Ni MARC LINO ABILA
Pinoy Weekly
Pormal nang inanusiyo ng Health Workers Partylist nitong Set. 4 sa Philippine Heart Center sa Quezon City ang kanilang paglahok sa darating na halalan sa 2025 upang isulong sa Kamara ang nararapat na sahod at benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan at dekalidad at libreng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan.
“Napatunayan natin na sa pamamagitan ng ating mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos, nagagawa nating ipaglaban ang ating mga karapatan. Ngunit hindi tayo titigil dito, patuloy tayong magsusulong ng ating [mga] karapatan, kagalingan, kapakanan [at] karapatan ng mga pasyente nating pinagsisilbihan,” ani Health Workers Partylist first nominee Robert Mendoza, isang registered midwife at pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers.
Hinikayat ni Mendoza ang mga kapwa manggagawang pangkalusugan na suporatahan ang pagtakbo ng kanilang partylist para sa mas magandang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan at mamamayang kanilang pinaglilingkuran.
Inendorso rin ng partylist ang kandidatura sa Senado ng nars na si Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United at isa sa mga kandidato ng Makabayan Coalition sa 2025, na nagpahayag ng pagpupugay at pasasalamat sa mga kapwa manggagawang pangkalusugan sa kanilang determinasyon at suporta.
Nagpasya ang mga manggagawang pangkalusugan na tumakbo bilang partylist sa eleksiyon sa 2025 dahil sa mga kakulangan at kapabayaan ng pamahalaan sa sektor ng kalusugan.
“Pinatutunayan sa dose-dosenanag relief at medical mission activity na ating inorganisa ang pangangailangan ng pagbabago sa mga patakaran para maseguro ang sapat na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino lalo na sa oras ng pangangailangan,” ani Health Workers Partylist president at third nominee Benigno Santi II na isang radiologist.
Kasalukuyang hinihintay ng Health Workers Partylist ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang motion for reconsideration sa naunang desisyon ng komisyon na ibasura ang petition for registration ng partylist dahil sa teknikal na pagkakaiba ng isang sectoral organization at sectoral party.
Umaasa ang partylist na makakuha ng mas malawak na suporta para makapaghanda sa eleksiyon habang hinihintay ang tugon ng Comelec sa kanilang mosyon.