Residenteng kontra-mina, kinasuhan ng cyberlibel
August 4, 2026

Naghain ang North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) ng cyberlibel complaint laban sa isang residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya na lumalaban sa mineral exploration ng naturang kumpanya ng mina sa tinatayang 4,456 ektaryang lupa sa kanilang lugar.

Isinampa ng NLMRC ang kaso laban sa residenteng si Lei Jim Dugay sa pamamagitan ni Jaime Atayde, representative ng kumpanya.

Sa subpoena na natanggap ni Dugay, iginiit ng NLMRC na may mga Facebook post umano si Dugay na “defamatory.” Inilahad ni Dugay sa kanyang mga post ang pagtutol sa operasyon at kung paano umano naaapektuhan ng exploration ang kabuhayan ng mga residente.

“Nagpost ka lang ng #Notolargescalemining, cyberlibel na agad?” tanong ni Dugay.

Para sa mga maka-kalikasang grupo, ang paghahain ng kasong cyberlibel ay nakikitang bahagi ng paggamit ng mga batas para patahimikin ang mga tumututol sa pagmimina. 

Isa sa mga nagkondena sa proyekto ang Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE), na tinawag ang pagkakaso bilang “continued weaponization of the law.” 

Giit ng KPNE, habang patuloy na lumalaban ang komunidad sa mining exploration activities ng NLMRC, mas dumadami rin ang mga reklamong tinaguriang Strategic Lawsuits Against Public Participation (SLAPP).

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaso ang NLMRC laban sa mga residente. Dati nang kinasuhan ng kumpanya ang mga abogado ng komunidad na sina Fidel Santos at Edgardo Balgos ng cyberlibel. 

Kinasuhan din ang ilang lider at residente sa hiwalay na kaso ng forcible entry—kabilang sina Bayombong Bishop Elmer Mangalinao at Fr. Christian Dumangeng—na ibinasura kinalaunan.

Kinuwestiyon din ng KPNE ang papel ni Jaime Atayde, partikular ang kanyang integridad bilang board director ng National Tobacco Administration na kumakatawan umano sa isang pribadong mining corporation. 

Ayon sa grupo, nagiging kuwestiyonable ang paglahok ni Atayde dahil sa paulit-ulit na pagsasampa ng kaso laban sa environmental defenders.

Idinugtong pa ng KPNE na dati ring board member si Atayde ng Platinum Group Metals Corporation. 

Ayon sa grupo, ang naturang kumpanya ay may 2,000-hectare nickel mining project sa Dinapigue, Isabela. 

Sinuspinde ito matapos ang mga dokumentadong environmental violations, kabilang ang paggamit ng heavy equipment at hazardous substances na maaaring nakaapekto sa mga kalapit na komunidad, gayundin ang malaganap na pagpuputol ng puno at pagpasok sa protected forest areas.

Laban ng pamilya kontra mina

Sa Kasibu ipinanganak at nagkapamilya si Dugay. 

Nagtatanim ang kanilang pamilya ng palay at mga gulay, at sa gitna ng pagtutol sa exploration, hindi lang cyberlibel complaint ang kinakaharap nila, may mga nararanasan din daw silang pananakot. 

“Naranasan ko mismo, may nagme-message sa akin sa Messenger na umalis na raw ako sa barikada, pinagbabantaan pati pamilya ko,” ani Dugay.

Matindi raw ang epekto nito sa kanyang kabuhayan at seguridad. 

“Dati alas-diyes ako ng gabi nagsasara ng tindahan, ngayong alas-siyete pa lang sarado na,” dagdag pa niya. Naging limitado na rin ang kanyang kilos kahit sa loob ng komunidad, “dati kahit gabi na pwede ako magmotor mag-isa pero ngayon halos limited na yung paglabas ko ng bahay,” saad niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Dugay na mananatili siyang kasama ng iba pang residente sa kanilang barikada laban sa exploration ng NLMRC. 

“Bakit ako matatakot kung alam kong wala akong ginagawang masama? Hindi madali ang lahat, pero kailangan,” pahayag ni Dugay.

Bumabalik din siya sa naging aral ng kanilang komunidad: nauna nang nagbarikada ang mga katutubo at residente ng Kasibu noong 2007 laban sa Australian mining firm na RoyalCo at lokal nitong counterpart na Oxiana—pangyayaring aniya’y nagpapatatag sa kaniya para sa kasalukuyang paglaban. 

“Ilan sa mga nanguna sa laban noon ang mga magulang ko, kinasuhan din sila pero hindi sila nagpatinag,” sabi pa ni Dugay.

“At kahit ano pa ang mangyari. Hinding hindi kami susuko. Hinding hindi kami titigil, at hinding hindi kami aalis sa barikada namin—manalo o matalo, dito lang kami,” pagtatapos niya.

Read more

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

Isang araw matapos ang aresto ng kapulisan sa tinaguriang SONA51, nakalaya na ang 42 na indibidwal nang walang kasong isinampa. Sasampahan naman ng Quezon City Police District at ng kumpanyang Meralco ng iba't ibang mga kaso ang siyam na inaresto, kabilang ang...

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Kampanyang Laya para sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad

Ni JOHN AARON CORPORAL at EMMANUEL GATA “Palakasin natin ‘yung kampanya sa national and international level para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, para ma-raise ang awareness kung sino sila at i-demand sa Marcos administration na palayain sila.” Ito ang...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This