Pinsala ng Reklamasyon: Mga Larawan ng Magtatahong at Mangingisda sa Navotas
April 21, 2024

Mahigit isang buwan na nang muling simulan ang demolisyon ng mga tahungan sa Navotas sa isang bahagi ng Manila Bay. Katwiran ng lokal ng pamahalaan na naglabas ng utos ng demolisyon noong Pebrero, ‘iligal’ at ‘marumi’ ang mga tahungan. 

Paliwanag ng Navotas LGU, sinusunod lamang nito ang utos ng Korte Suprema tungkol sa rehabilitasyon ng Manila Bay. Pero malinaw sa nasabing utos na hindi kasama rito ang pagbaklas sa mga tahungan.  

Para sa mga residente ng Navotas, reklamasyon o pagtatambak sa karagatan para lumikha ng bagong lupain, ang tunay na dahilan sa likod ng pagbaklas ng kanilang mga tahungan. 

Sa kasalukuyan, nagsisimula na ang implementasyon ng Navotas Coastal Bay Reclamation and Development Project, na may kabuuang lawak na 650 ektarya. Ayon sa Philippine Reclamation Authority, magkahalong komersyal, industriyal, at residensyal na establisyemento ang itatayo rito. Ang nasabing reclamation project ay joint venture agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Navotas at Argonbay Construction Inc., na pagmamay-ari ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation. 

Isang ‘development’ ang reklamasyon ayon sa mga nagsusulong nito. Pero ang kapalit naman nito ayon sa mga residente ng Navotas: pagkasira ng karagatan at paglubog ng kanilang kinagisnang kabuhayan. Batay sa datos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), mahigit isang libong pamilya ang naaapektuhan ng proyektong reklamasyon sa Navotas. 

Si Romel

Malapit nang sumapit ang hatinggabi pero magsisimula pa lang ang araw ni Romel Escarial, isang 35-taong-gulang na magtatahong sa Navotas. Isang “busero” si Romel, o sumisisid sa dagat para mag-ani ng tahong. 

Noong Abril 16, 2024, bandang alas diyes ng gabi pumalaot sina Romel kahit wala pang tulog. Kasama niya ang asawang si Renecar at panganay na anak, at iba pang kapwa magtatahong. Pagkatapos mag-ani, nilinisan nila ang mga tahong. Pagsapit ng alas-singko ng umaga ng sumunod na araw, dumiretso sila sa ‘Patawad,’ ang lugar kung saan binebenta ang kanilang ani. 

Alas-nuwebe na ng umaga nang makauwi sila Romel. Matumal ang benta, ayon sa kaniya. Nasa ₱300 hanggang ₱700 ang nagiging bentahan nila kada banyera ng tahong. Higit na malayo ito sa dating ₱1,500. 

“Dahil nga sa nangyayaring bunutan ng mga tahungan, natatakot kami na mabunot ‘yung tahungan namin. Kaya maraming nag-uunahan na umani para makabenta. Naaagad ‘yung tahong namin. Napipilitan kaming anihin,” saad ni Romel.

Sa tantya nila, araw o linggo na lang ang binibilang bago tuluyang mabunot ang kanilang mga tahungan. 

“Simula noong magkaroon ng reklamasyon dito sa Navotas, ang laki ng pinsala. Lumabo ang dagat. Pati ‘yung mga mangingisda ay nadamay dahil sa ginagawa nila. Hindi na naging natural ang dagat dahil sa pagtatambak nila.” 

Si Marites

Pagkatapos lumaot ng mga magtatahong, dinadala nila sa bagsakan ang mga inaning tahong kung saan nag-aabang ang mga maglilinis nito. Isa na rito ang 53-taong-gulang na si Marites. Simula alas-onse ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi, hawak nila ang gunting na ginagamit sa paglilinis ng tahong. 

Pero bitbit na rin ngayon ni Marites ang pangamba dahil sa unti-unting pagkawala ng mga tahungan sa Navotas. Mula raw nang baklasin ang mga tahungan, nabawasan din ang kita nila. Kwento niya, mula sa dating ₱70 kada isang banyera ng tahong na kanilang malilinis, nasa ₱60 na lang daw ito ngayon o mas mababa pa. 

“Dito lang naman kami kumukuha ng ikinabubuhay at pang-araw-araw na panggastos para sa pagkain,” ani Marites. 

“Kapag nawala ang mga tahungan, wala na rin kaming trabaho,” pangamba niya.   

Si Ricojay

Maliban sa mga magtatahong, apektado rin ang mga mangingisda sa Navotas tulad ng 27-taong-gulang na si Ricojay. Walong taon na siyang nangingisda gamit ang lambat, na kung tawagin ay ‘pante.’ “Ang tatay ko kasi nagdadagat din. Syempre, mahirap ang buhay. Bata pa lang, sumasama na ako sa kanya sa dagat,” kwento ni Ricojay. 

Sa pangingisda umaasa si Ricojay para matugunan ang araw-araw na pangangailangan. Pero dahil sa reklamasyon, nabawasan aniya ang kanilang huli at hindi na sapat ang kanilang kinikita. 

“Dati kasi, nung wala pang nagtatambak dito sa Navotas, ang dali lang humuli ng isda. Ngayon, bago ka maka-₱1,000, hirap na hirap ka.” 

Kaya pagkatapos mangisda, nagtatrabaho pa raw siya bilang isang construction worker. 

“Ngayong tinatambakan na nila ang dagat, wala na. Hindi na kami makapaghanapbuhay sa dating pinaghahanapbuhayan namin,” paliwanag ni Ricojay. 

Si Teodoro

Nangangamba rin si Teodoro, 65-taong gulang na may-ari ng tahungan sa Navotas sa maaaring sapitin ng kanilang kabuhayan. Ang tahungan na raw ang nagpakain at nagpaaral sa kanyang mga anak at apo. 

Saad ni Teodoro, mahigit kalahati ng mga tulos o anahaw sa kanyang tahungan ang nabunot na. “Yung backhoe nakatutok na sa tahungan ko. Bukas makalawa, hindi ko alam kung may aabutan pa ako.”

Paliwanag niya, wala namang katiyakan na mabibigyan sila ng trabaho ng mga itatayong establisyemento. “Dagat lang talaga ang hanapbuhay namin,” giit niya. 

“Ang dagat para sa lahat ‘yan pero bakit inaangkin nila,” pagtatapos ni Teodoro. 

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Pagbuwag sa NTF-ELCAC, iginiit

Pagbuwag sa NTF-ELCAC, iginiit

Ni KRISTEN NICOLE RANARIOPinoy Weekly “Hindi kami terorista.” Ito ang diin ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa harap ng midya noong Mayo 13 para kondenahin ang patuloy na pag-atake sa karapatang pantao at seguridad ng mga...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This