Pasilip sa bangungot ngayon ni Steve Abua

0
221

Ni Joseph Gloria

Hangarin ni Steve Abua, 35, na mapabuti ang kondisyon na dinaranas ng mga nasa laylayan ng lipunan, gaya ng mga magsasaka, manggagawang bukid, at pambansang minorya.

Higit sa pag-aaral ng kanilang mga suliranin, masugid siyang nakibahagi sa mga sektor na ito upang lubos niyang maunawaan ang bigat ng mga kinahaharap nila. Extra step, kumbaga.

Hindi na nakagugulat para sa isang cum laude ng BS Statistics sa University of the Philippines (UP) Diliman na pinasinungalingang kapag aktibista ay hindi nag-aaral nang mabuti. Bagaman aktibong miyembro noon si Steve ng League of Filipino Students (LFS), hindi pa rin nito pinabayaan ang kaniyang pag-aaral.

Tawag ng pangangailangan

Maunawain, may malasakit, at kilala ng lahat—ang mga katangian na inilalarawan siya bilang mabuting estudyante ay gayunding nagpapakita ng kaniyang husay bilang tibak. Ang tanging pantapat sa kaniyang pakikipagtalastasan ay ang kaniyang pagpupunyagi sa mas magandang kinabukasan.

Ayon kay Roneil Villegas, dating chairperson ng LFS-UP Diliman, naging “susi” si Steve sa pag-oorganisa ng local chapter ng kanilang organisasyon dahil sa kaniyang sistematikong pagtatrabaho at magandang work ethic.

“Ganoon siyang tao, walang pahinga… walang patlang. Every moment na hindi siya nag-aaral, nandoon siya, nakalubog… doing community work,” ani Roneil.

Hindi nagtagal, nagpasya si Steve na huwag magpatali lamang sa mga isyung pang-kampus at mamulat na sa mga realidad ng mundong naghihintay sa labas ng pamantasan. Tanda pa ni Roneil, mahalagang pangyayari ang pagputok ng Hacienda Luisita Massacre noong 2004 sa pagyakap ni Steve sa gampanin na isulong ang karapatan ng mga magsasaka.

“Malaking factor iyon para ma-gets ni Steve ‘yong pangangailangan na tumungo sa peasant communities at mag-organisa doon… dahil kinakailangan ngang isabuhay ang panawagan sa lahat ng iskolar ng bayan.”

Malugod na sinagot ni Steve ang tinatawag na “tawag ng pangangailangan.” Pero tila dahas ang bumalik sa kaniya.

Tawag ng panganib

Nakapiring, nakaposas, nakabusal—nakakapangilabot ang hitsura ni Steve no’ng huling pagkakakita sa kaniya ng asawa niyang si Johanna sa pamamagitan ng video call.

Isa lamang ito sa tatlong pagkakataong kinontak si Johanna ng mga bumihag sa kaniyang kabiyak matapos siyang dakpin bandang alas dos ng hapon noong ika-6 ng Nobyembre. Nakatanggap rin si Johanna ng mga mensahe at larawan galing sa phone ni Steve na pinaniniwalaang hawak na ng mga kumuha sa kaniya.

Ani ng mga salarin, papatayin nila si Steve kapag isiniwalat niya ang nangyari. Pinipilit rin nila si Johanna na kumbinsihin si Steve na amining miyembro siya ng New People’s Army (NPA) at makipagkita sa personal kasama ang kanilang batang anak.

“Gusto nila akong makuha mag-isa. Gagamitin nila kami ng anak ko para paaminin [si Steve] sa kung ano ang gusto nilang ipaamin sa kanya,” idinetalye ni Johanna.

Bilang isang organisador ng mga magsasaka at miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), dati na ring nabanggit ni Steve sa kaniyang asawang unti-unti nang ginigipit ang kanilang hanay. Giit niya, pinupuntahan ng mga nagpapakilalang alagad ng militar ang kanilang mga miyembro, at hinihingan ng impormasyon tungkol sa ilang lider ng kanilang organisasyon.

Bagaman dama ni Johanna ang panganib na kaakibat ng pag-oorganisa ng ni Steve, hindi pa rin niya tanggap na dinakip ang kaniyang asawa kapalit ng pagsusulong nito sa karapatan ng mga anakpawis.

Ayon sa mga kasamahan ni Steve, huli siyang nakita sa Barangay Sta. Cruz, Lubao, Pampanga papuntang Bataan upang makipagkita sa kanila ng gabi, ngunit hindi na siya nakarating.

Bagaman hindi pa kilala ang mga dumakip kay Steve, naniniwala ang kaniyang pamilya at mga kaibigan na maaaring militar ang dumakip sa kaniya.

“Ang clue lang namin na posibleng military [ang dumukot], dahil pinapaamin nila ‘yong asawa ko na NPA siya, na armado…at makipag-cooperate na siya sa gobyerno dahil nagbago na ‘yong gobyerno,” ani Johanna.

Samantala, iginiit ni Roneil na hindi isolated case ang pagdakip kay Steve, at bahagi ito ng programang naglalayong patahimikin ang mga taong nagsusulong ng kanilang mga karapatan.

Panawagan na magkaisa

“Isa siyang buong komprehensibong program, kabilang diyan ang red-tagging…at paggawa ng fake news laban sa mga organizations, individuals at community leaders, kasama d’yan ang supposed welfare programs na ginagamit lamang upang magmanman sa mga mamamayan,” dagdag niya.

Ayon sa datos ng Karapatan, mayroong humigit kumulang 18 na kaso ng enforced disappearance kaugnay ng programa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa counterinsurgency.

“[D]espite the existence of a law penalizing the perpetrators of enforced disappearances...state forces continue to use the same brutal tactics with shameless impunity—abetted by no less than their rabidly fascist commander-in-chief,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

“The abduction of Steve Abua is a grim reminder that the Duterte regime’s bloody war on dissent is dirtier now more than ever that they are willing to resort to these shameless and cowardly criminal acts.”

Kasabay ng panawagang ilitaw si Steve, naninindigan ang kaniyang mga kapamilya at kaibigan na wala siyang ginagawang labag sa batas, at hindi dapat abusuhin ng gobyerno ang kanilang kapangyarihan upang patahimikin ang mga mamamayan.

“Mayroong batas ang gobyerno… ba’t hindi nila sundin, ba’t hindi nila ipatupad ‘yong tamang process… Kung pagbintangan nila na NPA, kasuhan nila, ilitaw nila, hindi ‘yong ganyan ang klase ng paraan na ginagawa nila para lang manakot, mang-harass…” ani Johanna.

Nananawagan din sila sa taumbayan na makiisa sa pakikipaglaban para sa karapatan ni Steve at ng iba pang mamamayang ginigipit ng pasistang pamahalaan.

Kabilang na dito ang nais ng KMP na tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na umano’y sanhi ng red-tagging, o ang mapanganib na pag-ugnay ng mga aktibista o sinoman sa mga armadong grupo.

“Ang paglaban para sa karapatan ni Steve ay paglaban para rin sa karapatan ng lahat ng mga Filipino na isulong ang tunay na pagbabagong matagal nang ipinapangako, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan,” wika ni Roniel.

Kabilang na rin ang Amnesty International na kumukondena ng enforced disappearance ni Steve. Hinihikayat nito ang mga mamamayan na magsulat ng liham kay Lt. Gen. Arnulfo Burgos Jr., commander ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, ukol sa isyu.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.