‘Tama na sa imported’: Reporma sa lupa, susi sa murang bigas ayon sa KMP
October 31, 2023

Hindi nagtagal ang isang buwang price ceiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bigas. Tumabo sa 17.9% ang rice inflation o pagtaas ng presyo ng bigas nitong Setyembre, pinakamataas sa nakaraang 14 na taon. 

Ibig sabihin, sa nagdaang tatlong pangulo, pinakalumobo ang presyo ng bigas sa ilalim ni Marcos Jr., malayong-malayo sa pangako niyang P20 kada kilo.

Nabigo ang panukalang price ceiling dahil lubhang nakaasa ang bansa sa imported na bigas at talamak pa rin ang mandarayang trader ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Dagdag pa, naperhuwisyo lang nito ang arawang kita ng mga manininda. 

Ngayon, muling pinag-iisipan kung ibabalik ba ang price ceiling. Panukala naman ng National Economic Development Authority (NEDA), bawasan na lang ang taripa sa bigas para dumami pa ang imported na bigas sa bansa. 

“Imported na naman?” dismayadong sambit ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. Hindi matatapos ang problema sa mahal na bigas kung hindi tutukan ang lokal na produksiyon. 

Dama ng buong daigdig ang inflation at kapag patuloy na umangkat ang Pilipinas, hindi mapipigilang mahal rin ang makuha natin. 

“Isang malaking anomalya na nasa panahon tayo ng anihan pero nakapakataas pa rin ng presyo ng bigas at palay. Kahit magkaroon ulit ng price ceiling, kung ang may dikta at kontrol pa rin sa suplay, bilihan at presyo ng palay at bigas ay ang mga kartel at walang kapangyarihan ang NFA (National Food Authority) at estado, aalagwa pa rin ang presyo ng bigas,” ani Ramos. 

Sa katunayan, ilang dekada nang umaasa sa imported ang Pilipinas. Kaya panawagan ng KMP, tunay na reporma sa lupa naman ang dapat subukan. 

Imported na problema

Nitong mga nakaraang buwan, number one na ang Pilipinas bilang importer ng bigas sa buong mundo ayon sa United States Department of Agriculture. Tayong napakahilig sa kanin ang siyang ‘di nagtatanim at parating sa labas ng bansa namimili. 

Ayon kay Propesor Allan Mesina ng Development Studies Department ng University of the Philippines Manila, mga Kastila ang pasimuno sa pag-iimport natin ng bigas. 

“Itinuloy ito ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Bell Trade Act, batas para bawasan ang taripa at tiyakin ang pag-aangkat ng produktong Amerikano. Kasabay ng malawakang pag-aangkat ng bigas at iba pang produkto, pinigilang imodernisa ang agrikultura sa bansa. Isa pa, iyong mga makapangyarihang haciendero sa bansa, tutol sa maunlad na agrikultura. Magastos daw kasi,” paliwanag ni Mesina. 

Ayon sa mga magsasaka, sa mahigit isang taong pamumuno ni Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo at secretary ng Department of Agriculture ay wala pa ring pinatupad na tunay na repormang agraryo na solusyon sa malawakang importasyon at krisis sa pagkain sa bansa. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Nitong Oktubre, sinabi ni Marcos Jr. sa isang talumpati na gagawin ng administrasyon ang lahat para matugunan ang papataas na presyo ng bigas at iba pang pagkain. 

“We will spare no effort to ensure the growth of the rice industry here in our country even as we safeguard the welfare of farmers and consumers alike. We will do everything to pursue and punish those who are involved in smuggling and hoarding,” wika ng presidente. 

Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P12.7 bilyong ayuda o P5,000 sa bawat isa sa 2.3 milyong magbubukid. Pero kung ihahambing, ‘di hamak na mas malaki pa rin ang ginagastos ng gobyerno para sa importasyon.

Mula 2019 hanggang 2022, mahigit P155 bilyon ang ginastos ng gobyerno para makapag-angkat ng 14.1 milyong tonelada ng bigas dahil kapos ang produksiyon sa loob ng bansa.

Ngayong taon, dinoble ang pondo ng National Rice Program sa halagang P30.3 bilyon para palakihin ang volume ng rice import.

Maging ang abono sa bansa na susing sangkap sa pagtatanim, imported din. Sa tala mismo ng DA, 95% ng fertilizer sa bansa ay inaangkat.

Gayunpaman, kulang na kulang pa rin ang suplay para sa murang pagkain. Noong 2021 pa lang, ipinakita sa ulat ng United Nations sa food insecurity na 74% ng Pilipino ang hindi kumakain nang sapat o ng masustansiya.

Mula nang maipasa ang Rice Tariffication Law na lalong nagbigay daan sa pagbaha ng imported na bigas sa pamilihan, tinataya ng KMP na mahigit P300 bilyong piso ang nasayang na kita ng mga magsasaka.

Giit ng KMP, wala pa ring signipikanteng parusa sa mga mandarayang trader samantala “binibili ng mga trader ang palay sa halagang P17 [kada kilo] lamang sa ibang probinsya. Kulang na lang hingin ang palay ng magsasaka.”

Reporma sa lupa naman

Aminado si NEDA Secretary Arsenio Balisacan na tatagal pa ang panahon na mataas ang presyo ng bigas. Paliwanag niya, nakabatay lang naman ang Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan.

“So those are the ones causing prices in the global markets to rise and initially that was induced by this expectation that El Niño will continue to intensify, and will be there until the first quarter of next year. So, you’re looking at a long period at elevated prices in the global market,” dagdag ni Balisacan.

Nagsama-sama ang mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, Bicol at Negros upang ipanawagan ang tunay na reporma sa lupa, seguridad sa pagkain, at pagtatanggol sa kalikasan. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Hirit naman ng KMP, hindi dapat nagmamaang-maangan lang ang gobyerno. May magagawa pero iniiwasan lang. Panawagan ng grupo ang P15,000 na subsidyo sa produksiyon, hindi iyong minsanang ayuda lamang. 

Higit sa lahat, tunay na reporma sa lupa ang susi para sa mas murang bigas at pagkain sa pangmatagalan paliwanag ni Ramos.

Ang katumbas ng reporma sa lupa ay pamamahagi ng lupa sa magbubukid mula sa kamay ng malalaking haciendero, iyong lupaing tiwangwang at pagresolba sa mga inaagiw na kaso ng land dispute sa Department of Agrarian Reform (DAR)

Kapag nagawa iyon, magsisilbi ang sarili nating lupain para sa pagkain ng mamamayan. At kahit pa nagtataasan ang presyo sa buong mundo, sapat ang lokal na suplay ng pagkain.

Panawagan ni Ramos, “Dapat ipreserba ang mga palayan para sa produksyon ng sarili nating pagkain, paunlarin at itigil ang kumbersiyon nito para sa ibang gamit.”

Para naman kay dating DAR Secretary Rafael Mariano, kapag nagawa ito, magiging “competitive” ang presyo ng sarili nating palay at bigas. 

“Sana’y ang presyo ng produkto natin ay abot-kaya kumpara sa inaangkat dahil suportado ang produksyon, may kita ang magsasaka at mura ang benta sa palengke. Sino pang mag-iisip na mag-import? ‘Di lang lang tayo dapat nakikipagkumpetisyon sa kalakalan kundi sa husay ng sarili nating produksiyon,” paliwanag ni Mariano. Michael Beltran/Pinoy Weekly

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This