Sala sa init, sala sa lamig
December 9, 2021

Bulnerable at tiyak na nasa peligro ang mga bansang katulad ng Pilipinas sa mabilis na pagbabago ng klima ng daigdig.

 

Umiinit ang temperatura ng mundo, tumataas ang lebel ng tubig sa karagatan dahil sa pagkatunaw ng yelo sa North Pole. Nararamdaman na natin na painit nang painit ang tag-init at palakas nang palakas ang mga bagyo tuwing tag-ulan.

Nanganganib din ang Pilipinas sa paglubog ng mga komunidad sa baybayin at mga mas maliliit na isla. Tinatayang tumataas ang tubig ng 12.13 mm kada taon sa Manila Bay, mas mataas nang apat na beses sa pandaigdigang pamantayan ayon sa pag-aaral ng Coastal Sea Level Rise Philippines Project.

Litrato kuha ni Neil Ambion

Patuloy naman ang gobyerno ng Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa malalalaking dayuhan at lokal na negosyante para sa mga proyekto at gawaing mapanira sa kalikasan tulad ng malalaking dam, minahan, plantasyon, pananim na genetically modified, patuloy na paggamit ng fossil fuel at coal, at iba pa.

Sa pandaigdigang saklaw, isinagawa kamakailan sa Glasgow, United Kingdom ang ika-26 na Conference of Parties (COP26) sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change upang pag-usapan ang kalagayan ng ating planeta sa harap ng krisis na banta sa buhay nating lahat.

Umabot sa mahigit 100,000 katao ang nagprotesta sa Glasgow, kasama ang ilang mga Pilipino, upang igiit ang agarang aksyon ng mga lider at gobyerno ng mayayamang bansa na siyang pangunahing salarin sa krisis.  Pero maging doon sa Glasgow, tulad dito, hindi pinakinggan ang mga pang-masang organisasyon.

Sa huli, namayani sa COP26 ang interes ng pagkamal ng pera. Naiwang talunan ang mga mamamayan ng mundo lalo na sa mga bulnerableng bansa. Tinanggihan ng mayayamang bansa ang panukalang bigyan ng climate finance o tulong pinansya ang mga bulnerableng bansa upang makaagaapay sa krisis sa klima. Papaano, naglalakihang industriya ng mayayamang bansa ang responsable sa malaking bahagi ng polusyon at pagkawasak ng kalikasan.

Sa ilalim ng Build, Build, Build program naman, tuloy-tuloy ang mga proyektong binibida para sa kaulanran ngunit sa totoo’y nakasasama sa kalikasan at mga komunidad.

Tuwing may kalamidad, hindi malaman ng mga apektadong mamamayan kung paano muling ibabangon ang kanilang kabuhayan kagaya ng nangyari matapos malubog sa matinding baha ang Cagayan Valley, Nobyembre ng nakaraang taon.

Pero may puwang pa ang pagkilos. Kailangang ng mamamayang Pilipino ang kanilang nagkakaisang lakas upang wakasan na ang mga mapanirang gawi na dala ng  pandaigdigang sistema ng kapitalismo. Kailangan mapigilan ang patuloy na pagkasira ng ating planeta at paghihirap ng mamamayan, Para ito sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This