Sa hindi pagbitaw

Ni Frenchie Mae Cumpio*

Salamat
Hanggang ngayon mahigpit ang pagtangan
Sa gitna ng ligalig at kagipitan
Sa kabila ng unos na bumubuhos sa bayan

Dama ko ang pagod mo
Na isigaw ang katotohanang pilit binubura
Na mga ganid na nagpapakalat ng katha
At ikaw na nagsusumikap ang ginawa pang agaw-eksena.

Kaya salamat
Sa pagod at hirap na hindi iniinda
Sa minsang pagkalimot sa sariling pangungulila
Gayunma’y hindi nawalan ng pagkalinga para sa iba .

Muli, salamat
Sa hindi pagpapadaig sa pananakot ng mga uhaw
At kahit tila hindi sigurado sa araw-araw
Maraming salamat sa hindi pagbitaw.

Agosto 8, 2022

*Si Frenchie Mae Cumpio ay isang 23-taong gulang na community journalist mula sa Eastern Visayas. Sa pamamagitan ng mga kaanak, ipinadala niya ang tulang ito mula sa Tacloban City Jail. Nakakulong si Frenchie mula Pebrero 2020 dahil sa mga inimbentong kaso laban sa tinaguriang ‘Tacloban 5’.

 

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.