Patuloy na naghihirap ang sambayanan sa mga patakarang neoliberal

0
69

Originally posted in Manila Today

Sa pagpasok ng taong 2020, sinimulan ang paggunita sa ika-50 taon Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 o First Quarter Storm (FQS). Enero 30, Huwebes, nagtungo ang mga aktibista ng makasaysayang Sigwa na sinamahan ng mga bagong henerasyon ng mga aktibista at sabay-sabay na nagtungo sa paanan ng Mendiola kung saan nangyari ang ‘Battle of Mendiola.’

Inalala ni Judy Taguiwalo ang kanilang mga panawagan nila noon.

“Aktibista 50 years ago, aktibista pa rin ngayon. Ang FQS ang hudyat ng malawakang tindig ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. At malawakang pagpapalaganap ng pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba ang tugon sa kahirapan at kaapihan ng mamamayan.”

Binanggit rin nito na sa kabila ng limang dekada na ang lumipas patuloy pa rin ang suliranin ng mamamayang Pilipino.

“Ngayon, patuloy na nararanasan ang imperyalismo pangunahin ang US, pero palaki ng palaki ang panghihimasok ng China. Patuloy ang pananalasa ng pyudalismo lalong pinalala ang patakarang neoliberal,” dagdag ni Taguiwalo.

Tinukoy ni Taguiwalo sa mga patakarang neoliberal ang oryentasyong pag-aangkat ng mga produkto ng ibang bansa, habang nagluluwas naman ang Pilipinas ng mga hilaw na materyales. Imbis na buuin ang produksyon ng pagkain at iba pang pangangailangan para maging sapat ang dami at abot-kaya ang presyo para sa mamamayan at nabibili sa patas na presyo ang produkto ng magsasaka ay mas nakatuon ang kalakalan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mayamang dayuhang bansa. Kukuha sila ng murang hilaw materyales mula sa bansa tapos babahain ang bansa ng yaring mga produkto na mas mahal na ang presyo.

Wala ring mga industriya para sa enerhiya, mineral, sa paglikha ng mga produkto mula sa mga hilaw na materyales ng mga magsasaka, kung kaya’y mababa ang pambansang kita at umaasa sa padala ng mga OFW, sa utang at sa buwis. Kung kaya’t mababa rin ang sahod ng mga manggagawa at masahol ang kalagayan sa paggawa.

Dahil dito, aniya, nagugutom ang mga magsasaka, ang mga manggagawa hirap na makapagtustos sa mga gastusin at buong sambayanan din ay nahihirapan. Naghihirap ang mamamayan, sa kabila ng mayaman naman ang bansang Pilipinas sa likas na yaman at lakas paggawa.

Pinakalantaran at malala aniya sa mga neoliberal na patakarang ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ang rice tariffication law, kung saan hayagan at maramihan nang babahain tayo ng mga inangkat na bigas na papatay sa lokal na produksyon.

Napatupad ang ganitong programa dahil nakasangkapan ng imperyalismo ang gobyerno at ang mga nakaupo ay nagpapayaman sa kaban ng bayan.

“Buhay na buhay ang burukrata kapitalismo. Nagbabadya ang pasismo,” ani Taguiwalo.

Naglabasan na rin sa balita ang kasalukuyang problema sa ginawang pribatisasyon ng gobyerno sa mga pampublikong utilidad gaya ng tubig, kung saan patuloy na tinutuligsa at minumura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga oligarko na may-ari ng mga kumpanyang Maynilad at Manila Water.

Sa isang banda, hindi naman daw naalinsunod o paiba-iba ang mga ganitong bugso ng galit ni Duterte sa mga oligarko habang nahayaan niyang ang Malampaya gas field ay maging pinakamalaking pagmamay-ari na ang kanyang campaign funder na si Dennis Uy. Kung kaya’t hindi naman pagmakabayan at hindi rin nasyunalisyon ng enerhiya bilang batayan at mabigat na industriya ang tunguhin ng mga pagmumura ni Duterte sa mga oligarko — maaaring hindi rin ganoon sa tubig kundi pagpapalit lang ng kapitalistang may kontrol nito? Gayundin, ang patuloy na pribado’t mahal at mabuway na serbisyo ng mga telco na si Uy din ang nakakuha sa kontrata ng third telco ay nagpapatuloy ang sistemang ang mga sebisyo dapat ng gobyerno sa mamamayan ay ginawang negosyo.

Sa gitna ng patuloy na paghihirap ng mamamayan, at nagbabadyang pagtutol sa mga pahirap na polisiya, ang tendensya ng gobyerno ay tungo sa pasismo upang mas maluwag at malayang maipatupad ang mga polisiyang pabor sa mga nasa kapangyarihan at mga mayayaman.

Tinuligsa ng dating kalihin ng DSWD ang implementasyon ng Executive Order (EO 70) 70 noong Disyembre 2018 ni Duterte na aniya’y lalo pang hinahadlangan ang karapatan ng mamamayan.

Nilikha ng EO 70 ang ‘national task force to end local armed conflict’ o ang NTF ELCAC.

Tinuligsa ng mga grupo sa karaptang pantao ang utos na isang hakbang tungo sa isang hindi deklaradong batas militar, sapagkat ipinapaloob nito ang mga sibilyang ahensya ng gobyerno magigng mga lokal na pamahalaan na pinamumunuan ng mga gobernador o mayor sa laban ng insurhensya.

“Fifty years ago, hindi nagpapasindak ang mamamayan, hanggang ngayon hindi tayo magpapasindak,” ani Taguiwalo.

Ang komemorasyon ng ‘Battle of Mendiola’ ay isa lamang sa mga aktibidad na ilulunsad kaugnay ng paggunita ng FQS.

Inaasahan ang iba pang mga aktibidad na ilulunsad ng FQS Movement gaya ng Konsyertong Bayan, art installation at mga talakayan.

Leave a reply