Taas-sahod: Hiling ng mga manggagawa ngayong Pasko
December 24, 2022

nina Gian Albert Palomeno at Glenn Jr. Ferrariz

Maraming mga manggagawang Pilipino ngayon ang nangangamba kung paano nila iipunin ang kanilang sinasahod pambili ng Noche Buena.

Isa rito ang pamilya ng mag-asawang Jonald at Mona Jimenez, na isa sa napakaraming pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nagtatrabaho si Jonald bilang isang assistant sa Asian Hospital and Medical Center at Allied Care Experts sa Muntinlupa at Pateros samantalang si Mona naman ay nagtitinda ng merienda upang matulungan ang kanyang asawa.

Kahit na magkatuwang ang mag-asawa sa paghahanapbuhay, mabigat pa rin sa kanilang mga bulsa na mairaos ang arawang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngayong magpa-Pasko, hindi nga nila alam kung saan nila huhugutin ang pambili ng Noche Buena.

Mula sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority, pumalo na sa 8.0% ang inflation rate ng bansa noong nagdaang Nobyembre. Kaakibat ng mataas na inflation ang paghina ng kakayahan sa pagbili o purchasing power ng mga Pilipino.

Samantalang patuloy na sumisirit ang presyo ng bilihin, ang sahod ng mga magagawa, halos walang paggalaw. Nakapako pa rin sa P570 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa NCR kahit tinatayang aabot na sa P1,140 ang kailangan ng isang pamilya para mabuhay nang maayos sa isang araw, ayon sa datos ng IBON Foundation.

Arawang pangamba

Kakatuntong pa lang ng Disyembre, hirap na si Mona na pagkasyahin ang kinikita nila mag-asawa para sa arawang gastos.

Same lang kasi ‘yung kita pero tumataas ‘yung bilihin. ‘Yun ‘yung nagiging problema. Mag-aadjust ka para makatipid. Eh kaya lang kahit anong tipid mo, kung tumataas ‘yung mga bilihin, useless din ‘yon,” sabi ni Mona.

“Mapipilitan ka pa rin bilhin ‘yung mga pangangailangan mo kahit mahal. Ang hirap, para kang mangangamba lagi ‘pag ganoon ang sitwasyon mo. Hanggang kailan ko ‘to magagamit, paranggano’n?” dagdag niya.

Iba’t ibang diskarte na nga daw ang ginagawa ng kanyang pamilya para makatipid.

Parang sa sabon, example na lang, bibili ka mga 200 o 300 grams. ‘Di ba ikaw kapag alam mo na wala ka pambili, titipirin mo siya? Hindi mo masyado pabubulain kasi matutunaw eh. Pero matutunaw at matutunaw ‘yun. Ibig sabihin, mauubos at mauubos. Ikaw mismo gagawa ng paraan na ‘yon.” sabi niya.

Paniniwala nila, hindi sapat ang sinusweldo ng mga manggagawa dahil bukod sa mataas na ang mga presyo ng bilihin ay marami ring mga responsibilidad ang dapat nilang magampanan.

Lalo ngayong magpa-Pasko, ang nasa isip ng bawat magulang – paano pa rin maipagdiriwang ang Pasko kung kahit pinakabatayang mga pangangailangan ay hirap nilang mabili?

Hindi ganito ang tono ng Department of Trade and Industry (DTI). Sa isang panayam, sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na kakayanin naman ng mga Pilipino ang magdiwang ng Pasko sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“During this period, may mga extra pays ‘di ba? May 14th month, may bonuses. Kakayanin, tingin ko,” sabi ni Pascual.

Pero para kay Jonald at Mona, malayo ito sa katotohanan. Ani Jonald, bilang nagtatrabaho sa kanilang pamilya, hindi lahat ng manggagawa ay nakatatanggap ng 13th month pay at iba pang uri ng mga bonus.

”Sa akin, hindi kaya ng lahat kasi maraming workers na wala naman 13th month pay at wala ring bonus. Ramdam na ramdam [ang pagbigat sa presyo ng mga bilihin] kasi unang-una pagdating sa sahod minimum lang so talagang mabigat, mahirap.” sabi niya.

Mahirap man, maghahanda pa rin si Jonald at Mona ng kaunti ngayong Noche Buena mula sa tinipid-tipid nilang pera.

“Wala na ‘yung pamasko ng mga bata pero siguro sa paghanda sa pagkain, siguro may kanin at manok puwede na ‘yon. Basta kumpleto,” sabi ni Jonald.

Taas-sahod, hiling ngayong Pasko

Libo-libong pamilyang Pilipino ang gaya nina Jonald at Mona na nagdodoble-kayod para maitawid ang arawang gastos sa gitna ng tumataas na bilihin at patuloy na pagsadsad ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, kailangan ng isang pamilyang binubuo ng limang miyembro ng aabot sa Php24,803 kada buwan para disenteng makapamuhay.

Malayo ang aktwal na buwanang sahod sa rehiyon mula sa nararapat na sahod mula sa pag-aaral ng IBON Foundation. Dagdag pa ng IBON, sa buong bansa, walang rehiyon ang may minimum wage na sasapat para disenteng mabuhay ang isang pamilya.

Kaya nga bukod sa kaligtasan ng kanilang pamilya, hiling ng pamilya Jimenez na tumaas na ang minimum wage.

‘Yung Pasko, hindi lang para sa bata, kundi syempre para rin sa mga matatanda na kailangang kumita. Sana matulungan din kami.” hiling ni Jonald.

 

 

 

 

 

 

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This