Sa vote-buying, sino ang tunay na dehado?
January 21, 2022

Ni Christian Philip Mateo

“Isulat n’yo ang pangalan n’yo rito sa listahan. Pera din ‘yan.”

Maagang nabulabog ang mga residente ng Addition Hills sa Mandaluyong nitong Nobyembre dahil sa anunsyong magbibigay ng pera ang isang kilalang pulitiko. Agad nagbihis ang mga residente, nag-ayos ng sarili, at nakipag-usap sa tauhan ng kandidatong planong tumakbo ulit sa halalan 2022.

Isa sa mga naunang magpalista ang 67-taong gulang na si Aling Teresita, isang kasambahay. Tulad ng maraming manggagawa, lubos na naapektuhan ng pandemya ang kabuhayan ni Aling Teresita. Dahil sa kanyang edad, hindi na siya pinayagang mamasukan ng kanyang amo. Problema ito dahil siya lang ang inaasahan ng kanyang limang apo.

Kaya hindi pinalalampas ni Aling Teresita ang “pagpapalista” sa mga kandidato dahil pandagdag din daw ito sa panggastos. “Nandiyan na ang pera, nilalapitan ka na, siyempre kunin mo na,” sabi niya.

Biktima ng sirkumstansya

Hindi na bago ang ganitong eksena sa tuwing papalapit na ang eleksyon. Tila nakagawiang taktika na nga raw ng mga kandidato na magpaikot ng mga tauhan para mangalap ng boto kapalit ng salapi.

Malinaw na nakasaad sa Omnibus Election Code ng bansa na hindi pinahihintulutan ang kahit anong uri ng pamimigay, pag-aalok, at pangangako ng pera at ibang uri ng serbisyo sa isang tao kapalit ng kanilang boto. Ayon pa sa batas, ang sinumang magbibigay at tatanggap ng pera bilang kapalit ng boto ay maaaring patawan ng karampatang parusa.

Gayunman, laganap ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa bansa, na lalo pang pinalala ng sirkumstanya ng COVID-19 pandemic. Ayon nga sa Philippine Statistics Authority, aabot na sa 23.7% ang bilang ng Pilipinong walang trabaho noong unang hati ng 2021, o mahigit isa sa bawat limang Pilipino.

Para kay Aling Teresita, ang ganitong sitwasyon ang dahilan kung bakit talamak talaga ang vote-buying sa Pilipinas. “Minsan nakakakuha ako ng P100, o kaya kapag sinwerte, P1,000. Depende kung sikat ‘yung kandidato. Pero kung may ibibigay sila, kahit magkano, tatanggapin ko pa rin,” paglalahad niya.

Sinong dehado sa vote-buying?

Paliwanag ni Prof. Danilo Arao ng election watchdog na Kontra Daya, malalim ang ugat na pinagmumulan ng vote-buying. Ani Arao, higit sa pagsasamantala sa mga botanteng gipit, tila negosyo nga raw ang turing ng maraming kandidato sa eleksyon, at ang perang ginagamit sa vote-buying ay itinuturing na puhunan.

“Kasi ‘yung pera na ibinibigay sa mga botante ay napakaliit kumpara sa posible nilang makuha sa legal o ilegal na paraan kung sakaling sila ay manalo sa halalan. Sistematiko ito dahil ang talagang mapagpasya sa ating halalan ay ang rekurso sa usapin ng pera at makinarya,” ani Arao.

Ganito rin ang pananaw ni Aling Teresita. “Ang mahirap kasi sa atin, kapag may mali tayong nagawa, siyempre, sa mahirap agad ang sisi nila. Puro na lang mahirap, pero ang mayayaman at pulitiko, hindi naman nananagot,” pagbabahagi niya.

Marami rin umanong butas ang ating mga batas na ginagamit ng mga pulitiko para makalusot sa vote-buying. Isa na dito ang butas na hindi naman ipinagbabawal ang pamumudmod ng pera ng mga personalidad kapag hindi pa opisyal na nagsisimula ang panahon ng kampanyang elektoral.

“Tawagin mo mang ayuda o pagbili ng boto, ang esensya naman ng mga kandidatong nagpapamudmod ng pera ay para matandaan sila sa mismong araw ng halalan,” paliwanag ni Arao.

Dagdag ni Arao, sa isyu ng vote-buying, kailangan umanong suriin kung sino ba talaga ang dehado sa bandang dulo – ang botante o ang kandidatong namimigay ng salapi?

“Kailangan nating idiin ang salitang ‘napipilitan’ kasi sa subhetibong antas, may iilang masama talaga ang ugali pero mahirap na mag-generalize na ito ang sentimiyento ng lahat nga tao. Pero sa pangkalahatan, masasabi natin na ang mga tao, kaya nilang paunlarin ang kanilang sariling buhay basta’t bibigyan sila ng karampatang oportunidad,” aniya.

‘May magagawa’

Sa kabila ng patuloy at laganap na sistema ng vote-buying, naniniwala pa rin si Aling Teresita na malulutas ang suliranin ng vote buying kung magkakaroon lang ng sapat na suporta ang pamahalaan sa kabuhayan at trabaho ng mga tulad niyang kapuspalad. “Sana hindi nila ipinagdadamot ang tulong kasi hindi naman kami aasa sa ganitong ‘palista’ kung maayos naman ang buhay namin,” ani Aling Teresita.

Para sa Kontra Daya, kailangang higpitan ang mga patakaran tungkol sa vote-buying. Halimbawa, maaaring ipagbawal ang paggastos ng sariling pera ng mga kandidato sa kampanya at sa halip ay lumikom ng pondo para sa kampanya na may kalakip na malinaw na ulat hinggil sa impormasyon kung sino ang nagbigay at magkano ang natanggap ng kandidato.

Dagdag ni Arao, malaki rin ang papel ng midya sa pag-uulat hinggil sa “campaign financing,” para malinaw sa publiko kung magkano ba ang pondong ginagamit ng mga kandidato para mangampanya.

Diin ni Arao, higit sa paghihigpit ng batas, dapat umanong tumatak sa mga botante na sa katotohanan, mga botante naman talaga ang dehado sa vote-buying, dahil ang mga kandidatong nagsasagawa ng ganitong taktika ay siguradong gagawa ng paraan para mabawi ang kanilang ginastos.

Hinikayat ng Kontra Daya ang mga ordinaryong botante na ilantad ang mga bumibili ng boto at makibahagi sa kampanya kontra vote-buying. “Huwag umasa sa simpleng batas at alituntunin dahil may paraan ang mga pulitiko para malusutan ang batas,” ani Arao.###

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This