Sahod ng DepEd TV staff, maibibigay pa ba?

0
276

By Kelsey Hadjirul & Kristel Ogsimer

Patuloy ang paggamit ng Department of Education (DepEd) sa educational TV episodes para sa distance learning materials ng mga estudyante sa ilalim ng pandemya. Pero hinaing ng production staff sa likod nito, hanggang ngayon wala pa rin silang natatanggap na sahod para sa ginawa nilang learning materials.

Kung magpapatuloy ito, ayon sa mga manggagawa, handa silang gumawa ng legal na aksyon laban sa production firm ng DepEd TV, ang Ei2 Tech, na pagmamay-ari ng broadcaster na si Paolo Bediones.

“Para sa amin, mayroong pagsasamantala,” sabi ni Bernadette Neri, isa sa mga executive producers ng DepEd TV. “Napakahirap maghanap ng trabaho sa panahon ng pandemya. Ito ‘yung panahon na ipinasara ang ABS-CBN, so andaming walang trabaho. Then, dumating itong paghahanap ng creatives para sa DepEd TV. Sa ganitong context, kahit underpaid at overworked, pumasok pa rin ang marami dahil walang option.”

Nagtuturo si Neri sa UP Diliman at dahil sa kanyang espesyalisasyon, siya ang gumawa ng learning materials para sa DepEd TV sa mga subject gaya ng Health, 21st Century Literature ng Senior High School, Komunikasyon sa Filipino, at Pagbasa at Pagsulat.

“Hindi lang kami basta executive producer, kailangan din naming trabahuhin ‘yung content. Inuupuan namin kahit ang pag-eedit. Sobrang multi-tasking ang ginawa namin,” dagdag niya.

Production staff sa likod ng DepEd TV

Pareho ang naging karanasan ni George Vincent Gamayo, isa ring executive producer. “Habang tumatagal, dumarami na ang ibinibigay na trabaho sa bawat isa sa amin.”

Mga anomalya

Ibinahagi ni Gamayo na naantala ang pagpapadala ng Ei2 Tech ng kontrata nila. Marami nang natapos na trabaho ang production staff bago pa nila ito nakita. May mga katanungan ang mga manggagawa sa nilalaman ng kontrata, pero napilitan silang pumirma kahit hindi pa ito nareresolba para hindi maipit ang kanilang sweldo.

“Naramdaman namin na para bang ‘contract coercion’ ang nangyari,” hinaing ni Gamayo. “Noong binanggit namin ang mga nakita naming butas sa kontrata, nag-email lang sila na ibabatay ang evaluation ng executive producers batay sa TV lessons na nagawa namin sa pilot week.”

Nang itanong ng mga manggagawa ang tungkol sa naantalang sahod, idinahilan ng Ei2 Tech ang kawalan daw ng official receipt (OR) ng mga staff bilang requirement sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Pero ayon kay Gamayo, kahit ang mga empleyadong may mga OR daw ay hindi pa rin nakatanggap ng sweldo. Pumayag din umano ang ibang empleyado na ang Ei2 Tech na ang magproseso ng kanilang ORs at certificate of registration sa BIR, pero kahit ang mga ito ay hindi pa nila nakikita.

Lalo pang sumama ang loob ng production staff nang bigla silang tanggalin sa trabaho pagdating ng ikalawang kwatro. Wala raw kahit anong konsultasyong naganap sa bahagi ng production staff.

“Sa teacher-broadcasters pa namin nalaman na hindi na pala kami makakapagpatuloy sa second quarter. Walang prior notice sa amin,” ayon kay Gamayo.

Nakasaad sa kontrata na maaaring tapusin ang serbisyo ng staff matapos ang 15 araw na paglabas ng isang written notice. Pero walang ibinigay na anumang abiso ang Ei2 Tech at agad na lang tinapos ang kanilang kontrata.

“Bilang isang edukador, naniwala ako sa adhikain ng programa kaya’t ang bigat sa damdamin na napabayaan kami sa huli.. kahit na tumulong kaming itulay ang distance learning sa gitna ng pandemya.”

Dagdag ni Erri Rojo, isa ring executive producer, sumulat ang mga manggagawa ng liham sa kumpanya noong Disyembre 2020 para humingi ng paliwanag sa naantalang sahod. Nakakuha ng kopya ng liham ang publikasyong Pilipino Star Ngayon, at inilathala ito noong Disyembre.

“Tinakot nya [Paolo Bediones] kami na sasampahan niya kami ng libel. Bakit raw lumabas sa Pilipino Star Ngayon ang letter namin. Kami pa raw ang nanggigipit sa kanya,” dagdag ni Rojo.

Pagdistansya ng DepEd

Nauna nang itinanggi ni Bediones ang mga paratang sa kanya ng production staff. Ayon sa kanya, hindi totoong naantala ang sahod ng mga manggagawa at iilan na lang ang hindi pa nabibigyan dahil sa di-kumpletong requirements.

Dumistansya rin ang DepEd sa isyung ito simula pa noong Disyembre. Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, hindi maaaring ang ahensya ang magpasahod sa mga manggagawa ng Ei2 Tech dahil hindi sila empleyado sa ilalim ng ahensya.

Ayon naman sa mga manggagawa, malinaw na nasa ilalim sila ng Ei2 Tech. Gayunpaman, hindi raw sapat na tila hugas-kamay ang tugon ng ahensya sa isyung ito.

“Bilang ahensya ng gobyerno na kumontrata sa isang private contractor, mayroon itong moral responsibility and accountability,” ayon sa legal counsel ng grupo. “Dapat tingnan din nila kung maayos ang pamamalakad, kung maayos ang pagtrato sa mga manggagawa, at kung nagbabayad ba talaga yung private contractor.”

Leave a reply