgy. Lumil hanggang simbahan ng Brgy. Tartaria, Silang, Cavite.

Pabalik-balik umano ang mga armed security guards sa Bgy Tartaria kahit walang demolition order.

Kabilang ang Brgy. Tartaria sa 200 ektaryang inaangkin ng angkang Aguinaldo sa Cavite. Ayon sa mga residente, katuwang ng mga Aguinaldo ang Ayala Land Inc. sa pangangamkam ng lupa bilang land developer.

Ayon sa mga residente, anim na dekada na nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa kung saan nakatayo ang kanilang mga bahay at maliliit na negosyo. Kung matutuloy ang demolisyon, aabot sa 350 ektarya ng lupang pang-agrikultura ang makakamkam ng angkang Aguinaldo habang 500 manggagawa ang mawawalan ng kabuhayan.

Patuloy na panganib ng demolisyon

Matapos silang unang sugurin ng mga opisyales ng gobyerno, nakaantabay pa rin ang mga residente ng Brgy. Tartaria sa posibleng pagsisimula ng demolisyon, lalo pa’t pabalik-balik umano ang mga tauhan ng security agency kahit wala silang maipakitang demolition order galing sa korte.

Nagtayo rin ng barikada ang mga residenteng Ifugao at Moro, kaisa ang Samahang Magsasaka ng Tartaria (SAMATA) at iba pang mga suportang organisasyon para ipagtanggol ang kanilang komunidad.

“Huwag naman tayong ginaganito, sobra na sila. Sobra na ang pananakot nila,” ani Tatay Reneng, isang karpintero sa isang Ifugao furniture shop.

Giit pa ng mga maliit na manininda, hindi makatarungan ang gagawing demolisyon sa kanilang lugar dahil malaki ang epekto nito sa kanilang pamumuhay.

“Isang dekada na kaming naghahanapbuhay dito. Dumating ang pandemya, dito pa rin kami kumukuha ng panggastos,” daing ng isang maninindang Ifugao.

“Hanggang ngayon, nararanasan namin ang pandarahas sa amin. Hindi na ito bago sa amin.”

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This